naranasan mo na bang makipag suntukan sa eskwelahan?
makipag sipaan at manulak sa kanal,
eh yung makipag sumbian sa mga taong kasunod mo sa paglalakad?
lahat yata iyan ay dinanas ko na, naroon na ipatawag ako ng principal namin dahil sa pakikipag-away ko sa mga kaklase ko. minsan ipina baranggay na nga ako, sa murang edad na 15 anyos, naranasan ko na ang mabitbit ng pulis sa presinto dahil sa pakikipag suntukan ko.
sino ba naman hindi iinit palagi ang ulo, kapag sinabihan ka na BAKLA ANG TATAY MO.
bata pa lang ako, kinamulatan ko nang si tatay ang nag-aalaga sa akin. hindi ko na naabutan o natatandaan ang mukha ni Inay. Laging kwento ni tatay, si Inay daw ay maganda. Kaya ayun naging mag asawa sila na maaga. Tanan daw sila, pero pagkasilang sa akin, binawian din daw agad ng buhay si Inay. kaya ayun, sya na ang kinamulatan ko na nag aaruga sa akin.
Mula ng pumasok ako sa eskwelahan, si tatay ang nag iisang nagpaaral sa akin. mahirap lang kami, walang regular na trabaho si tatay. minsan sinusundo sya ng taga kabilang baryo, may magpapagupit daw. Ang bayan namin ay isa sa mga nakalimutan na yata ng gobyerno na kasama pa pala sa mapa ng Pilipinas. Puro baku-bako ang kalsada, nakatikim lang ng buldozer ang aming nayon nung kumandidato si Ka Ensoy, yung nag aaryendo ng mga lupa sa amin at mga patanim. pero nung matalo si ka Ensoy, napatigil na rin ang mga pagbabago sa aming bayan. balik alikabukan na ulit ang kalsada.
tandang tanda ko pa, grade six ako noon, nakipag sumbian ako sa kaklase ko. dugo nga ang ilong nya sa lakas ng suntok ko. Sinabi ba naman na bakla daw ang tatay ko, ayun binigyan ko tuloy ng isang madilim sa ilong. buti nga hindi black eye. Kaya naman muntikan na akong hindi maka graduate ng elementarya, ipinatawag ba naman ako ng prinsipal.
high school na ako noong medyo tumino ang buhay ko, pumisan kase kami ni tatay sa mga tyahin ko. dun sa kapatid nya sa bagong bayan. mababait naman sila tiya. Iniiwan ako doon ni tatay at lingguhan kung umuwi. May trabaho daw kase na nakuha sa maynila at mahirap kung 2 kami doon na maninirahan. magkano nga ba naman ang iuupa nya sa bahay kung isasama nya pa ako.
wala na sana akong balak mag kolehiyo, pero mapilit si tatay, may inimpok daw sya para sa pag eenrol ko, gusto ko talaga maging Inhinyero, pero mukhang di kakayanin ng utak ko. Magaling akong mag drawing, kaya kong bigyan ng buhay ang mga nababasa ko sa komiks, pero hindi daw makabubuhay ng pamilya ang trabaho na ganoon. pero dahil sa mapilit, graphics designing parin ang kinuha ko.
hindi ko alam kung paano ako nasusustentuhan ni tatay, basta ang alam ko, linggu- linggo may baon na binibigay si tatay. medyo pumapayat sya, pero makikita mo sa mukha nya ang pagiging masaya.
hanggang sa dumating ang araw ng aking pagtatapos. syempre si tatay ang pinaka mahalaga kong bisita. Ipinakilala ko sya sa mga kaklase at professor ko. at sa hindi ko inaasahang tagpo, kakilala pa pala ng adviser ko si tatay.
at doon ko nakita kung paano sila mag BESO-BESO. Matandang bakla ang professor ko, at sa nakikita ko sa kanila ni tatay, close sila nito.
hindi ko na tinapos ang ceremony, umuwi na agad ako. Masama ang loob ko sa tatay ko. Naisip ko ang mga panahon noong bata pa ako kung paano ako makipag suntukan kapag sinasabi nila na bakla ang tatay ko. Ipinagtatanggol ko sya kahit kanino dahil alam kong hindi totoo ang sinasabi nila.
Nagpunta ako ng Maynila, hinanap ko ang kapalaran ko. at sa kahabaan ng quezon avenue, nakita ko ang malahiganteng larawan ng tatay ko kasama ang isa sa pinaka prominenteng artista ng dekada 80.
Sya pala ang make-up artist ng akres na ito. Sya pala ang tanyag na arkitekto ng mukha ng mga iniidolo ko, na sa pabalat lamang ng notebook ko nakikita. sa kabila pala ng mga ngiti at ganda ng mga ito, ay si tatay pala ang arkitekto.
Kinabukasan, umuwi ako sa bagong bayan. Hinabol ko si tatay. Humingi ako ng tawad sa naging asal ko. Niyaya ko sya na bumalik sa dati naming bayan.
Pumayag naman si tatay, madalaw man lang daw ang dati naming bahay.
At habang nasa kalsada kami,nakita ko ang mga dating kaklase ko. nakatingin sa amin habang naglalakad, inakbayan ko sya na may pagmamalaki, nagtitinginan ang mga tao sa amin at sa harap nila ay isinigaw ko: "OO, sya ang baklang TATAY ko"
***
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Translate
~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~
No comments:
Post a Comment
Please leave a comment: