Jun 12, 2012

Rubbershoes

"kasya ba kay Ian ang rubbershoes? sukat ba or maliit" sunod-sunod na tanong ko sa aking mrs habang binabaybay ko ang kahabaan ng Ras Laffan Industrial City lulan ng sasakyan pagamit sa akin ng kumpanya.

Ilang buwan pa lang ako dito sa Qatar, may project kase dito ang aming kumpanya at isa nga ako sa ipinadala. Saan man akong bansa mapa destino, sinisugurado ko na may ipapadala akong gamit sa aking 2 anak. Mahilig maglaro ng basketball si Ian at panlaban ko naman sa taekwondo si Sopia, ang aking bunso.

Hindi madali ang maging OFW, gustuhin ko man makasama ang aking pamilya, hindi naman angkop ito sa aking trabaho. Site engineer ako ng isang dambuhalang kumpanya ng langis. At kada taon, iba't ibang bansa ang aking iniikot.

Hindi ko pinangarap maging OFW, bata pa lang ako pangarap ko talaga ay maging sundalo.
Pangarap na hindi natupad dahil sa isang pangako. Iniwan kami ni Itay noong grade 5 pa lamang ako. Panganay ako sa 5 magkakapatid. 3 babae at 2 kaming lalake.

Tandang tanda ko pa, katatapos lamang ng rebolusyon sa EDSA. Babago pa lamang winawalis ang mga kalat sa kahabaan ng Avenida at Recto. Kalalayas lamang ng maimpluwensyang diktadura.
Mga Marcoses at cronies, tumulak papuntang Amerika.
At gaya nila, si Itay naman ay tumulak din, papunta nga lamang sa Persia.
Tubero daw ang magiging trabaho nya doon. Kikita ng dolyar, ipadadala sa amin, at mula sa pangungupahan dito sa Avenida, makakalipat daw kami sa apartment muna hanggang sa makabili ng bagong bahay at lupa.

Naisip ko, anu ba naman si Itay at Inay nag eempake pa nga lang ng maleta, ang layo na ng itinakbo ng imahinasyon. Ni hindi nga namin maihahatid si Itay kase sayang din ang ipapamasahe hanggang MIA. Alas dos ng hapon ang alis ni Itay, pero alas sais pa lamang ng umaga, inihatid na sya ni Inay sa may Lawton. Doon kase ang pwesto ni Inay, nagtitinda sya ng mga kakanin sa bangketa. Hindi naman talaga tubero si Itay, marunong lamang syang magkumpuni ng mga tubo. Nakakasama kase sya sa pag ekstra kina Mang Romy, kontratista ng MWSS sa Pasig. At hayun nga, may nakilalang recruiter daw papuntang Persia. Salary deduction, walang gastos, kaya sya lumarga.

Huling haplos sa akin ni Itay, sabi nya, "anak pagdating na pagdating ko sa Persia, ibibili kita kaagad ng Rubber shoes, hindi ka na sasakit ang mata sa kakatanaw sa mga eskaparate sa Isetan. Gusto mo mo yung NIKE pa para sikat ka sa buong Avenida" napaiyak ako sa sinabi ni Itay, alam nya kase na yun ang matagal ko na talagang pangarap. Ang magka rubbershoes. Sa edad kong 11, ni minsan hindi pa naranasan ng mga paa ko ang makapag suot ng de goma. Lagi na lamang gawang Recto at Marikina ang naisasapin ko sa aking mga paa. Gustuhin ko man sumali sa Liga, hindi ako makapag try out. Unang requirements nila, dapat may sapatos kang de goma.

26 na taon...lumipas ang mga panahon na iyon na walang rubbershoes na dumating sa aming pamilya. Si Inay, kahit hindi nya sabihin sa aming magkakapatid, alam namin na may problema.
Hindi nagpapadala si itay ng pera, akala ni inay hindi ko sya nakita ng minsang patauhin nya ako sa kanyang pwesto, may nilapitan syang tao at itinanong kung totoo bang na relocate si Itay at nakarating sa Saudi kung saan may giyera.

Wala kaming pera, mahirap mabuhay sa Maynila. Tigil sa pag aaral ang 2 kong kapatid na babae at si Arnel, ang bunso namin, imbes na gatas ang nasa bibiron nya, AM ng sinaing at kaunting asukal lamang ang inilalagay ni Inay. Wala kaming pambili ng gatas nya. Inabandona kami ni Itay na nasa Persia.

Pag kagaling ko sa eskwela, tumatambay ako sa may City Hall, habang hinihintay ko si Inay matapos sa kanyang pagtitinda ako naman ay nag aalok ng serbisyo para mag limpya bota.
Master ko na ang pagpapakintab ng mga sapatos na balat. Mula singkwenta sentimos, napalago ko ang aking serbisyo at nakakapaningil na ako ng dalawang piso hanggang kwatro pesos.
Salamat sa Bitton, ang pampakinis ng mga sapatos. sa halangang tatlong piso, kaya kong makapaglinis ng may 50 pares na sapatos sa singil na dalawang piso hanggang kwatro.

Dito uminog ang aking musmos na mundo. Nagbinata ako na nagbabanat ng buto. Pasalamat ko na rin at may ibinigay sa akin ang Diyos na kaunting galing, may talino daw ako.
Dahil batang City Hall, madami akong nakilalang mga tao, mga padrino na nagtawid ng gutom sa pamilya ko. Si Inay, mula sa pagiging tindera sa bangketa, naipasok ko kay Mrs Sanchez bilang alalay nya . Uwian araw-araw, may pabaon pang pagkain para sa aming magkakapatid.
Sina Lisa at Leona naman ay nakakuha ng scholarship sa CHED, dahil na rin sa rekomenda ni Mr Apostol, ang suki ko sa shoe shine. Si Arnel naman ay nag aaral na rin.Nakapag tapos ako ng Mechanical Engineering sa MAPUA dahil sa pagiging working student. At ngayon nga, after 26 years, masasabi kong malaki na ang ipinagbago ng aming buhay. Ng akin mismong buhay.

Si Itay? kailanman ay wala na kaming naging balita sa kanya. Minsan habang nasa may terrace at nag kakape, napag usapan namin ang nakaraan, malamang may iba na siguro si Itay na pamilya. Napakatagal ng 26 taon para manahimik sya ng ganoon na lamang. Sabagay, uso na talaga ang ganoon. Mga walang kwentang tatay.

Nasa ganoon akong pag iisip ng biglang mag ring ang aking cellphone.
"Manong Bhong, baka po may time kayo mamaya invite ko po sana kayo..."  hindi ko na sya pinatapos ng kanyang sasabihin
"naku, Bryan, pasensya na ha. Medyo busy talaga ako eh. Siguro 1 araw daan na lang ako dun sa Apartment nyo, pasensya na ha" sabay pindot ko sa end button.

Sa Shipping Company nagta trabaho si Bryan, pamangkin ng Mrs ko. Mahilig talaga sa mga extra curricular activites, palibhasa may pangarap maging politician sa kanila sa Ilocos. Kaya pati dito sa Qatar, naging involve sa mga Filipino Organizations at eto nga, pati ako kinukulit. Mula sa ini a apply na mga kababayan hanggang sa humihingi daw ng tulong. Utak pulitiko nga.

"Manong Bhong, eto po yung grupo namin ng mga Ilocano dito sa Qatar. May mga affiliations po kami sa iba't ibang organization dito sa Middle East. May mga natutulungan din po kaming mga kababayan lalu na yung mga dito na inaabot ng pagkakasakit, minamaltrato ng mga amo at mga walang documents. " mahaba nyang paliwanag.
Habang daldal sya ng daldal, iniikot naman ng aking mga mata ang kanyang tinutuluyan.
Masikip, magulo. Madaming nakatira, Boarding house daw kase ito at Pinay na may asawang Syrian ang may ari. Mababait daw at mapag kawang gawa.
Pansin ko nga, mapag ampon sila. Kase may mga ilang manang ako na nakita sa isang sulok na may tabing ng londa or tela ba iyon, nakahimlay sila. Halatang matatanda na at may karamdaman.
Napansin ata ako ni Bryan at napatingin sa akin.
"ay Manong Bhong, mga taga atin din yan. Naghihintay ng tulong mula sa mga organizations at Embassy para makauwi na sa atin." paliwanag nya
"Bryan, mangan kayo ditoy madamdaman, ag luto kamin, naimasen !" nauunawaan ko ng konti ang sinabi nung nagsalita. Inaanyayahan ata kami na dito na kumain mamaya.
"wen manang, nya sida yo?" sagot ni Bryan

Habang nag uusap sila, naglibot libot pa ako sa may veranda.

Napansin ko ang isang matandang lalake na natutulog sa may papag habang may nakatakip na sumbrero sa mukha.

"Manong, si Tatang yan. May kahinaan na tenga nyan, sabi nga namin eh parang bingi na talaga at may alzheimers disease na ata. Matagal na yan dito, undocumented daw kase. Actually, naaksidente yan, parang wala na atang matandaan, kundi yung gamit nya lang na palagi nyang katabi. Tapos kung makipag usap, parang kakaiba. Alzheimers nga daw sabi dito. Nadatnan ko na yan 3 years ago eh. Matagal na daw yan dito at sya yung nag aayos ng bahay, naglilinis. Libre na nga accomodation nyan eh. Parang magulang na rin nila Manang Cynthia dito." dami talagang alam ni Bryan, pati buhay ng ibang tao kabisado.

Masarap ang nilutong Igado at pinapaitan nina Manang Cynthia. Syrian ang kanyang asawa, pero daig pa nito ang isang Pinoy sa galing magluto ng ilocano specialty. May restaurant daw sila dati sa Kuwait, may nakuha na nga raw na soloist para mangharana sa mga kumakain na parokyano, kaso pumutok nga daw ang gera dito sa Middle East at kung wala daw yung soloist na kaka interview lang nya, malamang patay na sya. May sumabog daw kaseng bomba malapit sa kanila, dinamba daw sya ng soloist at sabay silang natumba sa may bar kayat di naabutan ng nagliliparang metal mula sa tinamaan ng missile. At yung soloist daw na yun ay nabingi na nga. Kaya't inampon nila. Dun pala nagsimula ang pagbibigay nila ng kawang-gawa.

Pati tuloy ako, nahahawa na kay Bryan sa pagiging tsismoso. Sa lahat pa naman ng ayoko, eh yung makinig sa kwento ng buhay ng ibang tao. Ayoko kase na inaalam din ng iba ang naging buhay at pinag daanan ko. Isang saradong aklat na iyon para sa akin.

Mula sa labas ng kusina kung saan kami ay kasalukuyang kumakain ng panghimagas na lecheflan, narinig ko ang pagtipa sa gitara, awitin ni Tom Jones ang himig, my ellusive dreams.
May kung anong bumundol sa dibdib ko, kabisado ko ang timbre ng boses na aking naririnig, matagal ko mang hindi narinig, pero di ako pwedeng magkamali. Paboritong awitin ni Itay ay Ellusive dreams ni Tom Jones, at mula sa kusina, napatayo ako at nagpunta sa sala.

Isang payat at impis na mukha ng isang matanda, halos luwa ang mga mata. Puti ang buhok at may ilang ngipin na nalagas na. Hindi man kasinglinaw ng pagbigkas dati sa lyrics dahil narin siguro sa mga nabungal na ngipin sa harapan ng kanyang bibig, ganoon parin kaganda ang timbre ng boses nya. Hindi ako maaring magkamali, tumanda lang sya  pero para syang si ITAY !

Habang nilalapitan ko sya, Parang gusto ko syang sapakin, pagalitan, ibuhos lahat ng sama ng loob na nandito sa aking dibdib. Gusto ko syang tanungin, Itay, bakit mo kami pinabayaan?! Pero walang lumabas na boses sa aking bibig. Nakasunod na pala sa akin sina Bryan at Manang Cynthia.

"Sya si Tatay Ador. Utang namin sa kanya ang buhay ni Irfan. Kundi dahil sa pagpipilit nyang maging soloista sa restaurant, malamang hindi nya nailigtas ang aking asawa.

"kow, eto na naman si Conching, wala ka naman maibabalitang maganda eh" pinutol nito ang kanyang pag awit.

"Tatay Ador, may mga bisita po tayo. Taga Pilipinas, tyuhin ni Bryan !" pasigaw si Manag Cynthia

"Taga Pinas ba kamo? Nakow nakow...."  at nagmamadali itong dumukot ng bagahe sa ilalim ng kanyang papag

"maari bang magpadala ako sa iyo, wag mo itong iwawala, mahalaga ito. Hindi ko lang maalala ang tirahan nila pero tanda ko ang pangalan." at mula sa kanyang maleta inilabas niya ang isang napakalumang plastic bag.
"ito, ibigay mo ito kay Adolfo Rodriguez Jr, nakow, matagal na itong hinihintay ng anak ko. Wala akong mapag padalhan at nagpuputukan sa labas. Sige na, pakidala mo sa kanya, kailangan maibigay agad iyan at sasali sya sa Liga ng Kabataan sa amin, sige na awa mo na..." mangiyak ngiyak nyang pakiusap.

Ganoon na lamang ang gulat ng lahat ng bigla kong yakapin ang kanilang Tatay Ador.

"Tay, uuwi na tayo. Makakasama mo na kaming pamilya mo !" hindi ko na napigilan ang aking luha. Dalawampu't anim na taon...ang rubbershoes na naghatid sa akin ng sama ng loob at naglayo sa aming ama.

"ikaw pala ang anak na palagi nyang inaalala. Ang rubbershoes na yan ang dahilan kung bakit sya nagpunta sa aming restaurant. Gusto nyang kumita ng extra para maipadala yan agad sa 'yo. Nagkataon na biglang nagka gera at natigil ang trabaho nila. Noong araw na lumapit sya sa amin, bitbit nya ang plastic bag na yan. Kahit wag na daw syang swelduhan ng ilang buwan,maipadala lang yang sapatos mo dahil hinihintay mo daw yan. Nagkataon naman na may missile na dun nga sa lugar namin tumama, iniligtas nya ang buhay ni Irfan kapalit ng kanyang pandinig at pagkawala ng memorya. Halos 1 taon sya sa ospital, at kami na nga ang kumupkop sa kanya."
Mahabang kwento ni Manang Cynthia.

January  17, 2012

NAIA.
Ganoon na lamang ang tuwa nila Inay at 4 kong kapatid ng makita nila ang aking sorpresang pasalubong. si ITAY. na hanggang sa makarating kami sa bahay, hindi nya binibitawan ang plastic bag laman ang 26 years old Nike rubbershoes kahit ito ay gulanit na at hindi na pwedeng mapakinabangan.

Makalipas ang may 6 na buwan, may ipinagbago na sa kundisyon ni Itay. Nakikilala na nya kami, at hindi Alzheimers disease ang kanyang naging sakit. Nag clog ang nerves sa kanyang utak upang magpabalik balik sa kanyang alaala ang nakaraan at makalimutan ang ibang detalye sa kanyang buhay. Sa ngayon ay masaya na kaming pamilya, sa bahay at lupa naming sarili. Sa Cavite, dito kami magsisimula ng panibagong bukas kapiling si Itay.
Kapiling ang 26 years old Nike Rubbershoes na ngayon ay nasa loob ng glass shield at naka display sa aming malaking sala.

+ +




6 comments:

  1. Grabe ka lovee, pinaiyak mo ko ng umagang umaga eh...:)

    ReplyDelete
  2. taena syet...kinurot mo puso ko dito ah

    ReplyDelete
  3. nalito lng ako, sau bang kwento to o sa iba? medyo indi kasi nagjibe yong sa "huling karga". natanong lng naman..

    ReplyDelete
  4. napakagandang storya... salute...

    ReplyDelete
  5. mga kathang isip lang po...your life, my story.
    salamat sa pag appreciate.
    i'll be posting more soon.

    ReplyDelete

Please leave a comment:

Translate

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;