Jun 30, 2009

hiling sa mga bituin

sabi nila, pag may hiling ka at gusto mo itong matupad

tumingala ka lang sa langit, maghintay ng babagsak na bituin

sabay sambitin ang iyong hiling



ganito palagi ang ginagawa ko simula noon pa

ilang taon na ba akong humihiling?

1...2....halos 5 taon na rin pala, hindi ko na nga mabilang kung ilang bituin ang nalaglag sa langit at nagawan ko ng wish.



siguro kung pagsasama-samahin ko lahat ang mga yun, malamang gunaw na ang singapore sa dami, meteorite na siguro sa laki

pag binuo ang maliliit na bato na nalaglag mula sa kalangitan at hinilingan ko.



tinanong mo ko minsan kung ano pa ba ang hinihiling ko

sabi mo nga nasa akin na ang lahat,



career

pera

kilala sa lipunan

maayos na buhay

mga kaibigan



na kayang-kaya ko marating saan mang lugar na naisin ko, at kaya kong bilhin anuman na naisin ko.





tumalikod na lang ako nung banggitin mo lahat ng mga ito.





dahil lahat ng mga iyan ay walang halaga, kung wala rin lang sa buhay ko ang



isang katulad MO.



**



alam ko hindi mo narinig yung ibinulong ko. Manhid ka.





++++

Jun 23, 2009

kalayaan ng isang hibang

sabi ng marami, kung gaano kabilis nagkaroon kayo ng relasyon, ganun din kabilis matatapos ito.

hindi naman ako mapag paniwala sa mga sabi-sabi.
tama na sa akin ang motto ko na "what you feel is what you get"
pero nung nakilala kita, na iba yata ito.

matagal na kitang pinapantasya, di ko pinapalampas ang mga laro mo ng basketball
kahit na taga jurong east ako, dumadayo pa ako sa sengkang mapanood lang kita. tama na sa akin ang ngitian mo ako
busog na ako nun, kahit hindi mo ko lapitan, ok na sa akin ang kawayan mo ako. mahimbing na akong makakatulog nun.

parang sa fairytale, ikaw ang aking knight in shinning armor.

at sabi nga nila, pag may pangarap. may minimithi.
nagulat na lang ako 1 araw ng bigla kang tumabi sa akin sa upuan.
kulang na lang malaglag ang panga ko, ang bangu-bango ng perfume mo, aqua de gio.
sabi mo hiinihintay mo ang barkada mo, siguro naiinip ka, kaya't nakipag kwentuhan ka sa akin. maya-maya lang nagpalitan na tayo ng numero.

daig ko pa ang nasa cloud nine, kung pwede nga lang wag ng dumating ang hinihintay mo, para di muna matapos ang aking pag dedeliryo.
at bago ka tumayo para iwan ako, tinapik mo pa ang balikat ko,
feeling mo naman close na tayo.
pero infairness, kinikilig talaga ako!

few months have passed, hindi na kita nakita. busy ka na siguro sa work mo.
ako naman hanggang ngayon tinatago tago ko pa rin dito sa inbox ko ang message mo na "nice talking with you" . ang una at huling sms na nanggaling sa 'yo.

at sa dinami-dami ng lugar kung saan kita makikita, dun sa Novena Church pa. Pakiramdam ko tuloy, para talaga tayo sa isa't isa. At muli, kinawayan mo ako, nilapitan naman kita. Sabay napa sign of the cross ako, nasa simbahan nga pala tayo, anu ka ba.

hindi ko na alam kung ano mga sumunod na pangyayari, basta nagising na lang ako isang araw, andyan ka na sa aking tabi. hawak ang mga kamay ko, bumubulong ng kung anu-ano na nagpapa hibang sa talanding puso ko.
ayoko ng matapos ang mga sandali...ayokong bumitaw.

at gaya ng mga panaginip, kailangan kong gumising.

bigla ka na naman nawala. hinanap kita, ipinag tanong.
pati mga kalaro mo sa basketball hindi alam kung ano ang isasagot sa akin.
naghintay ako ng ilang linggo..naging buwan...hanggang maka 1 taon.

andun ka lang pala sa may Yishun ngayon. Kasama ang pamilya mo. kasama ang mga anak mo. kung masaya kayo, hindi ko na kailangan alamin yun.

at ngayon, habang pinag mamasdan kita dito sa may yishun...kinakalas ko na rin unti-unti ang tanikalang ako mismo ang naglagay sa leeg ko para sana hilahin mo saan ka man patutungo.

salamat...nagising ako sa bangungot.

ngayon, mayroon na akong kalayaan.


****

Jun 21, 2009

bakla ang tatay ko

naranasan mo na bang makipag suntukan sa eskwelahan?
makipag sipaan at manulak sa kanal,
eh yung makipag sumbian sa mga taong kasunod mo sa paglalakad?

lahat yata iyan ay dinanas ko na, naroon na ipatawag ako ng principal namin dahil sa pakikipag-away ko sa mga kaklase ko. minsan ipina baranggay na nga ako, sa murang edad na 15 anyos, naranasan ko na ang mabitbit ng pulis sa presinto dahil sa pakikipag suntukan ko.

sino ba naman hindi iinit palagi ang ulo, kapag sinabihan ka na BAKLA ANG TATAY MO.

bata pa lang ako, kinamulatan ko nang si tatay ang nag-aalaga sa akin. hindi ko na naabutan o natatandaan ang mukha ni Inay. Laging kwento ni tatay, si Inay daw ay maganda. Kaya ayun naging mag asawa sila na maaga. Tanan daw sila, pero pagkasilang sa akin, binawian din daw agad ng buhay si Inay. kaya ayun, sya na ang kinamulatan ko na nag aaruga sa akin.

Mula ng pumasok ako sa eskwelahan, si tatay ang nag iisang nagpaaral sa akin. mahirap lang kami, walang regular na trabaho si tatay. minsan sinusundo sya ng taga kabilang baryo, may magpapagupit daw. Ang bayan namin ay isa sa mga nakalimutan na yata ng gobyerno na kasama pa pala sa mapa ng Pilipinas. Puro baku-bako ang kalsada, nakatikim lang ng buldozer ang aming nayon nung kumandidato si Ka Ensoy, yung nag aaryendo ng mga lupa sa amin at mga patanim. pero nung matalo si ka Ensoy, napatigil na rin ang mga pagbabago sa aming bayan. balik alikabukan na ulit ang kalsada.

tandang tanda ko pa, grade six ako noon, nakipag sumbian ako sa kaklase ko. dugo nga ang ilong nya sa lakas ng suntok ko. Sinabi ba naman na bakla daw ang tatay ko, ayun binigyan ko tuloy ng isang madilim sa ilong. buti nga hindi black eye. Kaya naman muntikan na akong hindi maka graduate ng elementarya, ipinatawag ba naman ako ng prinsipal.

high school na ako noong medyo tumino ang buhay ko, pumisan kase kami ni tatay sa mga tyahin ko. dun sa kapatid nya sa bagong bayan. mababait naman sila tiya. Iniiwan ako doon ni tatay at lingguhan kung umuwi. May trabaho daw kase na nakuha sa maynila at mahirap kung 2 kami doon na maninirahan. magkano nga ba naman ang iuupa nya sa bahay kung isasama nya pa ako.

wala na sana akong balak mag kolehiyo, pero mapilit si tatay, may inimpok daw sya para sa pag eenrol ko, gusto ko talaga maging Inhinyero, pero mukhang di kakayanin ng utak ko. Magaling akong mag drawing, kaya kong bigyan ng buhay ang mga nababasa ko sa komiks, pero hindi daw makabubuhay ng pamilya ang trabaho na ganoon. pero dahil sa mapilit, graphics designing parin ang kinuha ko.

hindi ko alam kung paano ako nasusustentuhan ni tatay, basta ang alam ko, linggu- linggo may baon na binibigay si tatay. medyo pumapayat sya, pero makikita mo sa mukha nya ang pagiging masaya.

hanggang sa dumating ang araw ng aking pagtatapos. syempre si tatay ang pinaka mahalaga kong bisita. Ipinakilala ko sya sa mga kaklase at professor ko. at sa hindi ko inaasahang tagpo, kakilala pa pala ng adviser ko si tatay.

at doon ko nakita kung paano sila mag BESO-BESO. Matandang bakla ang professor ko, at sa nakikita ko sa kanila ni tatay, close sila nito.

hindi ko na tinapos ang ceremony, umuwi na agad ako. Masama ang loob ko sa tatay ko. Naisip ko ang mga panahon noong bata pa ako kung paano ako makipag suntukan kapag sinasabi nila na bakla ang tatay ko. Ipinagtatanggol ko sya kahit kanino dahil alam kong hindi totoo ang sinasabi nila.

Nagpunta ako ng Maynila, hinanap ko ang kapalaran ko. at sa kahabaan ng quezon avenue, nakita ko ang malahiganteng larawan ng tatay ko kasama ang isa sa pinaka prominenteng artista ng dekada 80.

Sya pala ang make-up artist ng akres na ito. Sya pala ang tanyag na arkitekto ng mukha ng mga iniidolo ko, na sa pabalat lamang ng notebook ko nakikita. sa kabila pala ng mga ngiti at ganda ng mga ito, ay si tatay pala ang arkitekto.

Kinabukasan, umuwi ako sa bagong bayan. Hinabol ko si tatay. Humingi ako ng tawad sa naging asal ko. Niyaya ko sya na bumalik sa dati naming bayan.
Pumayag naman si tatay, madalaw man lang daw ang dati naming bahay.


At habang nasa kalsada kami,nakita ko ang mga dating kaklase ko. nakatingin sa amin habang naglalakad, inakbayan ko sya na may pagmamalaki, nagtitinginan ang mga tao sa amin at sa harap nila ay isinigaw ko: "OO, sya ang baklang TATAY ko"

***

Jun 16, 2009

minsan hindi ako naka maskara

“grabe salamat talaga, kahit kalian napaka supportive mo sa akin. Di kami magkakabati ni Joan kundi dahil sa ‘yo”

Ilang beses ka na ba nagpasalamat sa akin? Hindi ko na ata mabilang. Gaya ngayon, nagkabati na naman kayo ni Joan kaya puro salamat na lang lumalabas sa bibig mo.

“oo na, hanggang salamat ka lang naman. Dami mo na utang”

Pabirong sagot ko sa ‘yo.

Ilang taon na nga ba tayong magkaibigan? 3 or 5 ? Hindi ko na matandaan, basta ang alam ko, simula ng dumating ako dito sa Singapore, naging magkaibigan na tayo.

“pano, una na ako ha. Salamat ulit”

Aalis ka na, parang ayoko munang mamaalam ka. Kung pipigilan naman kita, late ka malamang sa usapan nyo ni Joan.

“saglit, maya-maya naman ng konti. Ubusin ko lang iniinom ko” sinabi ko lang ito para magtagal pa ang pag uusap natin. Delaying tactics ika nga.

“anong oras pa yan matatapos eh ang bagal mo, sige na, kita na lang tayo ulit bukas. Salamat ulit ha” Sabay yakap mo sa akin.

Parang huminto ang mundo, at sa hindi ko namalayang paglipad ng utak ko, naibaon ko na pala ang mukha ko sa dibdib mo.

Nagtatanong ang mga mata mo. May hinahanap na paliwanag sa nagawa ko.

“pasensya ka na, minsan kase hindi ako naka maskara” paliwanag ko sa ‘yo.

At nagulat ka, napalayo. Sabay talikod mo sa akin.


“mauna na ako, salamat ulit Bes.”

At hindi ko na napigilan ang pagpatak ng luha ko. Hanggang kailan ako magiging ganito.

At muli isinuot ko ang maskara sa katauhan ko.

“Sige bes, ingat kayo ni Joan”

Talagang napaka ipokrita ko.
Dahil sa manhid na taong gaya mo.


****

Jun 9, 2009

ang aking ITAY

Sa umaga bago pa tumilaok ang mga manok na alaga ni mang bestre, gising na si itay. Nagluluto ng kape, habang naghahanda ng aming almusal. Nag aaral ang 3 kong mga kapatid. 2 elementarya at 1 high school.

Madalas ginagabi si itay ng uwi, sanay na kaming magkakapatid sa kanya. kinamulatan ko na ang gawi nya, aalis ng maaga bago magbukang liwayway, uuwi ng hatinggabi kung kailan nahihimlay na ang lahat.

Madalas kong tanungin si itay kung saan ba sya nagtutungo, ke aga-agang umalis tapos hatinggabi kung uuwi. Ngingitian nya lang ako, sabay iaabot sa akin ang napamili nya na pagkain namin para sa kinabukasan.

Wag nyo ng itanong kung asan si Inay, namayapa na sya nung ipanganak si bunso. Suhi kase ang bunso kong kapatid nung ipanganak, dahil may kakulangan sa pera, sa hilot lang dinala si inay. hindi nakayanan kaya’t ayun, nalagutan ng hininga.

Mahirap mabuhay ng walang ina, salamat na lamang at andyan si itay. Hindi man kami mayaman, pero hindi pa namin naranasan sumala sa oras ng pagkain.

1992 noon, nagpasya akong magpatuloy ng kolehiyo,pinalad naman ako na makapasa sa UPCAT. Bonus pa, mabibigyan daw ako ng scholarship. hinintay ko talaga si itay na umuwi para lang masabi ang balita ko. Noong una napatulala sya, hanggang mapangiti. Masaya sya dahil may pangarap daw ako sa buhay. Pero wala kaming pambayad sa miscellaneous fees sa eskwelahan kahit sa mga libro man lamang. Sabay tinalikuran na nya ako.

Kinaumagahan, hindi ko na binanggit kay itay ang plano ko. Nagpunta na lamang ako sa kapatid ni Inay sa may Pateros. Nakakariwasa kahit papaano ang tyahin ko palibhasa ay seaman si tiyo arman.

Sinabi ko sa kanya ang balak ko, at imbes na pahiramin ako ng pera, dinaingan pa ako nito na madami daw sya pautang at hindi pa nasisingil. Umuwi ako na lulugo lugo. Abot kamay na ang pag-asa pero nawala pa. Siguro talagang ganoon ang buhay.

Nagulat na lamang ako pag uwi ko, andun na si itay. Masayang Masaya ito, may bagong trabaho daw sya na nakuha at binigyan agad sya ng advance pay para maipang gastos ko sa enrollment. Ganoon na lamang ang iyak ko, matutupad na rin sa wakas ang pangarap namin.

Mas lalu pang maaga kung umalis si itay, kung dati ala 5 ng umaga, ngayon alas kwatro pa lamang nakaalis na sya. Umuuwi ng alas onse ng gabi. Pero hindi ko sya kinakitaan ng pagod. Palaging nakangiti at animo’y hindi iniinda ang pagod. Ako naman ay nagpart time student assistant para may dagdag pantustos sa aking pag-aaral.

Makalipas ang 4 na taon, nakapagtapos ako ng Agri Business. Noon ko lamang naranasan maging Masaya. Si itay, ang 3 kong mga kapatid maging ang aming mga kapitbahay nakisaya na rin.

2 buwan matapos ang graduation, tumulak na ako papuntang New Zealand, natanggap ako bilang tagapangasiwa ng 1 sa pinakamalaking rancho na kinukunan ng supply ng gatas sa buong mundo.

Makalipas ang 1 taon, umuwi ako sa Pilipinas upang ayusin ang papeles nina itay. At gaya ng dati, gabing-gabi parin umuwi si itay. Noon ako na curious kung saan at ano ba talaga ang trabaho niya, kaya’t sinundan ko si itay kinabukasan ng madaling araw kung saan sya patutungo.

At sa Pier 4, doon ko nasaksihan kung paano kami binuhay ni itay. Ang pagtutulak at pagkakarga ng mga ibinababa ng malalaking barko ang kanya palang pinagkukunan ng pambili ng aming pagkain at ipinagpatapos nya ng pag aaral sa akin.

Mula sa likuran ng mga kargamento ay hindi ko na napigilan ang aking sarili, tinakbo ko na si itay sabay hila sa kanya upang umuwi na sa bahay. Nagugulat man ngunit alam kong naiintindihan nya kung bakit kailangan na niyang iwan ang trabaho na iyon.

Syanga pala, si itay ay isang LUMPO. Nakaupo sya sa isang kareta at may hinihila syang kariton para paglagyan ng mga kargamento na inililipat mula sa mga barko patungo sa bodega.

Sa ngayon ay kasama ko na sina itay at ang 3 kong kapatid, maayos ng namumuhay kahit medyo palaging tag lamig.

Hindi na sya nakaupo sa kareta, naka wheelchair na sya.


***

Jun 7, 2009

naranasan mo na ba?

naranasan mo na ba ang umasa?

college pa lang ako, ilang beses na ko nagkaroon ng relationship. ayun, puro failure.
sabi ng mga kapitbahay namin na matatanda sa akin, natural lang daw yun, kase bata pa ako.
Edad 18, naglandi na ako.
o, ba't ganyan ka makatingin? nagsasabi lang ako ng totoo, ayokong maging ipokrita okay?
napasok ko ang mundo ng pagiging isang kolehiyala. masaya, mahirap...malungkot.

sino ba naman ang hindi malulungkot nun, ang bf ko nung high school ako, inakala kong knight in shinning armor,
ang hudas. may ibang GF pala. taga kabilang University lang, kakainis di ba.
Dahil naging bf ko nga sya nung high school, naniwala ako sa palabas sa tv, na hanggat walang clossure, it means kayo parin.
at naniwala naman ako, umasa.
may time pa nga na hinahabol-habol ko sya. hanggang isang umaga nagising na lang ako, hindi ko na sya mahal.
dun ko nakita ang sama ng ugali nya, na pati allowance ko inuutang nya mai date nya lang ang iba. ang jologs ko di ba?
minsan umutang sa akin ng 100 pesos, may babayadan daw emergency, nahuli ko ipinambili ng "bato" ayun iniwanan ko na.

3rd year college ako, na meet ko yung taga Adamson. gwapo sya, engineering ang course, bagay kami kumbaga.
nakailan lang nood ng sine at hayun, bumigay na naman ang bruhilda. ano ba naman magiging laban ng isang nagmamahal? wala di ba.
after few months, matapos magsawa sa relationship namin, nabalitaan ko na lang, may idini date ng iba. asa pa ba ako? naku..hindi na.

may ilang buwan din ang lumipas, wala akong bf, parang nadala na kase ako. hanggang maging graduating ako.
nakilala ko si Roy, isa na namang engineering student, ewan ko ba, ang hilig ko talaga sa inhinyero, masyado kase silang macho.
after 1 week, sinagot ko sya, ayoko na kayang pakawalan, hirap maka hook ng gwapo nung panahon na yun ata.
makalipas lang ang ilang araw, nalaman ko, BADING pala sya. ginamit lang akong front ng walangya.
simula nun, pinangako ko na sa sarili ko, mag iingat na talaga ako. mahirap ng magkamali. maging bitter ba naman ang hitad, o di ba.

at eto nga, after 5 long years, nakilala ko si Vinz. isang volunteer.
hindi sya ganun kagwapo, pero may dating sya. may tono ang boses, na kapag nagsalita parang hinehele ka sa alapaap.
naramdaman mo na ba yung kapag kausap mo ang isang tao, wala ka ng magawa kundi tumango, ngumiti at ngumiti na lang ng ngumiti.
mukhang nahihibang na ewan.
yun, ganun ang naramdaman ko sa kanya. feeling ko ang espesyal ko kapag kasama sya.
ikaw na ba naman yung ipaghila pa ng upuan kapag kakain kayo, hahawakan ka pa sa siko para maupo at makatayo.
kilig to the bones talaga !
Infairnez, napagbago nya ako talaga. di na ako mahilig magmura, nawala na rin yung pagiging bitter ko.

kalimitan sinusundo nya ako sa work, sabay papakainin sa labas.yung tipong ayaw nyo na magkaroon ng bukas kase uuwi kayo sa kanya-kanyang flat.
nood ng sine, pasyal, para nga atang nabaybay na namin lahat ng meron rebulto si merlion.
lahat ng park dito sa singapore, napuntahan na namin, pati nga pulau tekong di namin pinatawad,at nilarga din.
kaya lang bakit ganun, parang meron parin kulang...
hindi ko maramdaman yung kilig at saya na hinahanap ng puso ko.
di ba sabi nila, kapag para kayo sa isa't-isa, may kung anong bundol lagi sa dibdib mo, yun bang kaba ng kaba.
eh ba't ganun, absent ata sa akin ang feeling na kakaba-kaba.

siguro, nasobrahan lang ako sa pinaparamdam ni Vinz sa akin, kakaiba kase sya magmahal.
hindi lang sa mga advices magaling magbigay, hindi lang sa pagiging gentleman,kundi sa pagbibigay sa akin ng pag galang.
pag galang na hindi ko naramdaman sa mga past relationships ko.

umuwi sya last month ng Pinas. Fiesta kase sa kanila. Toxic sa hospital, di ako pwede mag file ng leave.
di bale 2 weeks lang naman sya. lagi naman kami magkausap sa phone, at kalimitan nga, magka chat pa.
panay ang bilin at pangaral nya, nagmumukha na tuloy tatay ko sya. ano ba naman yung pati pagdadasal pagkagising at bago matulog ipaalala pa.

at kanina lang nga, pag open ko ng mailbox ko, meron akong nabasa.

dear jen,

mahal kita kaya't ginagawa ko ang lahat ng sa alam ko ay ikabubuti mo.
wag kang malulungkot sakaling hindi muna tayo magkita. minsan may mga bagay na kailangan natin
gawin para sa ikabubuti ng marami, tatandaan mo palagi ang mga payo ko sa 'yo.
wag kang magtatanim ng galit dyan sa dibdib mo, tandaan mo, iisa lamang ang buhay ng tao.
kung ano ang sa palagay mo ay makakapagpasaya sa 'yo, ituloy mo.
natutuwa ako at ika'y nakita kong nagbago.

nagmamahal,

Vinz


PS

Ordinasyon ko na sa linggo, salamat sa pagtuturo mo sa akin ng daan tungo sa paraiso.


aray! Seminarista pala sya.
aasa pa ba ako na magiging kami pa?

malamang hindi na...



***

Translate

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;