Isang liham ang aking natanggap.
Sa sobre ay makikita ang larawan ng Pambansang selyo ng Singapore
Kahit may ideya kung ano ang nilalaman,
may pagka excited ko pa rin itong binuksan.
2 pahina.
Unang pahina ay imbitasyon para sa gaganaping National Day
Ang ikalawa ay imbitasyon upang maging mamamayan nila.
Isang napakalalim na buntunghininga habang binabasa ko ang mga nakasulat
Nakaka engganyo na mga alok at panghihimok.
Ilang taon na nga ba ako sa bansang ito?
Mahigit pitong taon. Matagal tagal na rin pala.
Hindi ko na mabilang sa aking mga daliri ang mga pinagdaanan ko,
mahirap, maginhawa, malungkot at masaya.
Mag isa ko itong hinarap sa loob ng may pitong taon, pilit pinaglabanan
ang lungkot para mabigyan ng magandang bukas ang mga taong naiwan ko sa Pilipinas.
Handa na ba akong yakapin ang kanilang kultura,
dito ba talaga ako nababagay sa bansa nila.
Binuksan ko ang aking telepono at hinanap ko sa youtube ang awit na Majulah Singapura,
maganda ang bawat lyrics, sumisimbolo sa pagtatagumpay
Nagpapahiwatig ng asenso, magandang pamumuhay at kapayapaan.
Isang bansa, iba't-ibang lahi, iisang adhikain, ang umunlad.
Isinunod ko ang Lupang Hinirang, wari'y naglakbay ng malayo ang aking diwa.
Nagbalik sa aking alaala ang mga panahon noong ako ay nasa Pilipinas.
Noong ako'y nakikipaglaro sa aming mga kapitbahay sa bakuran,
mga araw na ako'y nag-aaral at kasama ang aking mga kaibigan, kamag-anak at magulang.
"Lupa ng araw ng luwalhati't pag sinta buhay ay langit sa Piling mo" ang mga linyang ito
ang nagpabalik sa akin sa kasalukuyan.
Naramdaman kong hilam na pala sa luha ang aking mga mata.
Saktong natatapos ang kanta, itiniklop ko ang sulat.
Ibinalik ko ito sa sobre at iniipit kasama ng mga magazine na itatapon bukas.
Hindi ko parin kayang talikuran ang Pilipinas.