Apr 9, 2011

Sampung paghakbang papunta sa Altar

Sabay sa pagtugtog ng pyesa na nagmumula sa pipe organ ng simbahan, ay hindi ko napigilan magbalik tanaw sa nakaraan, habang kita'y minamasdan. 

unang hakbang mo papasok sa may bungad ng simbahan 

- naalala ko kung paano tayo nagkakilala sa Singapore. Nakakatawa ka, baduy pumorma, parang laging pupunta sa fiestahan, naka polo barong ba naman. kahit mainit ang araw, dedma lang, may baon ka namang panyo kaya ang pawis ay pinupunasan na lamang. 

ikalawang hakbang papunta sa altar, pinangingiti ka ng cameraman 


- gumimik tayo noon sa Lucky Plaza, na diskubre ko, may boses ka naman pala, yun nga lang..parang hinahataw na baldeng walang laman. Inshort, sintunado ka. birit ka parin kahit utas na ako sa kakatawa. 

ikatlong hakbang mo, pinahinto ka.
Ilang shots pa mula sa camera.
 

- namasyal tayo sa Sentosa, anlupit ng attire mo, naka long sleeves at slacks ka ! Daig mo pa ang aatend ng binyagan, nakalimutan mo na ang Sentosa ay pasyalan, at sa palawan beach tayo ay maglalanguyan. 

sa iyong ika apat na hakbang, napatingin ka sa kanan, naroon ang mga barkada mo sa kumpanya na iyong pinapasukan. 

- nagsimula tayong maghanap ng trabaho, nangarap. nag plano. naranasan natin magtulungan at napatunayan ang salitang pagkakaibigan. dinanas natin ang hirap at nakisama tayo sa mga taong kailan lamang natin naging kakilala at kinalaunan ay naging mga kaibigan. 

ikalimang paghakbang, hindi parin mawala ang mga ngiti sa iyong mukha 

- nagbunga ang ilang panahon nating pagsa sakripisyo. nagkaroon tayo ng trabaho. lahat ng mga sakripisyo at naging hirap natin noon, mga pag aalinlangan at kawalan ng pag-asa, ngayon ay biglang naging masaya. Narinig mula sa atin ang mga halakhak at nakadikit sa ating mga labi ang ngiti na parang kailanman ay hindi na mawawala pa. 


sa ika- anim na hakbang, nagpalakpakan ang ating mga kaibigan na nakilala natin sa Singapore, panay ang ngiti mo sa kanila. 

- nagising na lamang tayo na may unawaan. hindi ko maipaliwanag, at hindi mo rin naman masabi ng deretsahan kung meron ba tayo o kung anu pa man. basta pakiramdam natin, meron tayong something out of everything na ating pinagsamahan, na there is something between us. basta yun na yun. ganun. whatever. 

ika pitong paghakbang mo papalapit sa altar, sinalubong ka ng mga ngiti mula sa iyong bestman na nakasama rin natin noong mga panahon na tayo ay mga baguhan at naghahanap pa lamang ng trabaho. 

- naging masaya ang bawat araw na naging buwan hanggang sa umabot ng 6 na taon. napakarami ng unos at bagyo na nagdaan sa pagitan nating dalawa, pero tumayo parin tayo na magkahawak kamay at nakangiti sa isa't-isa. 

mula sa pag hakbang mo ng ika walo, tumigil sa paglakad ang iyong ama. anaki'y hinapo sya at kinailangan huminto muna. 

- nagulat na lamang ako isang araw na parang kakaiba ka, hindi na kita maintindihan. palagi ka ng pagalit kapag nakikipag-usap sa akin. wari'y hinahanapan mo ako ng mali kahit sa maliit na bagay lamang. nagsimula ka na rin manlamig sa akin, ang dating samahan natin, ngayon ay parang may kulang. pilit kitang inintindi,na marahil ay napapagod ka lamang. 

sa pag hakbang mo ng ika siyam, ang luha ko'y hindi na napigilan 

- ang hindi natin pagkikibuan, animoy naging apoy na kumalat at sumunog sa may ilang taon nating naging samahan. 
wari'y nakalimot sa mga panahon na ating pinag daanan, nawalan ng saysay ang mga sakripisyo at sumpaan. 
tila gumuho sa atin ang lahat,nawala na ang pagmamahalan, 

ngunit iba parin talaga ang may pinagsamahan, dahil sa magandang pundasyon na ating nasimulan mula sa pagiging magkaibigan, muling nagbalik sa normal ang lahat na animo'y walang nangyari na trahedya sa ating pagitan. 


sakto ikasampung paghakbang papunta sa altar, nagmano ka sa iyong magulang. Tumayo ka sa may carpet at mula sa aking kinatatayuan,tayo ay nagkatitigan, nakikita ko sa iyong mga mata ang ningning ng kasiyahan. 

at dito ko naalala ang noon ay sabi nila, it's much better to marry your bestfriend, mawala man daw ang pagmamahal nyo sa isa't-isa, may pagkakaibigan pa na magsasalba sa inyong dalawa upang maging masaya ang pagsasama. 




isang kasabihan na kailanman ay hindi ko na mapapatunayan.

dahil mula sa pintuan ng simbahan, ay nagsisimula ng humakbang papuntang altar ang babae na iyong pakakasalan....
 



***** 

when you love someone, you also give him the capacity of hurting you. 

Di na kailangan pang i memorize yan. Napatunayan ko na ngayon lang... 

+++

Mar 18, 2011

MERLION

i am young, and witty. 

Yan ang laging naririnig ko sa mga kaibigan at kakilala ko. 
Maganda daw ako, sexy. yummy, yan naman sinasabi ng mga palipad 
hangin boys na nakikilala ko. 

Masarap pakinggan na may humahanga sa 'yo, nakakataba ng ego. 

Pero kung alam lang nila ang katotohanan sa likod ng mga ngiti sa labi ko, 
malamang ayawan na nila ako. 

I am a single mother, out of crazy love during my college days. 
Talandi kase ang panahon, bago pa man ako mag 17, naranasan ko na ang luwalhati kung paano magmahal at mahalin. 
Yun nga lang, with the wrong person. 

Nabuntis ako ng isang lalake na pamilyado, si Arthur. 
sino ba naman ang hindi mahuhulog sa kanya kung araw-araw dinadaanan ka sa school at tini treat ng dinner. 
feeling ko, prinsesa ako ng mga panahon na iyon. 
At naniwala ako sa mga sinasabi nya na mahal na mahal nya ako. 

after na malaman nya na buntis ako, dun na lumabas ang totoo. 
hindi nya kayang iwan ang pamilya nya, may mga anak sya at naglalakihan na ang mga ito. Ang mrs nya, nasa ibang bansa at papauwi na rin. 
Ang tanging natakbuhan ko na lamang ay ang aking mga magulang. 

Sampal, sabunot, sampal ulit magkabilang pisngi. 
Kulang na lang tadyakan ako ng tatay ko sa tyan para lang malaglag ang bata sa aking sinapupunan. 
Bukod sa mga pagmumura na impit kong tinanggap. 
Tanging unan ang aking naging tanggulan upang ilabas ang emosyon na aking kinikimkim. 

Sabi ni tatay, ipapa agas na lang daw ang bata. 
Ito ang desisyon na hindi ko pinayagan. 
Nagkasala na nga ako minsan ng umibig sa lalake na may pamilya, magkakasala na naman ba ako sa pagpatay sa sariling dugo at laman ko bunga ng maling pag-ibig. 

naging malungkot ang aking mga araw, linggo, buwan hanggang sa dumating ang araw ng aking pagluluwal. 
Noong una, ayaw pang dalawin ni tatay at nanay ako sa ospital, tanging sina tya cely at tyo amado lang ang nagbabantay at nag aasikaso sa akin. 
Nang iuuwi na ako, hindi ko alam kung welcome ba ako sa bahay namin. 
Nasa isip ko noon, kina tya cely na lang muna ako, hanggang sa makapaghanap ako ng paraan paano bubuhayin ang aking anak. 

ikinagulat ko na lang ng makita sina tatay at nanay sa may pintuan ng ospital binayadan ang aking bill at sinundo ako pauwi sa aming bahay. 
Hindi magkamayaw ang mga ito sa pag aalaga sa aking anak, sa kanila na nga ito tumatabi sa gabi imbes na sa akin. 
Walang tigil ang paghingi ko ng tawad, at pangako na magbabago na pagbigyan lamang ako na muling makapag-aral. 

at eto nga, naririto ako ngayon sa Singapore ng 6 na buwan, OJT sa isang restaurant. 
Tuwing matatanggap ko ang aking allowance, imbes na bumili ako ng para sa aking sarili, iniisip ko muna ang aking anak. at ang aking mga magulang. 
Tuwing makakakita ako ng damit na bagay sa akin, naiisip ko muna kung may gatas pa ba si baby, kahit alam kong ibibili ito nina tatay, ayoko naman na isipin nilang wala na akong inisip kundi sarili ko lamang. 

mahirap maging single parent lalu na sa edad kong 20 anyos. 
madami akong gustong gawin, madami pa akong gustong maranasan na alam kong hindi na mangyayari dahil sa aking naging kasalanan. 

Minsan naitatanong ko sa aking sarili, 
bakit sa dinami dami ng tutuksuhin ni Taning, ba't ako pa ang pinili nya. 
Sa dami ng lalake na mamahaliin, bakit sa may-asawa pa ako napapunta. 

mga katanungan na iniiwasan ko nang sagutin, dahil makapagpapahina lamang ito ng aking loob. walang maganda na maitutulong sa akin. 

Ika limang buwan ko sa singapore nang makilala ko si Jared. 
Isa syang emplyeyado sa malaking kumpanya ng Electronics. 
Noong una palipad hangin lamang palagi ang ginagawa nya, nagsasama ng mga kaibigan sa restaurant kung saan ako nagti training. 
Mabait sya, gwapo, simpatiko. Yun nga lang may pagka bolero na talaga namang nakakatuwa kapag nangungulit. 

Minsan niyaya nya akong mamasyal nang araw na offday ko. 
Kinailangan nya pa na mag MC para lamang makasama ako dahil na rin sa ang off ko ay week days. 
Namasyal kami, kumain, walang humpay na tawanan. 
Pakiramdam na halos nakalimutan ko na may 3 taon ng nakakaraan. 
Pagkahatid nya sa akin sa tinutuluyan kong flat, binibiro ako ng mga kaibigan ko. 
Mukhang enjoy daw ako at ni hindi ko napansin na halos 1am na pala at maya-maya lamang ay papasok na ulit ako. 

ganun pala ang feeling ng nagdadalaga, parang walang pakelam sa surroundings. 
masaya, humahalakhak, as in parang ang tagal tagal kong na miss ang ganung pakiramdam. 
sabay sa pagmumuni-muni ko, tumakbo ang aking imahinasyon. 
kwelang kasama si Jared, may matatag na trabaho. 
simpatiko, at palagi akong pinatatawa. 
bagay kami kung sa itsura at height ang titingnan. 
binata sya, 
may anak naman ako.... 

at dito ako napabuntong hininga ng napakalalim. 

paano kung mahulog ng husto ang loob ko sa kanya, 
kakayanin ko bang sabihin sa kanya ang katotohanan na ako ay isang disgrasyada. kaya ko bang tanggapin kapag iniwasan nya ako? 

mga tanong na aking nakatulugan na. 

March 05, 2011. 

Huling offday ko na sa trabaho. 
sa makalawa lang ay aalis na ako, magpapaalam na ako sa aking mga naging kaibigan at kakilala dito sa singapore. 
Kung makakabalik pa ako, hindi ko alam. Kailangan ko pa kaseng tapusin ang mga naiwan kong subjects. 

at gaya ng nakagawian ni Jared, MC na naman ito. 
10am pa lamang ay nasa baba na sya ng tinutuluyan kong flat, naghihintay na sa akin. 

at habang nakasakay kami sa cable car papuntang sentosa, bigla syang tumabi sa aking kinauupuan. 
sabay hila sa aking mga kamay at sabay sa pagtahip ng aking dibdib ay sinambit nya ang mga kataga na hindi ko alam 
kung naintindihan ko ba ng malinaw ang pagkakasabi, o nabingi lang ako sa bilis ng tibok ng aking puso. 

hindi ko na namalayan ang mga sumunod na pangyayari. naramdaman ko na lamang na napakasaya ko. 
oo, mahal ko na si Jared. 
pagmamahal na kakaiba kesa sa naramdaman ko 4 years ago kay Arthur. 
natapos ang maghapon namin na para bang walang hanggang ligaya, panay kuhanan ng pictures at palaging magkayap at magka akbay. 
isang araw na punong-puno ng pagmamahal at kasiyahan. 

March 07, 2011. 

Habang nag e empake ako ng aking gamit, naghahanda na ako para sa aking pag alis bukas. 
Makikita ko na ang aking anak, at ang aking mga magulang. 
Bitbit ang ilang pasalubong para sa kanila, inilagay ko at pinagkasya ang aking gamit sa maleta na binili ko pa noong pangalawang buwan ko sa aking training. 

Maya'maya lamang ay kumatok ang aking flatmate at sinabing naghihintay daw sa labas si Jared. 

oo nga pala, huling gabi namin ni Jared na magkakasama ngayon. 

at napadpad kami sa harap ni Merlion. 
Magkahawak kamay kaming naglalakad, habang nagbibilin sya sa akin ng mga dapat kong gawin kapag nasa Pilipinas na ako. 
Araw-araw mag sms daw ako sa kanyang roaming, mag chat sa gabi after ng trabaho nya, bukod pa sa tatawagan nya naman daw ako araw-araw. 
mga bilin na hindi ko na ma absorb. 

at sa harap ni Merlion, lumuluha akong humarap sa kanya. 
"Jared, mahal kita kaya't ayoko na sa iba mo pa malalaman ang totoo. Isa akong SINGLE MOM. " 

at sa puntong iyon ay nakita ko ang reaction sa mukha ni Jared. 
Tanging nasambit na lang nya ay paano nangyari sa akin yon. 

Naikwento ko sa kanya ang lahat sa loob ng 10 minuto. mula sa simula hanggang sa makilala ko sya. 
wala akong nakitang kakaiba sa mukha ni Jared, napalunok lamang sya ng ilang beses. at pagkatapos kong masabi ang lahat, 
parang walang anuman na umakbay sya sa akin, sabay yaya kung gusto ko daw munang mag pa picture sa harap ni merlion. 

at gaya ng mga nakaraan, inihatid nya ako sa tinutuluyan kong flat, isang mainit na halik ang iniwan nya sa aking mga labi 
sabay bulong na "mahal kita, i'll be missing you" 

yun ang huling tagpo na hanggang ngayon ay nananatili sa aking isip at puso. 
hindi na nya naibigay sa akin ang kanyang roaming number, tinangka ko syang tawagan sa kanyang singtel number ngunit naka off na ito. 

siguro ay hindi nya kayang tanggapin ang aking nakaraan. 
malamang, nag-iisip pa sya kung kakayanin nya ba akong mahalin sa kabila ng aking sitwasyon. 

siguro...siguro... puro na lamang haka-haka at pang aalo ng damdamin ang iniisip ko upang maiwasan ang nararamdamang sakit. 

at naisip ko, kailangan kong mag sakripisyo. mas kailangan ako ng aking anak. madami pa naman sigurong lalake na magmamahal sa akin 
at tatanggap sa aking nakaraan at kasalukuyang sitwasyon. 

sa ngayon, pagbubutihin ko muna ang aking pag-aaral, 
pag-aaralan ko na rin kalimutan si Jared, masakit, pero kailangan. 

****

Mar 5, 2011

Liham para kay Nene

isang tulog na lang kaarawan ko na naman
abala ang lahat sa pag aayos ng ihahanda para sa aking
ika 68 taon na kaarawan

taun-taon naman ay laging ganito,
laging may handa .
madaming imbitado.

at gaya ng mga nakaraang taon,
ise celebrate ko ang araw na ito na wala ka.

para namang di pa ako nasanay.
ilang taon na ba akong ganito,
simula ng mag abroad ka hindi na kita nakasama.
umuuwi ka man, pinaka maytagal na ang limang araw
mas inaalala mo pa ang naiwan mong trabaho.

hindi mo na tuloy namalayan ang mga pagbabago sa buhay ko.
hindi ko na nga matandaan kung kailan mo ako huling sinamahan sa pagsisimba.
noong panahon na maging byuda ako,
ang asong si bantay na ang aking naging kaagapay

imbes na ikaw ang umalalay sa akin habang dinaramdam ko ang pagsakit
ng aking tuhod dulot ng rayuma.

hindi kita sinusumbatan anak,
dahil inay mo lang naman ako at wala akong karapatan.
gusto ko lang ipaalam sa 'yo ang aking nararamdaman.

hindi madali ang mawalay sa anak, wala na nga ang iyong tatay
pati ikaw kinalimutan na rin ako.
pakiramdam ko tuloy, galit sa akin ang mundo.
walang nagmamahal.

lagi mong sinasabi na kaya ka nagpapakahirap magpa alipin sa ibang bansa
para mabili ang mga kailangan ko
ni minsan ba anak, naitanong mo kung ano talaga ang makapag papasayasa buhay ko?

aanhin ko ang mga bagay na pinapadala mo, naiipon lamang sa estante
at kalimitan ay pinamimigay ko
hindi kayang takpan ng mga mamahaling gamit na ipinapadala mo
ang pagka uhaw ko sa iyong kalinga.

walang taon anak,
hindi ka ba napapagod at nakakaisip mamahinga man lang kahit sandali dito sa piling ko?
mabuti pa yung kapitbahay natin kahit may pamilya na, nauwi parin para lamang
makita ang magulang nila.

samantalang ako, palaging nag iisa.

minsan tuloy hindi ko maiwasan isipin,na iniwan mo talaga ako dahil ayaw mo sa akin
na pabigat lang ako sa buhay mo.

mas importante pa ba ang pera na kinikita mo,
kesa makasama ang magulang na nagigiliw sa 'yo?
tumatakbo ang panahon anak, tumatanda na ako
ayokong dumating ang araw kung kailan mahina na ako at alagain na
ay saka pa tayo magkikita.

bigyan mo naman sana ako ng pagkakataon na muling makasama ka.
gaya noong munti ka pa lang bata na naaalagaan pa kita.

sana man lang anak matawagan mo man lang ako sa aking kaarawan.

at gaya ng mga nakaraan kong kaarawan, iisa parin ang aking kahilingan.
ang makasama ang pinaka mahalagang tao sa buhay ko.
ikaw iyon 'nak...

maraming salamat sa ipinadala mo, siguradong mabubusog at matutuwa ang mga bisita.
sana sa susunod na may ipapadala ka, pakibalot naman ng yakat at pagmamahal mo
yun man lang ay makapiling ko upang mawala ang pangungulila
ng isang magulang na tulad ko,

nagmamahal,

Inay

Jan 19, 2011

facebook

30 taon. 

Panahon pa ng rehimeng Marcos ng ako ay tumulak papunta sa bansa ng mga niyebe. Hindi ako tumakas, manapay, naging timing lang ang tawag ng tungkulin upang ako'y manilbihan sa bansang Switzerland. 

Isa akong Nurse. 

Sabi nila, mapagkalinga daw ang mga Pilipino. Magagaling magtrabaho. Kung kaya't pinalad akong makapag trabaho sa bansang kailanman ay hindi ko pa nakikita maski sa litrato. 

Baon ay yakap mula sa aking mga magulang at kapamilya, luha ko ay hindi mapigilan sa bawat minuto ng pag hihintay sa isang tao na kailanman ay hindi nawalay sa aking isipan. 

Sya si Greg. 
Isang arkitekto. Second year college ako ng makilala sya at maging kasintahan. Ayaw nya akong umalis ng bansa, dangan lamang at kinakailangan dahil na rin sa hirap ng buhay at kalagayan ng ating bansa. Masyado ng magulo, ayokong manatili ang aking pamilya sa P. Tuazon na laging may ligalig at ambang kapahamakan mula sa rehimeng nanunungkulan. 

Isang halik at ilang patak ng luha sa bisig ng Greg sabay bulong na "hintayin mo ako mahal" ang aking iniwan. 

Madalas akong sumulat sa aking pamilya, at kasabay nito ay ang liham din para kay Greg. 

1986, EDSA Revolution. bumungad sa akin ang balita na malaya na sa rehimeng Marcos ang Pilipinas. Nagbalik na ang demokrasya. 
Ngunit kasabay nito ay ang pagdating ng sulat mula sa aking kapatid, na si Greg ay ikakasal na sa kaibigan na malapit sa aming dalawa. 

Masakit. Hindi ko alam kung paano ko paglalabanan ang kirot na nadarama ko. Ang tao na minahal ko ng may 10 taon, ngayon ay nawala na. Hindi ko alam kung paano sisisihin ang sarili ko. Bakit ko pa kase kinailangang iwan sya, bakit mas inuna ko pa ang aking mga pangarap kaysa makasama ang pinakamamahal ko. 

Bakit nagkaroon ako ng kaibigan na pinagtiwalaan ko, yun pala ay aahasin at kukunin ang mahal ko. 

Ibinuhos ko ang lahat sa trabaho. Hindi ako umuwi ng Pilipinas. Ayoko ng maalala ang sakit. Ayokong malaman ang anuman tungkol sa kanya at sa kanyang pamilya. Isinarado ko na ang puso ko. 
Ayokong maalala ang taong tumalikod sa aming sumpaan. 

Marso 2010. 

"Auntie you should use facebook to reconnect with your friends, it's fun you know" pagrerekomenda ng madaldal kong pamangkin. 

"that's for bagets, i'm too old for that !" 

"who says? even my mom use this, and she chat's with our relatives in Pinas" makulit din talaga ito palibhasa ang bf ay taga Bulacan. 

Dala ng kuryosidad, nag sign in ako sa facebook. 
Mula sa ilang pamangkin, kaibigan at mga kakilala, unti unti kong nakita at nai research ang aking mga dating kaibigan. 

"Aurora, is that you?" wall message ng dating kaklase ko sa anatomy101. 
"yes, i'll be online later, hope we can chat" reply ko naman sa kanya. 

Dito na nagsimula ang muli naming pagbabalitaan na magkakaibigan. At sa hindi sinasadyang tanong, naungkat sa usapan si Greg. 

"byudo na sya, Dulce died 4 years ago from cancer. I heard he got a project in Thailand" pagbabalita ni Criselda. 
"oh, really. " eto lamang ang naisagot ko. at muling kumilos ang aking mga daliri na animoy may kanyang pag-iisip, hinanap ko ang pangalan ni Greg sa facebook. 

Kung gaano kabilis tumipa ang aking mga daliri sa keyboard ay sya ring bilis ng tahip ng aking dibdib. 

At nakita ko ang profile ni Greg. 

Parang malulunod ang aking puso sa sobrang tibok nito. 
Nagka edad na si Greg, pero ang tindig at porma ay walang nabago. Sya parin ang lalake na minahal ko tatlong dekada na ang nakararaan. 
At hindi ko alam kung ano na ang mga sumunod, na i add ko sya sa aking facebook. 

January 11, 2011 NAIA. 

Habang papalabas ako ng terminal sa Ninoy Aquino International Airport ay hindi ko malaman ang aking pakiramdam. nerbyos ba ito, o excited lamang. 

Maya-maya lamang paglabas ko ng arrival area ay wari'y uminog pabalik 1981 ang aking mundo. 
Si Greg nasa may bungad ng waiting area, tangan sa kamay ay 1 pumpon ng mga bulaklak. Nakangiti at walang kakurap kurap. 
Hindi ko alam kung paano ako nakalabas, naramdaman ko na lamang ay may mga bisig na sa akin ay nakayakap. 

At sa labas ng terminal ako ay kanyang iginiya papunta sa parking lot, na aking ikinagulat. 

Isang malaking banner at ilang mga pulubing bata na may tangan na rosas ang sa akin ay nagpa mangha. 

"WILL YOU MARRY ME ?" ang nakasulat sabay sa aking pagkabigla ay lumuhod sa aking harapan si Greg, inabot ang aking kamay sabay sa pagsusuot nya sa aking daliri ng singsing ay namutawi sa kanyang labi " kay tagal kong naghintay sa 'yong pagbabalik " 

Tanging luha na lamang ang aking naisagot. 

Nakabibinging palakpakan mula sa aking mga kamag-anak at ilang tao na nakasaksi sa parking lot ang mga sumunod. 


At dito ko naalala ang kantang Que sera sera ...what ever will be , will be. 

Salamat sa facebook... 

Jan 10, 2011

kaming apat, 5 years ago.


5 taon.
halos maluha ako ng makita ang mga litrato namin. mga panahon na patpatin, mga ngiti at lamlam ng mga mata na wari'y nagsasabing " walang bibitaw meron pang pag-asa"

sino nga ba ang makakalimot sa aming 4.
ako,
si kuya emil
si Dex
si Ranier


pagkakaibigan na umusbong mula sa pagsubok na aming naranasan sa bansa ng Oportunidad. Ang Singapore.

March 2006 noong kami ay magkakila-kilala sa Speed box sa Lucky Plaza. Internet shop ito na kung saan ako napadpad upang makapag MIRC. isa akong chatter at hindi kumpleto ang araw kung hindi makakapag online upang makipag balitaktakan sa mga kaibigan sa web.

Dito ko nakilala si Glen kung saan ipinakilala ako sa mga jobhunters na kasalukuyang gumagawa ng kani-knailang mga resume. Si Dex (payatin), si Ranier (medyo malaman), si Kuya Emil (medyo nakakalbo na) at ilan pang mga kababayan.

Sila ang nagyaya sa akin na sumamang maghanap ng trabaho, imbes daw na nakikpag chat ako, bakit hindi na lamang maghanap ng trabaho.

Hindi madali ang mag jobhunting, araw-araw kailangan bumili ng newspaper.
Kailangan mag send ng emails, tumawag at mag walk-in para magbakasakali na tumatanggap sila ng walk-in applicants.

Dumaan ang mga araw, naging buwan, isa-isa kaming naghanap ng pwedeng mag sponsor or mahiraman ng IC para makapag renew sa ICA ng visa. Mula 8am ng umaga, pipila kami at magti tyaga mag hintay ng tawag mula sa officer. kakaba-kaba kung mare renew o hindi. Habang naghihintay sa upuan ay walang tigil ang mga kamay namin at mata sa pagbabasa ng mga job offerings na nasa newspaper. walang pinapalampas na job offering, matapos isulat sa aming mga papel ay ipapasa naman sa katabi upang sya naman ang maghanap ng nauukol sa kanyang propesyon. Kalimitan matatapos kami sa ICA ng bandang 5pm.

Sino ba ang makakalimot sa cold storage ng takashimaya?
tuwing 6pm, sama-sama kaming 4 papuntang cold storage, sa oras na iyon ay half-the-price na lamang ang chicken. Mula sa presyong $8.90 mabibili na lamang namin ito sa halagang $4.50. ipapahiwa kay auntie, kalimitan ay nire request na hiwain ng mas maraming piraso. sabay sasamahan ng 1 balot na loaf bread na mabibili sa halagang $1.20 Patak-patak kami para makabili ng aming pagsasaluhan.

matapos makabili ay de derecho kami sa Novena church, mananalangin. Hihingi ng awa at magpapasalamat sa panibagong araw na ibinigay sa amin. Na sana may makuha na kaming trabaho.

Ang likod ng KFC sa novena square ang piping saksi sa aming pagsa sakripisyo, dito namin kinakain ang 1 balot na loaf at 1 manok na hiniwa-hiwa. pagkakasyahin namin sa aming mga walang laman na tyan. Sa umaga ay kape, sa tanghali ay tubig sa hapunan ay loaf at manok. araw-araw ay ganito ang aming routine. Kailangan mag tipid, dahil walang aasahan na magbibigay sa amin.

Naranasan din namin kumain sa gilid ng kalsada. Bitbit ang manok at loaf bread, inilatag namin ang mga pahina ng dyaryo naming dala sa lupa. binuksan ang manok at tinapay, saktong sumusubo kami ng biglang may mga dumating at pinaalis kami sa aming pwesto. Hindi na daw maaring mag picnic doon dahil ipinagbabawal na ng kontratista. Napakainit noon ng araw, wala naman kaming ibang mahanap na pwesto para maitawid ang aming gutom. Hanggang sa napagawi kami sa gilid ng mrt station, anaki'y mga pulubi na nakatayo habang kumakain. Si kuya Emil ang palaging may dalang tubig sa amin na sya namang pasa-pasa namin iinumin.

Si ranier ay umuwi muna sa Pinas. Si Kuya Emil naman ay nanatiling dito dahil meron syang EPEC. minsan napapa raket, namimigay ng flyers sabay takbo pag may nakitang naka uniform na pulis. Minsan nga kahit NS Servicemans lang tumatakbo na sya, basta naka uniporme na pormang pulis.

Naka ilang uwi rin ako sa Pinas, naranasan ko pa na kabababa lamang ng eroplano ay may tumawag para sa interview, at kinabukasan ay muling bumili ng ticket upang makalipad pabalik dito. Kung saan swerte naman na nabibigyan ng 1month visa.

Si Dex, nakailang uwi rin ng Pinas. Nagbalak na rin na sa ibang bansa na lamang makipag sapalaran gaya ng Dubai at Saudi.

Bawat may uuwi, may pabaon kaming kopya ng resume, pagbalik ay naka xerox copy na ng ilan daan piraso dahil mahal ang pakopya dito.

Ilang agencies rin ang nanloko sa aming 4. Naroon na hingan kami ng $50 at pagkatapos ay paaasahin na magkakaroon ng interview. Ilang beses kami naloko ng mga ganito, ang masakit pa ay kapwa mga kababayan ang mga tauhan nila at humaharap sa amin.

Naranasan namin 4 ang maglakad mula Jurong East MRT papuntang Tuas. May nabasa kami sa dyaryo na hiring ang 1 manufacturing company. Alas onse ng umaga ay naglakad na kami pagkababa ng Jurong East Mrt, kapag magba bus pa kase ay mababawasan ng .90 cents ang ezlink namin, kaya lakarin na lang sabay exercise na rin.

Uhaw, pagod, sobrang init ng araw. Pagdating sa nasabing kumpanya kami ay hindi man lamang inintindi dahil PR, Malaysians at Local lamang pala ang tinatanggap nila.

Ala una ng hapon, katirikan ng araw. Walang tubig na dala, pamaypay ay dyaryo at resume na ibinasura.Mula Tuas ay nilakad muli ang Jurong East Mrt na pinanggalingan kanina. Habang naglalakad ay nagku=kwentuhan upang mawala ang hirap na nadarama. Puro pag-asa at pagpapalakas ng loob ang namamagitan sa bwat kwento at pagbibida.

Dumating ang buwan ng Agosto. ika limang buwan na wala parin kaming trabaho. Isa-isa ng nalaglag ang aming pag-asa. Salamat na lamang at nakilala namin ang mga Ate na nagta trabaho bilang mga outside kasambahays. Part timers kung tawagin sila.

Si Kuya Emil ay sa kanila pumisan, upang makatipid sa upa. Si Ranier naman ay nasa Pinas, babalik na lamang kapag may tawag mula sa apply nya. Tuwing hapon pagkakatapos nilang mag part time sa mga bahay na nililinis nila ay tatawagin kami upang makisalo sa lulutuin nilang pagkain.
Hindi nila kami sinisingilan, bagkus kami ay kanilang tinutulungan. Pinakakain, binibigyan ng matutuluyan lalu na kapag sabado at linggo kung saan walang aaplayan.

Naranasan ko pang sumama sa kanila upang maglinis ng bahay, at mag plantsa. Palibhasa ay hindi sanay, tatawanan lang nila pero bibigyan parin ng bayad sa oras ng pagsama sa kanila. Ayaw namin umasa at manghingi sa kanila dahil ramdam namin ang hirap ng kanilang mga trabaho. Kaya't ang gagawin nila ay yayayaiin akong maglaro ng TONG-ITS. na kalimitan ay bigay ang laban, kumbaga laging ako ang panalo. At ang perang kinita ko ay syang magsisilbing pisi namin ng mga kasama ko.Pambili ng ezlink namin, pambili ng dyaryo at kung minsan kapag malaki ang napanalunan ay pambili ng bigas at sardinas para makain namin kahit papaano.

Nakabalik si Ranier, nabigyan ng trabaho buwan ng Setyembre.
Si kuya Emil naman ay natanggap narin buwan ng Agosto.
Ako naman ay nagsimula rin noong buwan ng Oktubre.
at si Dex ay nagsimula ng buwan ng Nobyembre.

kapag binabalikan ko ang kwento naming 4, lalong lumalakas ang loob ko. Sa kabila ng mga hirap naming dinanas, kami parin ay kumpleto.

Si Kuya Emil ay sa 1 tanyag na hotel na namamasukan.
Si Ranier ay Engineer na rin sa 1 kumpanya.
Ako naman ay pinalad na rin at masasabing maganda ang pwesto.
Si Dex naman ay ang pinaka malupit sa amin, dahil sa 1 MNC napapasok at malaki rin ang sinusweldo.

Lahat kami ay naging matagumpay. PR na ako at si kuya Emil. Kami na tuwing mag-aapply ay sinasabihan na FOR PR or LOCALS only. ngayon ay napapangiti na lamang kami.

Ang mga ATE na nag pakain sa amin at nagbigay ng tulong sa kabila ng kanilang trabaho ngayon ay sya namang kinukuha namin na tagapag linis ng aming mga tirahan. Sila naman ang aming iniimbitahan upang makasalo at makasama sa bondingan.

At ngayon nga, sa pagbaybay ko ng ilan pang mga pahina ng aming mga pinagdaanan, tanging tiwala sa DIYOS, tiwala sa sarili at salitang PAGKAKAIBIGAN ang aral na kailanman ay hindi ko malilimutan

Translate

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;