Hindi ko napansin, malamig na pala ang kape na nasa aking harapan
Time check : 12:45am
ah, maaga pa. hindi pa nagbubukas ang pintuan para makapag pre-boarding ang mga pasahero na bibyahe pauwi ng Pinas.
4 years....parang kailan lang, jobhunter ako sa Singapore.
Halos magmakaawa ako noon sa mga agency, mahanapan lang ako ng trabaho.
Sabi ko, kahit mababa lang ang sweldo basta ang mahalaga magka trabaho ako.
Araw-araw nagsisimba, nananalangin na sana may tawag ng magmula sa mga inaplayan ko na kumpanya.
Mabait talaga si Lord, halos ilang linggo lamang ay natanggap ako sa trabaho.
Sa isang sikat na Hotel.
Hindi ganoon kalaki ang sweldo, pero ayos na para mabuhay ako ng maayos.
Mabilis lumipas ang mga araw, naging buwan hanggang sa naging taon.
Nagkaroon ako ng napakaraming mga kaibigan.
Mga kaibigan na naging kasama ko upang wag malungkot at mangulila sa pamilya na aking naiwan.
2009, nakilala ko si Joan.
Isa syang telemarketer ng isang kilalang Credit Card company.
Dahil S-PASS holder ako at medyo maganda ang nakalagay na Title ng aking posisyon, hinimok nya akong mag apply ng creditcard.
Kaya daw ng kumpanya nila na maipa approve ang application ko at makakatulong din yun sa aking pang araw-araw na gastusin.
Nagpahimok naman ako.
Mula sa $1200, pinalabas nyang $2500 ang aking sinusweldo.
Makalipas ang ilang araw, may natanggap akong makapal na sobre. Laman nito ang card at ilang papeles mula sa kilalang banko.
Natuwa ako, hindi ko alam ano ang gagawin ko sa card na aking hawak.
Napakalaki ng $8,000 na credit limit na binigay sa akin.
Unang kaskas, bumili ako ng laptop.
Pakiramdam ko habang pumipirma ako, isa akong mayaman.
Nakangiti lahat ng sales staff sa akin, welcome na welcome.
Masyado akong natuwa, kaya't sumunod kong binili ay relo, sapatos, ilang pirasong damit.
Kinagabihan, inimbitahan ko ang aking ilang kaibigan na mag hapunan.
Nilibre ko sila. May pambayad ako, may $8000 credit limit ang aking creditcard.
Nagkita muli kami ni Joan, sabi nya pwede na rin daw akong mag apply sa ibang creditcard company.
At hindi nga ako nag dalawang isip, dahil may laptop na ako, nakapag online ako at malaya kong napuntahan ang mga website ng iba't ibang creditcard company.
Apply dito, apply doon.
Wari'y nalunod ako sa kasiyahan ng maraming hawak na gadgets.
Yung maraming damit sa closet, maraming sapatos.
Dumami lalo ang aking mga naging kaibigan.
Nakapunta lahat dito ng mga kapatid ko, maging si Inay naisama rin.
Nagkaroon ng dating ang pangalan ko, naging bukambibig ng mga kaibigan ko.
Minsan nga nagpapa utang pa ako mula sa mga cash advances ng mga creditcards.
Nagpa package ako ng 3 jumbo box sa LBC, hari ng padala ang tawag sa akin ng mga kamag anak ko. Isa-isa nilagyan ko ng mga pangalan ang bawat pasalubong na nasa kahon.
Nakapasyal ako sa mga bansa sa paligid ng Singapore,
nakapag bakasyon ako sa mga lugar na dati-rati'y sa litrato ko lamang nakikita.
Lahat iyon ay UTANG.
UTANG na kailangan ko palang bayaran.
2010. lumipat ako ng inuupahang tirahan.
Hindi ko na kayang magbayad ng 1 kwarto.
Malaki na ang utang ko at kabi-kabila na ang tawag sa akin ng mga banko, naniningil. Ang iba nagbabanta na iba bangkarote daw nila ako.
Nakakasakit ng ulo, nakakawala ng focus.
Hanggang sa nag bukas ang pintuan ng Resorts World Sentosa
Unang tapak ko sa Casino, nanalo agad ako mula sa aking puhunan na $100, lumago ito at naging $5200.
Natuwa ako, na sa sobrang kagalakan, nakalimutan ko ang aking mga problema.
Nabayaran ko unti-unti ang ilang creditcards ko.
Pero hindi parin ito sapat sa laki ng mga naging utang ko, kaya't nagpabalik balik ako sa RWS.
Nang mabuksan ang Marina Bay Sands, mas lalo ako ginanahan. Malapit kase ito sa aking trabaho. Pagkakalabas ko, dito na ako dumederecho.
Minsan pinapalad, pero kung kukwentahin ko ang naging panalo, mas lamang ang natalo kong pera.
dito ko natutunann ang kasabihang "LIFE IS A GAMBLE"
at sa inaraw-araw kong pagsusugal, nanawa rin ako.
Naubos ang aking mga kaibigan.
Ang mga kasama ko dati sa ligaya, isa-isang hindi ko mahagilap.
Pati sa facebook ini ignore na nila ako. Siguro iniisip nila na uutangan ko sila.
Pati trabaho ko naging apektado na. Hindi na ako makapasok ng ayos, ang ilan sa aking mga kasamahan nautangan ko na rin.
Hindi ito ang buhay na aking pinangarap 4 na taon nakakaraan.
Hindi ganito ang mga plano ko sa aking buhay, ngunit ano ang aking magagawa kundi ang ayusin ito habang may panahon pa.
Alam kong mali ang aking desisyon na pagtakbo sa mga utang.
Ngunit mas mahihirapan lamang ako kung mananatili pa ako dito at lalo lamang mababaon sa hirap, na maaring mag resulta ng hindi maganda.
Mababayaran ko din ang aking mga utang, hindi man sa ngayon malamang kapag naiayos ko na muli ang aking buhay.
at ngayon nga ay heto ako, naghihintay sa eroplano na mag-uuwi sa ating bayan.
Sa Pinas, magsisimula akong muli...tatahiin kong muli ang mga napunit kong pangarap.
*****
this is a true story
character is now in Pinas and planning to return here
to pay his debts after selling a parcel of Land