Dec 21, 2008

Kanlungan

Alam ko nagtatampo KA na,
nung dumating ako dito sa singapore sabi ko sa 'yo bigyan mo lang ako ng pagkakataon, lahat ng pagsisilbi gagawin ko sa 'yo.
Na hindi ako makakalimot, na hindi parin ako sasablay ng pagdalaw sa 'yo.

Tinupad mo naman lahat ng gusto ko, labi labis pa nga.
Nung una, nakakatupad pa ako sa promise ko,
pero sabi mo nga, ok lang wag ko araw-arawin kase kita mo naman ang hectic ng sched ko, pwede na kahit isang beses isang linggo.

Gaya ng kasabihan, promises are made to be broken, antagal natin hindi nagkita. Tagal din natin di nagkausap, hindi man lang kita nakumusta. Nu na ba update sa 'yo, alam ko kase ayos ka lang. takbuhan ka parin ng marami.
Nasilaw ako sa naabot ko, hindi na kita masyadong napansin.

Minsan kinausap kita, sabi mo ok lang kahit hindi kita dalawin dun sa bahay mo sa novena, madami ka pa naman ibang bahay. Kung saan ako malapit dun kita puntahan. Sabi mo pa it will only take 10-15mins para kausapin ko kahit ang mama mo. Parang mas mahaba pa nga ang byahe papasok ng trabaho.Mas mahaba pa ang tawag na nagagawa ko sa mga friends ko, kesa pagtawag sa mama mo.

Last year nagkasakit ako, akala ko normal lang, na gagaling agad ako. Kinatok kita,sabi mo kakayanin ko, na gagabayan mo ako. At tinupad mo naman, pero dahil uhaw ako sa tagumpay sumabak na ulit ako sa trabaho.Sabi mo hinay-hinay lang, ang pera madaling kitain pero ang kalusugan ang syang aking pupuhunanin. Eh matigas ang ulo ko, ayun bagsak na naman ako.

Akala ko hindi na ako makaka recover,lapit ulit ako sa 'yo,sabi mo matigas ang ulo ko. Pero sabay sa sinabi mong iyon, inabot mo ang palad mo, sabi mo sasamahan mo ako hanggang sa maka recover ulit ako. At muli, tinupad mo.
Sabay natin hinarap ang lahat hanggang makabalik ako sa dati kong sigla.

Ngunit sabi ko nga, tao lang ako. Laging nakakalimot. Naaaliw at nadadala sa agos ng aking kapaligiran. Muli na naman kitang nakalimutan. Naalala kita pero hindi naman ako gumagawa ng paraan para magkita tayo. Ang mama mo naman minsan ko lang matawagan, kalimitan fast call pa.

At ngayon nga, Nung sinabi sa akin ng doctor na wala pang lunas sa ngayon ang sakit ko, na pinag aaralan pa lang nila ito. Hindi ko alam kung kakatok ba akong muli sa pintuan mo. Nahihiya na ako, pero wala naman akong ibang tatakbuhan kundi ang tabi mo,kundi sa kanlungan mo.

Nagpasya ako, wala akong ibang tatakbuhan kundi ang kanlungan mo,muli akong kumatok sa yo,kagabi nga lang, kausap kita. Hindi ko akalain na ganun magiging sagot mo
"Papunta ka pa lang, sinalubong na kita. Nakita kong nahihirapan ka, kaya't kinarga na kita"

Gaya ng dati, alam kong hindi MO ako pababayaan, ramdam ko, andito ka lang at kasama kita. Maraming salamat Panginoon.

Dec 11, 2008

sa aking kapwa OFW

May hihigit pa nga ba sa pagmamahal ng isang ina?
Ayokong mahiwalay sa mga anak ko, lahat tinitiis ko, nanditong magkasakit ako. Mura-murahin ng boss ko, kahit sumala sa oras ang pagkain ko, na kalimitan pa nga'y hindi na ako nakakakain, basta ang mahalaga, pagdating ng katapusan may maipadala ako sa mga anak ko.

Ilang taon na nga ba ako dito sa Singapore? 11, 12...hindi, halos 14 na pala.
Panahon ni Flor Contemplacion nung una kong marinig ang bansang Singapura. Akala ko noong una nasa states ito, or nasa parte ng arabia. Yun pala dito rin lamang sa Asya. Walang pera sina itay at inay, kinamulatan ko sa aming lugar na ang babae tama na ang makatapos ng high school, swerte mo na kung makapag kolehiyo ka. malamang nangatulong ka sa mga kamag-anak mo sa maynila kaya nakapag aral ka.

Sa edad na 24, may 2 na akong anak, at sa awa ng Diyos hiwalay na sa aking asawa. Ewan ko kung bakit nga ba ang buhay ay ganun, sa kagustuhan kong maging maayos ang aking pamilya, lalo lamang itong naging magulo. Mas minabuti ko pang humiwalay sa asawa ko kesa maging bulag, pipi at bingi sa kanyang kalokohan. Tama ang sabi ng mga pilosopo sa tanjong pagar, kaya daw ang ulo inilagay sa mas mataas sa puso, para makapag isip ka. Wag padadala sa emosyon, hindi nga naman maipapakain sa mga anak ko ang emosyon.

undergraduate ako, wala naman akong alam na ibang trabaho kundi gawaing bahay, pero madiskarte ako. Nag apply ako bilang turista sa malaysia, puro peke ang suot kong alahas magmukha lang akong Donya, nakalusot ako ng malaysia. makatapos ang 1 linggo, lumiban na ako ng singapura. Asensado ang bansang ito, kabi-kabila ang tanggapan ng trabaho. Napapasok ako bilang tindera ng mga souvenir sa chinatown,sa sweldong $450 kinagat ko na ito. Kung uuwi ako sa Pinas hindi ko kikitain ang Pp12,000 sa pagbabantay lamang ng paninda.

Masunurin ako sa aking amo, ok lang kahit mura-murahin ako, nag mukha akong clown sa harapan ng mga customer, pag mainit ang ulo ng amo ko pinasasaya ko ito. Naroong kantahan ko sya kahit sintunado, kapag maganda naman ang benta inaaribahan ko sya ng jokes, pampagana lalo kumbaga. Hanggang maka 1 taon ako sa kanya, sabi ng aking Madam, "why you never get lonely, everyday smiling, not worry" sabay tatawanan ko na lang sya, pagtalikod ko sa kanya saka lalabas ang mga luha sa aking mga mata.

Mahal na mahal ko ang mga anak ko, iniwan ko sila sa aking mga magulang na matatanda na pareho. Halos 5 taon bago kami nagkita kita, iilang araw lang inilagi nila dito noon, hindi ako makauwi sa pinas dahil wala rin naman ako mapapala. dito may trabaho ako, doon utang lang mapapala ko. Nagdalaga at nagbinata ang mga anak ko na hindi ko nasubaybayan.

At eto nga, lola na ako ngayon. Parehong nasira ang buhay nila dahil sa walang gumabay na magulang, sisisihin ko ba ang sarili ko?
sisisihin ko ba ang magulang ko?
sisisihin ko ba ang dating asawa ko?
wala akong dapat sisihin...ito ang itinanim ko sa isip ko. Ginawa ko ang lahat para mabuhay sila ng maayos, kung ano sila ngayon, iyon ay dahil sa ginusto nila. wag nilang sasabihin na walang gumabay sa kanila, swerte pa nga sila kung tutuusin dahil walang paltos buwanan may sustento sila. Pero sapat na nga ba ang pera para sa mahal natin na naiwan?

Tumatanda na ako, nakakaramdam na ako ng kakaiba sa aking kalusugan. Malaki-laki na rin ang CPF ko, sa awa na rin ng Diyos, si Madam ay ginawa akong manager at napalago namin ang kanyang negosyo. Ang dating $450 na sahod ko, tumataginting na $3200 na ngayon. 6 na ang pwesto namin sa malalaking mall dito sa singapore. Dati nakikisiksik lamang ako sa kwarto ng katulong ni Madam, ngayon may sariling kwarto na akong inuupahan. Sinusustentuhan ko parin ang mga anak at apo ko, pero lagi kong itinatanong sa sarili ko, MASAYA ba ako?

Hindi, hindi at hindi lagi ang isinasagot ko. Mas gusto kong balikan ang 14 na taon kong nakaraan. kapiling ng aking 2 anak, kapiling ng aking mga magulang. Kung may gusto man akong baguhin sa buhay ko, iyon ay ang panahon kung saan pwede kong makuha ang 2 anak ko na hindi ko ginawa dahil nasilaw ako sa karangyaan na ibinibigay ng bansang ito. Akala ko hindi ako tatanda, na walang magiging epekto sa mga naiwan ko ang panahon na matagal kaming magkakawalay walay.

Kaya lagi kong ipinapayo sa mga katulad kong OFW, kung may mahal kayong naiwan sa Pinas, gumawa kayo ng paraan para magkasama-sama kayo. wag mabulag sa kaginhawaang dala ng bansang ito. Mas masaya ang buhay kung kayo ang sama-sama. Wag nyo akong gayahin, eto, nabubuhay na mag-isa.


Sincerely,
Tiya Delia

Dec 5, 2008

Pilat sa palad

"I'm coming home for christmas....." ayos yung kanta sa radyo, parang patama sa akin. 3 taon din akong hindi nakakaranas mag pasko sa bahay.

Naalala ko pa noon si dennis, dec 15 pa lang, panay na ang handa nya ng kanyang gamit pabalik sa quezon kung saan doon ang probinsya nila. at pagkakatapos ng pasko,
sandamakmak na pasalubong ang uwi nito sa amin.

ahhh...ilang pasko na nga ba ang nakalipas? hinding hindi ko malilimutan ang lahat. kung bakit narito ako ngayon sa bus byaheng quezon.

"buti naman at maaga kang nakarating, ang akala namin ay gagabihin ka" si nana sela iyon, habang sinasalubong ako.

"kumusta naman po si...inay?" tanong ko

"ang iyong INANG ba kamo? naku, hayun at palala parin ng palala ang kondisyon, laging tawag ay ang kanyang bunso, kailan daw ba uuwi. malabo na rin ang mga paningin. mas mabuti pa siguro ay
panhikin mo na at ng magkita na kayo"

sa pag hakbang ko sa mga baitang ng hagdanan, para bang nanariwa sa akin ang lahat. dala ng isang pangako, kailangan kong tuparin ito.

"Inang, narito na po ako." sabay abot ko sa kanyang palad upang magmano

Mahina na ang kanyang katawan, animo'y parang nauupos na kandila.

"salamat dumating ka na anak, akala ko'y tuluyan ka ng nakalimot."

"andito na po ako, aalagaan ko na kayo." sabay sa pagkapit nya sa aking mga kamay, ay syang pag ihip ng malamig na hangin.

"inang, hindi ba kayo giniginaw?" tanong ko sa kanya

ngunit imbes na sumagot sya sa aking tanong,paulit-ulit nyang hinahaplos ang aking mga palad.

"inang, na miss nyo talaga akong masyado ano, hayaan nyo, simula ngayon lalagi na ako sa tabi nyo"

"salamat anak...salamat"

Lumipas ang mga araw, laging kaagapay ako ni Inang sa kanyang tabi. hindi ko sya iniiwan basta basta, anuman ang kanyang kailanganin, ako na muna ang nag aasikaso.
Mabait si nana sela, sya palagi ang aming kasama ni inang sa bahay, palibhasa ay magkapatid silang dalawa kaya't hanggang sa tumanda'y sila ay magkasama.

"Hindi ka na ba babalik sa iyong serbisyo?" untag ni nana sela sa akin, isang gabing kami'y naghahapunan

"naka leave po ako, medyo masakit parin po kase ang sugat sa aking mga paa.lalo na at halos kailan lamang ito nasemento."

"salamat na lamang at nakaligtas ka, ganyan sadya ang mga sundalo, ang buhay ay iniaalay sa bayan" halos pabulong na wika nya

"oho, inaalay hindi lamang sa bayan, maging sa kaibigan..."

"teka, natawag yata ang iyong inang" sabay pihit ni nana sela

Noche Buena iyon, kasalukuyang abala si nana sela para sa aming pagsasalu-saluhan ng ako'y tawagin ni inang.

"halika anak, dito ka sa tabi ko" kahit malabo ang mga mata, pilit nyang inaaninag ang kinaroroonan ng aking mga palad.

"salamat dumating ka, salamat at pinaligaya mo ang isang ina na tulad ko" animo'y paglalambing ni inang.

"inang, kayo ang aking ina at anak nyo ako kaya't anuman ang mangyari ay hindi ako basta mawawala sa inyo"

"alam mo bang walang pinangarap ang iyong ama kundi ang maging isang magaling ka na sundalo?" sabay hugot nya ng isang malalim na buntong hininga.

"kung alam lamang nya ngayon ang katayuan mo, marahil isa siya sa pinaka masayang tao sa mundo. magagalak siya sa narating mo."

kasabay sa pagpisil nya sa aking palad ay inabot nya ang aking mukha. kinapkap ito, mula sa noo, sa anyo ng buhok ko, maging ang aking mga mata, ilong at baba.

"parang kailan lamang ay kandong-kandong ko pa si dennis, ang aking bunso"

"Inang?!" putol ko sa kanyang sinasabi.

"ssshhh....wag ka ng magbalatkayo, alam kong pumanaw na ang aking anak. malabo man ang aking mata at pandinig, ngunit ang tibok ng aking puso ay napakalakas parin.
Alam ko na noon pa mang una kang dumating na hindi ikaw si dennis, wala ang pilat sa iyong palad,hindi mo rin kayang gayahin ang gawi ni dennis, ngunit gayunpaman ay nagpapasalamat ako, dahil pinaligaya mo ang
isang ina na tulad ko. Anuman ang nangyari sa aking anak, alam kong kaloob ito ng Panginoon. Maari mo bang ikwento sa akin kung paano sya nawala?"

Dito ko na sinimulang ikwento ang nangyari, ang kung paano kami na deploy sa mindanao para sa rescue operation.

"Alam naman po natin na tuwing papasko ay umuuwi si dennis dito, dapat ay kasama sya sa babalik ng maynila. pero dahil sa maiiwan pa ako, minabuti nyang magpaiwan na rin at sabay na kaming lumuwas 3 araw bago mag pasko.
Napakabilis ng pangyayari, sinalakay kami ng mga rebelde. Hindi kami lahat nakahanda dahil rescue lang naman ang operasyon namin, kukunin lamang namin ang mga sibilyan at dadalhin sa kabayanan.

May inihagis na granada ang aming kalaban, hindi na po ako makatakbo dahil ligaw na ang mga paa ko. andami na kasing tama ng kaliwa kong paa kaya't hindi ko na kakayanin pang iwasan ang granada.
malapit sa akin si dennis ng oras na iyon, kaya't imbes na iwan nya ako, kinubabawan nya ang aking katawan, kaya't pagsabog ng granada, isa sya sa tinamaan. may malay pa sya ng may ilang sandali, at
ipinagbilin nya nga sa akin na anuman ang mangyari,uwian ko kayo dito. isa iyong pangako na kailanman ay hindi ko maaring bitawan."


"Isang tunay na bayani ang aking anak, sa huling hininga ng kanyang buhay ako parin ang iniisip nya." tumutulo ang luha sa mukha ni inang.
"at hindi ka lamang isang tunay na kaibigan, isa ka rin tunay na kapatid. marahil ay masaya na sa ngayon ang aking anak saan man sya naroroon"

"iniligtas po nya ang buhay ko, kaya't kung anuman po ako ngayon ito ay dahil sa kanya."

"salamat, maraming salamat. maari bang ako'y mamahinga?" inihiga ko sa kanyang kama si inang. may ngiti sa kanyang labi.


Makalipas ang bagong taon, pumanaw si Inang. Gaya ng aking pangako kay Dennis, inihatid ko si inang ng maayos sa huling hantungan. at ngayon nga, papasko na naman, muli kong dadalawin ang quezon. ang mag-inang nagbigay ng bagong buhay sa akin ngayon.

Dec 2, 2008

my resignation letter

it's been 2 months since i left my previous company, and still i miss working with them. let me share to you my resignation letter:

Dear Richard,

I would like to tender my resignation as Assistant Marketing Manager with effect from 1st October 2008, thus by giving 2 week notice, my effective last working day would be 15th of October 2008.

Though I’ve only work here for 2 years and, I’ve learnt a great deal about my work arrangements through your leadership and guidance. As people always said, “a successful career always begins with a good foundation”. The opportunities given to me had help me open up my exposure not only towards self-management but also technically proficient.

As much as I wish to stay in this company, there might be other horizon waiting for me to venture. I always believe that people must explore to the ocean to experience the wave. Only that will enhance my long term aim of having an experienced career path.

I cannot say enough wonderful things about AAAs Com Solution, about all the people I’ve encountered in my year and months of service with the company, and especially about you and all the others on the sales team. Your leadership has taken us all to new levels, and I have appreciated all your personal and professional advice over the years.


I thank you for your appreciation for my effort and my work throughout my term of service. I also hope you will understand from my point of view that making this decision doesn’t come easy.

I wish you nothing but success going forward and will miss working with you and many of my co-workers and customers. My employment with AAAs Com Solution has been an opportunity to both learn and to contribute. I will take many positive memories with me to my new employment.

Lastly, I hope that the company will not have any major disturbance without my presence. I will also make sure my duties are being properly handover to my team.


I do hope there’s a possibility that we may work together again in future. It's my hope that we will stay in touch as I begin this new chapter in my life.



With all my respect and well wishes,

Lovely


*** i still remember kung paano ni reject ang resignation ko, di daw nya ina approve, eh nawalan na talaga ako ng focus sa work ko, panay apply ng leave at mc sa loob ng 2 linggo. sabay sent every 12 midnight ng resignation, ayun after 5 resignations, na approve din.

well, hanggang ngayon kapamilya parin turing ko sa kanila, except those guys na hate ko talaga pag-uugali. lalu na yung mukhang bukbuking baboy na si CMT at manyakers na si DT. Isama na rin ang ever sipsip na si JT. hay naku, buti na lang happy ever na ako dito sa new company na napasukan ko.

Dec 1, 2008

3 lessons i have learned

wanna share these 3 lines i have learned from my experience

1) how fully you lived

2) how deeply you loved and

3) how gracefully u let go of the things not meant for you... time will come... and you'll meet that someone.. who will not only sweep you off your feet.. but that someone who'll love you from head to toe.. and someone who'll not reject any part of you...


when you love someone you also give him the capacity of hurting you

Nov 25, 2008

liham ng ulirang OFW

nay,

kamusta na kayo dyan? nagustuhan nyo ba ang laman ng kahon na aking ipinadala? pasensya na kayo kung yan lang naipadala ko, siguro naman ay nabalitaan nyo na ang krisis na nangyayari sa buong mundo.

nay, pakisabi nga po pala kay ate na pasensya na kung bakit 5,000 lang nabigay ko sa kanya. kung bakit ba naman kase taun-taon eh nangananak sya, hindi ko naman ho sya pinagbabawalan manganak, pero 'nay sana naman maisipan na ng mr nya na humanap ng trabaho para ipakain sa pamilya nya.

ang pang matrikula nga pala ni jun-jun ay kasama na rin sa ipinadala ko, sana matapos na nya ang kurso nya. aba eh halos 7 taon na nyang kinukuha ang ECE, dapat nagta trabaho na sya ngayon.

si angela nga pala 'nay pakiabutan mo na rin ng pambili daw ng pamasko nya. paki paalalahanan na rin na hindi pina pala at winawalis dito sa singapore ang pera. kada 3 buwan ata eh umuungot ng bagong gamit yan. paki check nyo rin kung ayos ba ang grades nya, baka naman abutin na sya ng 6 na taon sa kurso nyang nursing.

si itay naman po ba ay maayos lang? paki bawalan na rin syang uminom basta-basta. baka sakit sa atay naman mapala nya, kakagaling lang nya sa ospital na hanggang ngayon ay binubuno ko pa ang pambayad sa credit card na 0% interest daw. pero heto at ngayon ang bill ay patung-patong na charges na. pakisabihan na wag na syang masyadong mahilig sa alcohol. mag buko juice na lang sya.

si marissa ba 'nay eh natapos na sa kanyang ojt? sana naman ay makahanap agad sya ng trabaho, hindi ko na alam kung paano sya maihahanap pag di nya pa natapos ang x-ray tech na kurso nya.

yung iniuungot nyo nga palang pambili ng AUV para pampasada ng eskwela ay kasama na rin dito sa ipinadala ko. sana naman ay makatulong ito para sa araw-araw na gastusin ninyo. humanap na lang kayo ng mahusay na driver, yung hindi manloloko.

anong handa nyo sa pasko? paki lagay ng computer sa malapit sa sala para makapag chat naman tayo. para sa pasko ay kasama nyo na rin ako kahit na sa computer man lang tayo magkita-kita.

sa totoo lang 'nay gustong gusto ko na makauwi ngayong pasko, pero dahil sa pangangailangan ng pamilya natin titiisin ko na lamang ulit na wag umuwi. wag kang magtatampo 'nay. alam kong obligasyon ko na tulungan kayo na pamilya ko, pero sana naman makaisip rin ang mga kapatid ko na tumulong din naman sa inyo. anong edad na ba ako? hanggang ngayon hindi ako makalagay sa tahimik at makapag buo ng pamilya dahil inaalala ko kayo na pamilya ko.

panahon ng krisis ngayon dito 'nay, kabi-kabila ang tanggalan sa trabaho. para lang wag akong makasama, talaga namang puspusan ang pagpapakitang gilas ko. pumapasok ako ng maaga, halos umuuwi ako ng hatinggabi para lang mapansin ng management na ayos ako.

gusto kong maibigay lahat ng pangangailangan ko, kaya't eto kayod kabayo talaga ako dito. mapapansin nyo sa mga pictures medyo humapis na ang mukha ko, bunga po yan ng palaging pagpupuyat sa trabaho.

sa sweldo ko nga po pala ay bahala na kayo magtabi ng para sa iba pang gastusin, talagang wala akong maipon dito lalu na't 3 kapatid ko ang nasa kolehiyo. sana naman ay maunawaan nila na hindi ako atm machine na anumang oras ay pwedeng kunan ng pera. tumatanda na rin po ako, nakakaramdam na ko ng panghihina ng katawan. anuman mangyari sa akin dito kayo na ang bahalang mag ayos sa aking katawan.

'nay mahal na mahal ko kayo, sana ay ingatan ninyo ang sarili nyo. sabihin nyo kay itay ang mga bilin ko.



nagmamahal,
ompong

Nov 24, 2008

si inay at ang kanyang sinanglay

nakagisnan ko nang tawagin na INAY ang aking lola, palibhasa mga unang apo kaya't ate at kuya imbes na tito at tita ang itawag sa mga tyahin at tyuhin.

bata pa lamang ako ay sinasanay na ako ni inay sa kanyang gawain. lagi nya akong isinasama sa gubat upang manguha ng bunga ng kakaw. tuwang tuwa naman ako dahil ansarap sipsipin ng buto nito, laluna't kapag ang kulay ay violeta. kapag nakapanguha kami ng kakaw at nasipsip ang laman nito ay ibibilad naming mag lola sa arawan. makalipas ang 3 araw ay lulutuin ito ni inay at saka isasangag hanggang maging kulay uling.

Noong una ay natutuwa ako sa gawaing ganito, palibhasa ay bata kaya't aliw na aliw ako. Pero kapag gigilingin na ang kakaw gamit ang gilingang manual, dito na lumalabas ang iba't-ibang sakit na nararamdaman ko. Naroong sasabihin ko na ako'y naiihi, nadudumi, masakit ang ulo, masakit ang tyan at kung ano-ano pa, wag lang makapag giling ng kakaw na mamaya lamang ay tabliya na ang tawag.

hindi lamang sa paggawa ng tabliya magaling si inay, malupit nyang menu ang suman at tamalis.

walang okasyon sa amin na hindi sya gumagawa ng suman at tamalis. di bale na daw kokonti ang handa basta may suman at kape, tamalis at tsokolate na gawa sa tabliya, ay ayos na ang huntahan ng mga bisita. mapa fiesta, birthday, todos los santos, pasko, bagong taon o kung anu pa mang handaan, laging may suman, tamalis, kape at tabliya kaming nakahain.

Kapag umuulan, ugali na nyang magluto ng nilugaw na may tabliya, uulaman namin ng tuyo o kaya naman ay sinaing na isda. siguradong taob ang kaldero sa kusina.

Dahil sa pagsusuman at pagtatamalis, napatapos nya ang kanyang mga anak.

Naging mabilis ang panahon, ang dating taga probinsyang inay namin ay napadpad sa bansang canada. Doon na sya nanirahan ng halos may 2 taon. Araw at gabi daw syang umiiyak, hindi sya mawili-wili sa bansang sobra ang lamig. Kahit kapitbahay nya lamang ang ilan sa kanyang mga kapatid, hindi parin nya magustuhan ang bagong lugar na kanyang kinalalagyan. Dito nagsimulang manghina si inay, palaging sinasambit na iuwi na lamang sya sa batangas. mas gusto pa daw nya pumunta sa gubat kesa mamasyal sa mga mall sa syudad.

Sa loob ng 2 taon nya sa canada, malaki ang ibinagsak ng kanyang katawan. ang dating mala donya buding nyang itsura, naging maimpis at nangulubot na katawan na. hindi daw sya mawili sa mga pagkain doon. isang gabi ginulantang kami ng isang tawag, isinugod sa ospital si inay. critical na daw ang lagay. palibhasa ay hindi naman kami makakasunod, walang nagawa kundi maghintay ng balita.

At pagkalipas lamang ng 1 buwan, iniuwi si inay. wala ng sigla ang kanyang katawan, nanginginig na ang kanyang salita, hindi makabangon at parang gulay na lamang. una nyang hiningi pagkamulat ng mata ay tsokolateng tabliya at suman. dahil simula ng umalis sya, wala ng gumawa ng tabliya sa pamilya namin, kaya't nanghingi na lamang muna kami sa kapitbahay. buti na lamang at may nagsusuman sa aming barangay kaya't nakabili rin kami para kay inay. nagulat na lamang kami ng pagkalasa nya sa suman at tsokolate, sya ay biglang lumakas.

hindi daw masarap ang timpla ng tsokolate, matapang daw ang pagkakatunaw. ang suman daw ay hindi kinanda ang brand ng ginamit na malagkit. anupa't ang inay ay biglang bangon sabay utos sa aking tyahin na ibili sya ng mga kakailanganin para sa kanyang suman at tamalis. ganun na lamang ang pagka mangha ng lahat, dahil ayon sa doctor na tumingin kay inay sa canada, hindi na daw sya tatagal ng ilang araw kaya't mabuti pang iuwi na at ibigay na kung anong gusto.

Mantakin ba namang pagkauwi sa batangas, bigla syang lumakas. at ngayon nga, halos 6 na taon na ang nakakaraan, si inay ay makikita nyo parin na pumupunta sa gubat, nagbibilad ng kakaw, nag gigiling ng tabliya at gumagawa parin ng suman at tamalis.

Balik na sa dati ang sigla at itsura, kapag may naamoy kayo sa daan na sinanglay, malamang na nagluluto na naman si inay.

dito namin napatunayan na talaga palang mahirap baguhin ang isang nakasanayan.

Nov 13, 2008

pasan krus

Lyn and Don are opposite, sa lahat ng bagay magkaiba sila. pero sabi nga nila, opposite attracts, they end up marrying each other. they were blessed with 2 children.

sa loob ng 9 na taon nilang pagsasama, puro away ang kinahihinatnan ng kanilang pag uusap, nagkakasundo lang sila kapag maglalaro sila ng play station or gagala at magsa shopping.

Don is not a good provider, kuripot sya at walang pakelam sa pamilya, palibhasa ay bago lang nagkaron ng work at sariling buhay, hindi sya sanay na may pamilya. lumaki kase sya na walang ama, bata pa sya ng mamatay ito.

lyn is a very good provider, kahit anong negosyo pinapasok nya, basta mahalaga sa kanya maibigay na ang the best sa mr nya at 2 anak nya. ayaw nya na may masabi ang ibang tao sa kanya kaya kahit ikayod na nya ang kanyang likod maibigay lang ang luho ng mr nya.

minsan may nakarating na balita kay lyn, may nakakita daw na may kasamang babae ang mr nya na si don, di nya ito pinansin. Ilang kakilala na rin ang nagsabi sa kanya na may gf ito at kaopisina pa, pero binalewala nya ang lahat. 1 gabi, umuwi si don na mainit ang ulo, pinagbuntunan nya ng insi si lyn, dahil pagod sa trabaho maghapon, nakipag sagutan si lyn at nauwi ang lahat sa pananakit ni don sa asawa. ilang beses na rin nangyari ito kay lyn sa loob ng halos 9 na taon nilang pagsasama, kaya't kinabukasan, minabuti nyang magpunta sa simbahan. doon ay nakausap nya ang kura paroko, isiniwalat nya lahat ng daing at hinanakit nya sa kanyang asawa, pagkatapos noon ay pinayuhan sya ng pari :

"lahat tayo ay may kanya kanyang krus sa buhay na pasanin, hindi ibibigay sa 'yo ng ating Panginoon ang ganyan kabigat na krus kung hindi mo ito kakayanin, alam nya na magagawan mo ito ng paraan para buhatin"

lumipas ang ilang buwan, nagpatuloy parin si lyn sa pakikisama kay don, naroong gawin sya nitong utusan na para bang hindi na iginagalang. tiniis itong lahat ni lyn dahil mahal nya si don at ayaw nyang masira ang pamilya nya. pero hindi tumino si don, patuloy syang nagumon sa kabit nya at walang inintindi kundi sarili nya.

ika 10 anibersayo ng kanilang kasal, nakipag hiwalay si lyn kay don. inilabas nyang lahat dito ang sakit na nadarama, walang nagawa si don kundi lisanin ang bahay na magulang ni lyn ang nagpundar para sa kanilang dalawa. nagbalik muli si lyn sa simbahan, nakipag usap sa kura paroko, ngunit hindi na gaya ng dati, napaka aliwalas ng mukha nya at masaya. tinanong sya ng pari kung ano na ang nangyari sa kanyang buhay, malamang daw ay maayos na nyang nadala ang kanyang krus sa buhay.

"Father, sabi nyo po lahat ng tao ay may kanya kanyang dalahin na krus, alam ng Panginoon natin na kakayanin ko iyon kaya nya ibinigay sa akin. kailangan ko lamang humanap ng paraan kung paano ko iyon mapapagaan hindi ba?"

sumagot ang pari

" OO anak, lahat ng katanungan ay may kasagutan at lahat ng problema ay may solusyon"

"Father, nagawan ko na po ng solusyon ang problema ko. Sa sobrang bigat po ng krus na dala ko, naisipan ko munang mamahinga at ibaba ito. Pero father, noong maibaba ko ang aking pasan na krus, may dumampot ditong ibang tao at siya ngayong nagdadala nito. hindi ko naman ibinigay sa kanya, kusa nya itong kinuha, kaya pababayaan ko na lang hindi ba?"

Hindi nakaimik ang kura paroko, ang ibig sabihin ni lyn ay may umagaw sa mr nya na si don, hindi nya ito ipinamigay, kusa itong naagaw ng iba kaya't minabuti nyang hayaan itong pasanin ng iba.

Lumipas ang maraming taon, edad 58 na ngayon si Lyn, si Don naman ay nasa 63 taon na. may kanya kanya ng pamilya ang 2 nilang anak, mga propesyunal na rin ang mga apo nila.

1 gabi ay may kumatok sa bahay ni Lyn, ganoon na lamang ang kanyang gulat. Nasa harapan nya ay 1 paralisadong matandang lalake. halos buto't balat na ito, mababanaag mo sa kanyang itsura ang naging paghihirap. ngunit sa kabila nito ay may ngiting bumungad sa labi ng masilayan ang mukha ni lyn.

Si don pala iyon, inihatid ng ambulansya kasama ang ikalawang pamilya nito. Iniwan si Don ng kanyang ikalawang pamilya sa bahay ni Lyn, hiniling pala nito na ihatid sya sa bahay ni lyn. Dahil nasa kanyang tahanan, inalagaan ni Lyn ang dating asawa, walang oras na hindi sya nasa tabi nito.

Muling nagpunta si Lyn sa kura paroko ng kanilang bayan, doon ay sinabi nya na ang krus na kanyang pinasan maraming taon na ang nakakaraan ay muling nagbalik, ngunit ngayon ay mas mabigat ito, iniwan sa kanya si don na isa ng paralisado at may sakit, ma edad na sya at kinakailangan nya parin itong alagaan. subalit sa kabila noon ay hindi nya ito maaring pabayaan, asawa nya ito at tungkulin nyang ito ay pagsilbihan lalo na sa sitwasyon nito ngayon.

Makalipas ang ilang araw, kinausap sya ni Don:
"Kulang ang patawad sa kabila ng mga nagawa ko, ngunit ayaw kong ipikit ang aking mga mata na may bahid ng kalungkutan dyan sa puso mo. Nawala man ako ng matagal, tinalikuran man kita at ang mga anak natin, hindi kayo nawala dito sa puso ko. Gusto kong pumanaw kasama ka, ikaw na unang nag may ari ng puso ko"

Isang araw matapos ang pag uusap nilang iyon ay pumanaw si Don, biglang nawala ang bigat sa loob ni Lyn. Ang krus na kanyang pasanin sa wari nya ay kasamang naglaho ng si Don ay humingi ng tawad sa kanya.

Sabi nga nila, ang ibon saan man sanga dumapo, pagdating ng takipsilim, sa pugad parin ito hahapon. Hindi natatabunan ng taon, ng galit at pagkamuhi ang pagmamahal.

ano ba talaga tayo

"Hanggang kelan ba tayo magiging ganito?" tanong ko sa 'yo isang gabi na magkatabi tayo.

Wala man lang namutawi sa labi mo kahit isang sagot, sabay talikod mo sa akin.

Hay....isang taon na rin tayong magkasama pero hanggang ngayon di ko pa rin alam kung anong meron ba tayong dalawa, or should i say..meron nga ba? ganyan ka palagi pag nasusukol ka, ayaw mo sumagot, puro ka dedma.

Gaya na lang nung isang araw na malaman mong may manliligaw ako, bakit parang nagalit ka, selos ka ba? sabi mo naman hindi, eh hindi pla eh ba't ganun ang asta mo. Parang nagseselos na di maintindihan.

Ano ba talaga tayo? palagi tayong magkasama, magka txt magka usap. Di natatapos maghapon na di mo man lang ako tatawagan or magpapalitan tayo ng text. Pag uwi sa bahay tayo pa rin magkasama, at ngayon nga ayan katabi kita. Pero ano nga ba tayo?

Hayy...isa lang masasabi ko sa 'yo

Anuman mangyari maging tayo man sa huli or hindi maipagmamalaki ko sa buong mundo na minsan sa buhay mo may naging isang AKO...!

aleli

"ate, pinay ka?" tanong sa akin ng 1 babae nasa edad 18-19 nasa tapat ako ng kfc bugis noon.

"oo, taga san ka sa atin?" as ussual eto naman lagi ang tanong ko pag may nakikilalang kabayan.

"sa leyte 'te" sabay punas nya sa pawis sa kanyang mukha. noon ko napag masdan, medyo bata pa nga sya, makikita mo sa mukha nya ang larawan ng isang kalituhan. habang nag aantay ako sa green light para makatawid ng bugis junction, napansin ko na namumutla sya. dala na rin siguro ng dugong pinoy, kinausap ko syang muli.

"ok ka lang? mukhang namumutla ka ah"
"ate, pasensya na ha, nauuhaw kase ako wala naman akong pera. nag stokwa ako sa trabaho ko kagabi" at sabay sa pag palit ng kulay berde ng traffic sign ay sya namang paglagaslas ng luha sa kanyang mga mata.

Sa puntong iyon ay hinawakan ko na sya sa braso at isinabay paliban sa bugis junction, maaga pa naman para sa aking exercise kaya't may oras pa ako para alamin ang nangyari sa kabayan natin na tangan ko sa braso. Sa pagdating namin sa kabilang panig ng daan ay inaya ko syang maupo sa gilid ng waiting area ng mall.

"bakit ka naglayas, mina maltrato ka ba ng amo mo? gusto mo i report natin sa embassy?" sunod sunod kong litanya
" naku ate wag po, ayos na po ako. hindi na po ako nahihilo. ate wag po kayo magsusumbong."

Takot na sagot nya. "anu ba kase nangyari at lumayas ka"
"ate, kase hindi ko po kayang tumeybol sa mga customer. hindi rin nila maintindihan ang pag iingles ko. Isang linggo pa lamang po ako d2 at kagabi nga ay naisipan kong lumayas."

eto na ang ikinagulat ko. di pala sa bahay sya namamasukan, sa bahay aliwan pala.

"sabi po sa akin ni ate techie, maganda daw magiging trabaho ko dito. mag waitress lang daw ba. tapos malaki daw sweldo, nasa 10,000pesos daw bukod pa ang tip ng kustomer na aabot kada buwan ng 60,000 - 90,000 pesos. nung unang dating namin akala ko katulad lang sa pinas ang kustomer dito, kaso unang gabi ko pa lang hindi na ko makaintindi sa salita ba ng foriegner na kausap ko. kay kabaho man ng bibig. Intsik nung una, tapos negro yung sumunod."

deretso nyang kwento habang ako naman ay matamang nakikinig sa kanya.
"pero 'te nung 2nd night ko sa trabaho, naka $250 ako bigay ng kustomer. eh kase nga may utang ako kay ate techie kaya binigay ko lahat ng pera sa kanya. alam ko kase pagdating ng gabi may magiging kustomer na ulit ako"

"san ba dito sa singapore yung restaurant na pinasukan mo?" putol kong tanong sa kanya.
"sa geylang 'te. dun sa madaming tindang mga durian sa kalsada.madaming foreigners na nagpupunta. Sabi ni ate techie dun na nga daw nya nakilala naging asawa nya at ngayon nga ay kasosyo na sila sa bar na restaurant na yun."
"anong visa ang hawak mo papunta dito? may work permit ka ba? "
"wala po 'te, after 1 month pupunta daw kami sa malaysia tapos dun matulog ng 4 na araw saka babalik ulit dito, kaso 'te hindi talaga ako pwede dun. mas gusto ko pa sa probinsya na lang ulit namin. kahit mahina ang bar, hindi naman ganito kahirap. pag walang kita sa gabi hindi kakain sa umaga.minumura pa ako ni ate techie kay malaki daw nagastos sa pag palit ng plete ko dito ba."

"anong natapos mo na pag aaral sa atin?"
"3rd year college 'te, BS Math kaso kulang pera saka mahirap lang kami 'te. 7 kami magkakapatid, patay na tatay namin. Si nanay naman namamasukan sa pabrika. maliit lang naman kita eh andami namin gastos. pang 2 ako sa panganay. kuya ko naman nasa gawaan ng ice, konti rin lang kita nya dun."

Sinipat ko ang aking relo, 9:05am na pala late na ko sa training ko sa CF. Pero panu ko sya iiwan sa ganitong sitwasyon.Isa na lang naisip kong paraan at sana nga ay maging matagumpay iyon.

"Nu nga pangalan mo?"
" Aleli po 'te. "
Ah, aleli kase may lakad pa ako, pasensya ka na ha kelangan na kita maiwan. Eto ang name card ko," sabay abot ko sa kanya ng aking tarheta.
"Isasakay kita ng taxi, hanapin mo ang pangalan na nakasulat sa likod ng card na yan." at sa taxi stand nga ay hinatid ko si aleli, iniipit ko sa kamay nya ang $50 sabay sabi
" pasensya ka na ha, eto lang maitutulong ko sa 'yo. sana makauwi kang maayos sa atin at balikan mo pamilya mo"
"uncle, please deliver her to Nasim Road, Philippine embassy, here's $20 uncle keep the change" at habang papalayo ang taxi na sinasakyan ni aleli, nag dial naman ako ng numero ng phil embassy.
sana nga magawan nila ng tulong ang isang kagaya ni aleli.

Nov 9, 2008

mahal kita kaya't paalam na...

Isang ordinaryong araw na naman para sa akin, sa araw-araw na lang ginawa ng Diyos, eto sasakay na naman ako ng mrt, mula harbourfront kung saan ako nagta trabaho, babagtasin ko ang purple line papuntang tampines. Nakakapagod, pero wala naman akong choice. Andito ako para kumita, para maiba naman ang buhay ng aking naiwang pamilya. Hayyy, eto na nga ata ang tinatawag nilang Life.

"Miss, your bag is open" puna sa akin ng nasa likod ko habang nag aabang ako ng paparating na mrt. kung bakit nga ba naman nakaligtaan kong isara ang bag ko, "thanks" sabay ngiti ko sa kanya."ok lang miss, kabayan ka naman eh" Pinoy pala sya, akala ko malaysian. Sabagay halos nahahawig naman ang mukha natin sa mga malaysian eh.

"I'm Roger, and you are?" "Allaysa, short for Allysabeth" pagpapakilala namin sa isa't-isa.

Mabiro si Roger, may sense of humor ika nga.Imbes na dumerecho sya ng Serangoon, sinabayan nya na ako ng pagbaba sa Outram at hinatid nya ako hanggang Tampines. Sa madaling salita, nagkapalagayang loob kami. Bago maghiwalay, nagkapalitan na kami ng number ng celphone.

Walang araw na hindi sya tumatawag bukod pa sa text, kapag off ko pinipilit nyang madalaw ako sa bahay or magkita man lang kami after work nya, since weekdays lang ang pwede kong maging off at weekends naman sya.

Tumagal ng may ilang linggo rin ang pagiging magkaibigan namin. Hanggang isang araw, natagpuan na lamang namin ang isa't-isa na magkahawak kamay. Walang anumang pag-aalinlangan akong nagmahal sa kanya, at ganun din naman sya.

"Alyssa, mas mabuti siguro kung mag rent na lang tayo ng 1 kwarto. Mas makakatipid na, palagi pa tayo magkasama." Napaisip ako dito, hindi pa nga nya ako inaalok ng kasal tapos live-in naman. "Sige, para hindi na rin malayo sa work ko" Napagkasunduan namin na mag rent ng kwarto sa bandang outram park, malapit sa work ko at ganun din naman sa kanya.

Naging maayos naman ang samahan namin, hanggang isang araw, ay ipinagtapat nya sa akin ang katotohanan. "Honey, wag ka sana magagalit kung ngayon ko lang sasabihin sa 'yo na may pamilya na ako sa pinas. 2 ang anak ko at nakatira sila sa mga byenan ko sa probinsya. Medyo magulo kase ang pagsasama naming mag-asawa. Nagger ang mrs ko, sunod-sunod sa utos ng magulang nya. Kaya nga hanggang ngayon di kami makabukod kase ayaw sya payagan ng magulang nya na bumukod kami, malalayo daw sa kanila.Hanggang sa nagkahiwalay na nga kami. Yan ang rason kung bakit andito ako sa singapore at hindi umuuwi sa Pinas. Sa tingin ko kase wala ng saysay pa na umuwi ako sa kanila.Sa totoo lang,naikumpara kita sa kanya at higit na nakalalamang ka. Mas mahal talaga kita kesa sa kanya." sabay yakap nya sa akin.

Ano ba naman ang magagawa ng isang tulad kong nagmamahal, ipinikit ko na lang ang aking mga mata at nilunok ang katotohanan. Tutal hindi naman sya nagkukulang ng pagpapadama sa akin kung gaano nya ako kamahal, walang away na nangyayari, kumbaga perfect na talaga ang relasyon namin.

Halos 2 taon na rin kaming nagsasama, pakilala nya sa mga kaibigan at kaopisina nya ay GF nya ako, dito naman sa singapore eh uso ang live-in sa mag syota kaya walang tanong na rin ang mga kaibigan namin. Kalimitan nga ay tinutukso ako ng mga kakilala ko, kelan daw ba kami pakakasal. Tanging ngiti na lang at pagsasabi na nag iipon pa kami ang naisasagot ko sa ganitong diskusyon.

Buwan ng Oktubre iyon, umuwi sya na parang balisa at laptop na agad ang hinarap nya. Ayoko naman ma spoiled ang mood nya kaya't hinayaan ko syang makipag chat sa kausap nya. Hindi ko na rin inalam kung sino ito. Kinaumagahan, siguro sa pagmamadali na rin nya ay nakalimutan nya mag log-out sa YM nya. 10am pa ang pasok ko kaya't may oras pa ako para makapag check ng emails. Ganun na lang ang gulat ko ng mag buzz ang isang nasa friendslist nya. Cielo ang nick na nakalagay dito.

"Daddy bakasyon ko na bukas,bakit di ka na tumatawag? Nakalimutan mo na ba kami ni jopet?"

"BUZZ!"
at isa pang "BUZZ!"

Di ko alam ang isasagot ko, anak nya pala ang nagba buzz sa pag aakalang daddy nya ang nakaharap sa computer dahil online ang YM nito. Isa pang message ang biglang nag flash

"Daddy,pinababayaan na nga kami ni mommy, pati ba naman ikaw pababayaan na rin kami? Umuwi ka na daddy. Miss ka na namin ni jopet"

"we love you daddy" sabay sign-out ni Cielo.

Nanlamig ako at hindi makakibo. May kung anong bumalot sa puso ko. Hindi ako palasimbang tao, sa katunayan mabibilang mo sa daliri kung ilang beses ako nakapag simba dito sa singapore sa halos 5 taon kong paninirahan dito.
Pero ng araw na iyon, nag sms ako sa boss ko at nagdahilan na MC ako dahil masama ang pakiramdam. Dinala ako ng aking mga paa sa loob ng Novena church. Natagpuan ko na lamang ang aking sarili na lumuluha. Hindi masama ang magmahal,nakilala ko si Roger sa panahon na hiwalay na sya sa kanyang pamilya.

Hindi ko alam kung may ilang oras ba akong nakaluhod at umiiyak, hanggang sa namalayan ko na lamang na umuulan na pala sa labas. Nagulat pa si Roger ng pag-uwi nya ay maabutan nya ako sa bahay. Halos 8pm pa lang kase, kalimitan 9:30pm na ako nakakarating sa bahay. Alalang alala sya ng sinabi kong nag MC ako dahil masama ang pakiramdam ko.

" Ano ka ba naman Honey, masama na nga pakiramdam mo, nagluto ka pa. Dyan ka na lang at ako na bahalang mag hain para sa atin."

Super sweet sya, sino ba naman hindi kikiligin sa taong ito. Malalahanin, lahat na lang ng magagandang ugali ng isang lalake ay nakikita ko sa kanya. He's a perfect husband nga kung tutuusin. A perfect family man. Aray! anu ba iyong nasabi ko, perfect family man? parang nasundot ata ang konsensya ko dahil sa naalala kong message ng anak nyang si Cielo.

"Hon, what if time has come wherein mawala na lang ako sa 'yo. Anong gagawin mo?" pasinaya ko sa kanya habang nakahiga kami.

" At san ka naman pupunta? Iiwan mo ko? ok lang sa kin basta ba iiwan mo address na pupuntahan para susundan kita agad". Pabirong sagot nya.

"What if maisipan ko munang umuwi sa amin, panu na tayo?"

"Nu ka ba naman honey, 3 years ka pa lang PR dito at 2 yrs naman ako. Kung uuwi ka na agad sa atin di mo makukuha ng buo CPF mo"

"Sira, di naman yun iniisip ko eh. What if..."

"Lam mo honey, what if matulog natayo. Ayoko nyang sinasabi mo. Bata pa natin para mag retiro."

Sabay talukbong nya ng kumot sa akin.

Lumipas ang may ilang araw na pagmumuni-muni hanggang sa humantong sa isang pagde desisyon na hindi ko alam kung tama ba o hindi.

dear roger,

i love you that is why i am letting you go. Mas gugustuhin ko pang masaktan ako kesa lumaki ang mga anak mo na may galit sa 'yo. I know how good you are. Ipinakita at ipinadama mo sa akin ang pagmamahal na alam kong walang sinuman ang makakapantay. Pero sa likod ng pagmamahalan natin ay may mga musmos na nasasaktan. Ayokong dumating ang araw na kamuhian ka ng iyong anak dahil sa relasyon natin.

Balikan mo ang mga anak mo, mahal na mahal ka nila.Ayusin mo ang problema nyong mag-asawa para na rin sa mga bata. mahal na mahal kita at handa akong isakripisyo ang kaligayahan ko para sa 'yo.

nagmamahal,

Alyssa.


Kung ako rin lang ang magiging dahilan para mawasak ang isang tahanan, mas gugustuhin ko pang lumayo na lamang.

At eto nga habang bitbit ang aking maleta, taas noo kong haharapin ang bukas ng walang alinlangan. Madami pang lalake sa labas, kundi man katulad ni Roger magmahal, malamang ay mas higit pa sa kanya ang itinalaga ng tadhana para sa akin.

Oct 19, 2008

papagayo

Bata pa lang tayo noon mahilig ka ng magyaya magpalipad ng papagayo.
Hindi natin alintana ang init ng araw, basta’t natapos ang nanay sa pagkakayas ng walis tinting sa silong ng aming bahay, kakaripas na tayo ng takbo sa tumana. Doon ay ginagawa mo akong taga talang ng iyong papagayo, habang ikaw naman ay panay ang hila sa pisi nito. Ganito na tayo nuon pa mang pagkabata, lagi mo akong hinihila para ipagtalang ka.

Nasa high school tayo noon, maaga kang pinauwi ng teacher natin sa math.
“Eric, umuwi ka muna sa inyo. Ipinagbilin ng iyong ina sa driver ng jeep na kadadaan lang na pauwiin ka muna” si mam bernabe iyon. Nagtatanong ang aking mga mata habang papalayo ka, anu kaya ang nangyari sa inyo? Wala naman maysakit sa inyo para magka emergency.

“Hoy, anu nangyari sa inyo, bakit ka pinauwi ni ma’m?” bulagang tanong ko sa ‘yo kinahapunan ng Makita kita sa may lilim ng punong mangga. “wala, dumating lang ang tatay.” Sagot mo naman. “Talaga? Aba eh di ang dami mong pasalubong, may chocolates? May pamango?” sunod sunod kong tanong sa ‘yo. “wala…” sabay talikod mo sa akin.

Malungkot ang mukha mo, hindi ka excited sa pag uwi ng tatay mo galing pa ng Saudi. Balitang balita pa naman ang mga uma abroad, nagsasalok daw ng pera, eh bakit ang nakikita ko sa mukha mo parang malungkot ka. Ayokong mag usisa pa, wala ka kase sa mood.

“ay sya, uuwi na ako. Magsasaing pa ako. Kita na lang tayo bukas. Sya nga pala, may asignatura tayo sa panitikan. Kailangan daw isumite sa lunes kay sir Castro.” Pamamaalam ko sa ‘yo.

Naging usapan sa ating barangay ang pag uwi ng iyong tatay, pero imbes na maging maganda, pangit ang mga kwento nila. Nakulong daw sa Saudi ang tatay mo. Napagbintangan nagnakaw sa kaibigan ng amo nya, na ang paliwanag daw ng iyong tatay ay gusto sya nitong pagsamantalahan. Ibig sabihin pala nuon eh, kahit lalaki napapagsamantalahan din ng mga arabo sa Saudi? Nakakatakot naman pala sa bansang iyon.

Simula noon ay nag iba na ang ugali ng iyong ama, naging maiinitin ang ulo nito. Kalaunan nabalitaan na lamang naming isinanla ng iyong ina ang pilapilan at ilang pitak ng palayan ninyo para maipagamot ang iyong ama.

“Halika, may ipapakita ako sa ‘yo” araw iyon ng sabado, unang araw ng ating bakasyon. “san naman tayo pupunta?” “sa tumana, may sorpresa ako sa ‘yo” sabay hila mo sa braso ko.

Sa tumana nakita ko ay may 2 bata pa na naka abang na sa ating pagdating, tangan nila ang magkabilang pakpak ng pagkalaki laking papagayo. “ang laking papagayo naman nyan!” bulalas ko “ hindi na papagayo ang tawag dyan, BULADOR na” pagtatama mo sa akin. At doon ay nasaksihan ko kung paano lumipad ang isang bulador, matayog, maingay kesa papagayo. Imbes na sinulid ang tali, tansi na ang gamit nito. Itinali mo ang sumbang nito sa puno ng aratiles sa may sugahan ng kalabaw upang malayang makapamayagpag sa himpapawid na hindi mo na kailangan pang kontrolin..

Iyon na nga ang huli nating pagkikita. Kinabukasan ay lumipat na kayo papuntang norte kung saan taga roon ang iyong ama. Hindi ka man lang nakapag paalam sa akin, ang bulador na iyong iniwan sa tumana, kina umagahan ay hindi na nakita pa. nanduon parin ang tali nito at sumba sa may aratiles, pero wala na ang bulador sa kalawakan. Sabi ng ilang mga bata, nakaligaw daw kagabi. Napatid siguro ang tali sa sobrang bilis ng hangin.

10 taon na ang nakalipas pero naalala ko pa rin ang lahat. Ang ating mga pinag samahan, mga tawanan, mga bakas ng ating kamusmusan. Minahal kita hindi dahil sa kababata kita, marahil ay umusbong ito noong panahon na palagi tayong magkasama. Naramdaman ko na lamang ang kalungkutan at iyong halaga ng mawala ka. Hindi ka man lang sumulat o nagparamdam simula noon. Ni wala na rin kaming nabalitaan sa pamilya ninyo.

Alas tres na pala ng hapon, tamang tama lamang para sa Misa. Medyo malayo din ang lalakarin ko papuntang cathedral.

“Miss, baka matapilok ka sa daan.” Pamilyar sa akin ang boses na iyon. Kumabog bigla ang aking dibdib, at paglingon ko nga ay ikaw ang nakita ko. “Eric ikaw ba yan?”

“not unless may iba pang tao dito sa kalsada” pabirong sagot mo.”halika may ipapakita ako sa ‘yo” sabay hila mo sa kamay ko. parang narinig ko na ang linyang ito, 10 taon na ang nakakaraan, ganitong tagpo rin ng huli mo akong iniwan.

Sa di kalayuan ay nandun ang isang magarang sasakyan, nakaparada sa harapan ng cathedral.

“Eto nga pala ang pasalubong ko para sa ‘yo, wag mo munang bubuksan. Pag uwi mo na lamang. Hindi na nga pala ako magtatagal, magdadapit hapon na, kailangan ko pang mag maneho ng ilang oras. Ipangako mo sa akin hindi ka aalis ng bahay nyo bukas.” Mahaba mong litanya, sabay abot sa akin ng isang maliit na paper bag. Pagkatapos ay lumulan ka na sa iyong sasakyan at tuluyan ng umalis.

Pag uwi ko sa bahay, doon ko lamang nabuksan ang binigay mo sa akin, sa loob nito ay may sulat at ilang pirasong makukulay na papel at sa gitna nito ay may isang singsing..

“ alam kong tampo ka or baka nga galit ka sa akin dahil sa itinagal tagal ng panahon, hindi man lamang ako nagparamdam sa ‘yo. Napakarami na ng aking napag daanan, at sa bawat araw na iyon, tanging alaala ng ating nakaraan ang aking kapiling, mga gunita ng ating kamusmusan ang nagpatibay ng loob ko para marating kung anuman ang aking kinalalagyan sa ngayon.

Wala na si itay, binawian sya ng buhay dahil na rin siguro sa depresyon niya. Si inay naman ay pinalad na makakuha ng maayos na negosyo sa probinsya ni itay sa norte. Inilaban naming ang kaso ni itay sa OWWA at sa embahada ng Saudi, nabigyan ako ng scholarship at heto nga naging maayos naman ang buhay ko. Pero sa kabila noon, nanatiling ikaw ang nasa puso ko.

Naalala mo pa ba nung itanong mo sa akin kung bakit ikaw palagi ang hinihila kong taga talang ng papagayo ko? Di kita sinagot noon. Kaya’t ngayon ay sasabihin ko na sa ‘yo..

Para sa akin, isa akong papagayo noong mga musmos pa tayo. Ikaw ang taga talang ko dahil ikaw ang nagsisilbing inspirasyon ko para lumaban sa mundo. Lumaki tayo at nagkaisip, kaya’t minabuti kong gumawa ng bulador, matayog na ang aking mga pangarap, at hindi na kakayanin liparin ng isang papagayo lamang. Hindi ikaw ang pinapag talang ko ng aking bulador noon dahil ayokong mabigatan ka, ayokong maging pabigat sa ‘yo, iyan ang tamang dahilan. Gusto kong abutin ang aking mga pangarap na hindi kita pinapahirapan, gusto kong lumipad sa himpapawid dala lamang ay ang aking katawan pero ang puso’t diwa ko ay sa ‘yo ko iniwan., hindi ako nagpaalam sa ‘yo na ako’y lilisan, gaya ng nangyari sa bulador ko na iniwan sa ere, kinaumagahan ito ay nawala na lamang.

At ngayon nga ay nagbalik ako upang tupadin ang aking mga pangakong naiwan, ako ang bulador, at ikaw naman ang aking pisi. Ikaw ang silbing tali sa bulador. Ikaw ang aking buhay.

Nagmamahal,

Eric”

Kinabukasan nga ay hinigi mo ang kamay ko sa aking magulang. At gaya ng dati, heto at nandito na naman tayo sa tumana, nagpapalipad ng saranggola n gating mga pangarap.

Oct 18, 2008

'tay dalaga na po ako ngayon

Isinilang ako sa lugar kung saan ang mga babae ay walang ibang tungkulin kundi maging taong bahay, ang kalalakihan naman marapat na siyang maging haligi ng tahanan, tagapagbanat ng buto.

11 kaming magkakapatid, hindi pa ata uso noon ang family planning ng magpakasal sina itay at inay. dahil nasa gitna ng tumana ang aming munting bahay kubo, kokonti ang kapitbahay kaya't walang mapaglibangan sina inay at itay kundi gumawa ng mumunting anghel na pupuno ng halakhak sa sakahan na amin ng kinalakihan.

mahirap mag alaga ng mga nakababatang kapatid, 3 kuya ko ay nag aaral na sa bayan, ako ang ika 4. 6 na kaliliitang bata ang alagain ko. sina itay at inay ay sa bukid parati para sakahin ang aming palayan.

1 araw ay dumating ang panginoong may lupa sa aming nayon, kinakailangan na daw nila ang lupang aming sinasaka, dahil matagal tagal na rin naman na nanirahan doon sina inay at itay, minana pa nila ito sa kanilang mga magulang, ay binayaran sila ng panginoong maylupa ng may kalakihan din namang halaga. nagpasya sina itay na lumipat kami sa laguna, doon daw namin hahanapin ang kapalarang naghihintay sa amin.

Noong una ay naging napakahirap sa aming lahat ang ginawa naming paglipat, panibagong pakikisama, panibagong mundo. hindi kami sanay sa maingay na lansangan. tuwing pasko lamang kami nakakaluwas ng bayan kung kaya't manghang mangha kami sa mga sasakyan na aming nakikita.

Dahil sanay sa bukid, sina itay at inay ay nangalakal. binibili nila ang mga gulay sa bukid at inilalako sa bayan. maayos ang pagkita nila, nasa 2nd year high school na ako at ang bunso naman namin ay grade 1 na. Ngunit sabi nga nila, walang permanente sa mundo. Isang gabi ay nagising na lamang kami na sumisigaw si itay sa labas ng bahay, humihingi ng saklolo. Si inay, hindi namin alam ay may dinaramdam na palang sakit sa puso. Inatake sya habang naglalakad pauwi sa aming bahay. 5 hakbang na lamang halos at tarangkahan na namin, ngunit binawian ng buhay si inay.

Mula noon ay si itay na ang kumalinga sa amin,dahil may talento si itay sa pag guhit at pagpipinta,kahit papaano ay may kinikita sya lalo na kapag may mayayamang nagpapagawa ng canvass sa kanya, ang 3 kuya ko ay napahinto sa kolehiyo. Nagtrabaho sila habang nag aaral sa gabi, ako naman ay natutong gumawa ng paraan upang magkaron ng pambaon sa eskwela kaming 7 pang magkakapatid.Nagtinda ako ng sundot saging, maruya, at kung minsan ay sumang dapa. Kapag walang pasok at bakante ako, matapos kong maglako ng kakanin ay nagpupunta ako sa kapitbahay naming sastre at tumutulong maglilip ng mga tinahi nyang trahe. Umikot ang aking mundo sa ganitong sitwasyon, pinagkakasya ko ang aking kinikita para pantustos sa pambaon man lamang ng mga nakababata kong kapatid, si itay naman ay hindi rin tumitigil sa pagta trabaho, alam kong nami miss nya si inay pero nilalabanan nya ang lungkot. lagi nyang ipinapaalala na lahat tayo ay mawawala din sa mundo, kaya't kinakailangang maging handa kami anuman ang mangyari. Maaring mauna sya sa amin kaya't kailangan namin maging matatag.

Edad 16 ako noon,nagkaron ng programa sa school namin na drama.Dahil na rin siguro sa bibo ako, napili ako bilang isa sa gaganap.Naging maayos ang lahat, ang mayor namin ay aliw na aliw, makabagbag loob kase ang drama na ginanapan ko. Nagulat na lamang ako 1 araw ng bigyan ako ni Mayor ng scholarship para makapag aral sa Unibersidad ng Pilipinas.Dahil na rin sa hirap ng buhay namin noon,halos hindi malaman ni itay kung paano ako papayagang makapag aral sa maynila.Mabuti na lamang at ang 3 kuya ko ay nagboluntaryong tumulong pambayad sa titirahan ko.

Mahirap ang buhay estudyante,Liberal Arts ang kurso ko.Bukod dito ay nagpa part time library attendant pa ako pantustos man lang sa araw-araw kong pagkain.Nilalakad ko na lamang ang eskwelahan, 1 oras din halos na lakad takbo ang ginagawa ko araw-araw,hindi ako pwedeng mag dyip,kakalam sigurado ang sikmura ko kapag ginamit kong pamasahe ang 2 piso kong baon.

Nasa 2nd year college ako ng maramdaman kong may kakaiba sa pagkatao ko.Mas ginugusto kong manatili sa harapan ng salamin at pinagmamasdan ang sarili ko, ini imagine na isa akong EBA.Hinanap ko ang sarili ko, alam kong magagalit sa akin ang mga kapatid ko, lalong lalo na ang itay. Hindi ko napaglabanan ang lahat, marahil nga ay ito ang nakatakda para sa akin.Dahil narin siguro sa impluwensya ng kursong kinuha ko,natutunan kong tanggapin ang aking panibagong pagkatao.Matagal din akong nagtago kina itay. May araw na dinalaw nila ako ng mga kapatid ko pero dahil sa hindi ko pa maipaalam sa kanila kung ano na ako,minabuti kong wag silang harapin.Nag alala si itay, halos 3 buwan akong hindi umuwi sa amin.Inakala ni itay na may malaki akong problema kaya't panay ang ginawa nyang pagdalaw sa akin, na palagi ko namang hindi hinaharap.

Biniyayaan ako ng magandang boses,sa tangkad kong 5'11 at sa katawan kong hinubog ng panahon noong kabataan ko na naglalako ako ng kakanin, mapapagkamalan talagang isa akong tunay na Eba.Tumatanda na si Itay, 6 ko pang kapatid ang nangangailangan ng tulong upang makaraos sa buhay. Kaya't pikit mata kong tinanggap ang mga alok sa akin upang rumampa sa entablado.Hanggang isang gabi, dinalaw ako ni itay, nagtaka sya dahil nakapagpadala ako ng malaking halaga,nanalo kase ako sa Miss Gay kaya't pinadalahan ko sya para gastusin ng mga kapatid ko.Inakala nya na kung saan ko iyon kinuha kaya't napaluwas sya ng maynila. Hindi ko inaasahan na aabutan nya ako sa isang kahiya hiyang sitwasyon.Nasa entablado ako noon at umaawit ng himig ni Whitney Houston,kilala ni itay ang timbre ng boses ko.Di sya pwedeng magkamali na ako ang nasa entablado.

Para akong binuhusan ng kumukulong tubig, hindi sya gumawa ng eskandalo.Tumalikod lamang sya ng makita nyang nakatingin ako sa kanya. Alam kong nasaktan ko sya.Sino nga ba namang magulang ang matutuwang makita ang anak na lalake, nakabihis ng traheng pambabae.Simula noon ay hindi na nya ako dinalaw.Pati mga kapatid kong lalake hindi na rin ako pinuntahan, alam ko itinakwil na nila ako.Pero gayunpaman,patuloy ko parin pinadadalhan sila ng pang gastos,minsang nagpapadala ako sa banko, sinabi ng teller na ang laki na daw ng laman ng account na hinuhulugan ko. Napaiyak na lamang ako, hindi pala kinukuha ni itay ang mga pinadadala kong pera para sa kanila.Talagang galit nga sya.

Dito ako nagsimulang mangarap,nag iisa na lamang ako sa mundo, tinalikuran na ako ng pamilya ko.Matapos kong maka graduate sa kolehiyo,hindi ko pinutol ang pagrampa ko sa entablado.Hindi ko ininda ang sakit na nararamdaman ko,gusto kong ibangon ang sarili ko.Hindi para sa akin kundi para ipakita kina itay na wala akong ginagawang masama, na hindi ako lumalabag sa kasulatan ng bibliya. OO, isa akong eba sa katawan ni adan pero ni minsan hindi ko sinubukang umibig sa isang tunay na adan.Pinigilan ko ang sarili kong malubog sa putikan.

Makalipas ang 20 taon,umuwi ako ng Pilipinas. Hinanap ko ang pamilyang aking naiwan,ngunit ganun na lamang ang gulat ko ng malamang propesyunal na lahat ang mga kapatid ko. 3 kuya ko ay nakasakay na sa barko, may kani kaniya ng pamilya, 2 babae kong kapatid ay nars na sa PGH, 3 kapatid ko pang mga babae din ay nagta trabaho na sa multi national company at si bunso ay isa ng tanyag na manunulat sa pinilakang tabing. Naluha ako ng magkita kita kaming magkakapatid,dahil nasa barko sina kuya ang 6 na babaeng kapatid ko na lamang ang nakita ko.Doon ay itinanong ko kung asan si itay,imbes na sagutin nila ang tanong ko, minabuti nilang isama ako sa kinaroroonan nito.

Hindi ko napigilan ang mapaiyak ng dalhin ako ng mga kapatid ko kay itay, naroon sya sa silid kung saan nya ginagawa ang kanyang mga iginuguhit na canvass, sa gitna noon ay ang pagkalaki laking portrait ko, naiguhit nya pala ang itsura ko noong gabing makita nya ako sa gay contest, kung saan huli kaming nagkita. Sa ilalim ng pigura ko ay may nakatitulong " ang anak na nagbigay ng karangalan sa kanyang ama sa larangan ng Sining"

Sa tagpong iyon ay walang namutawi sa aking bibig kundi ang salitang "Salamat itay". Wari'y nawala lahat ng bigat sa dibdib ko, niyakap ko si itay at walang humpay naman niyang hinagod ang likod ko sabay sabing " tapos na ang lahat anak, salamat bumalik ka sa piling ko.Hindi kita ikinahiya noong mapanood kita sa entablado, ikinahiya ko ang sarili ko dahil ginagawa mo iyon para makapagpadala ka sa amin at maiahon kami ng mga kapatid mo, simula noon ay nagsikap akong igapang ang mga kapatid mo dahil ayokong maging pabigat pa kami sa dinadala mo.Naiintindihan ko noong panahong iyon na masyado kang nalilito sa tunay mong pagkatao kaya't minabuti naming lumayo sa iyo"

Noon ko napatunayan na ang pagmamahal ng magulang sa anak ay hindi matatabunan ng anumang kahihiyan o galit. Tinanggap ako ni itay kung ano ako, hindi sya nagtanong kung bakit ako naging ganito. Dahil doon ay lalo ko syang hinangaan. Hindi lamang sya isang ama ng tahanan, isa syang mabuting ama...

Gumamela

"o, yung bababa dyan ng Tambo nasa Calabarzon exit na,pakihanda na po at tatabi na ang bus" ani ng kundoktor.

Hay... nasa Lipa na pala ako, ang bilis talaga ng oras.

Nakita ko ulit yung mga sunflower sa tabi ng kalsada papuntang Marawoy. Naalala ko tuloy ang usapan namin noon.

"Uyy!! ang gaganda naman ng mga ito, aakyat ka ba ng ligaw? Sino kaya ang malas na babae na yun?" ngiting tanong ko sa kanya.

"Para kay Ellen yan, sa tingin mo magugustuhan kaya nya?"

"Oo naman noh! kahit sinong babae basta binigyan ng roses kahit pa pinitas mo lang sa kapitbahay, siguradong kikiligin na sya. Sabi nga nila, di bale ng walang chocolates dahil ito'y nakakataba basta may bulaklak na maganda. Teka bakit nga ba sa dinami dami ng roses na ibibigay mo, kulay pink pa? Pwede namang red, peach, white. Mas nakaka impress yun di ba"

"kase para syang pink rose..."

"washuuu!!! para namang lahat ng naging babae mo eh naka relate sa roses ha!" pagtataray na sagot ko sa kanya

"Well, let's say na ganun nga"

"Sige nga, anong klase ng roses si Jenny, si Nancy at Olive"

"Jenny is like white rose, mahinhin. Tahimik. Bagay sa kanya ang puti, while Nancy is like a red rose, masyadong mapusok, yet may tapang talaga na itinatagal...hey, bakit ganyan ka makatingin sa akin, parang dadaragan mo ako ng mata mo ah!?"

"Naisip ko lang, kung lahat ng babae para sa ' yo eh nakaka associate sa roses, eh ako kaya meron din?

"Meron nga"

At ano naman yun, blue? yellow? ah, alam ko na, malamang green, kase makulit at mataray ako sa 'yo. madali lang naman bumili nun sa recto eh, may nakita pa nga ako, violet rose"

"Maganda rin ang green rose, kahit di pa ako nakakakita nun, bagay nga sa 'yo, matapang, may paninindigan...may sense of humor at kakaiba...pero para sa akin hindi ka rose eh.Isa kang Gumamela"

"Gumamela?! Halamang gubat yun eh. Sabagay, ang gumamela pakalat-kalat kahit saan pwede mong makita. Mumurahin pa, as in pwede mo ngang pitasin lang kahit di ka na magpaalam sa nagtanim di ba."

Nakangiti ako sa kanya, pero sa loob ko naghihimutok ako. Nasasaktan.


Ilang taon na tayong magkasama, halos simula ng mag-aral ako sa maynila ikaw na ang nakasama ko. Akala ko mapapansin mo ang pagmamahal ko, pero sa tinagal-tagal ng ating pagsasama, dead ma parin ang puso ko.

Siguro nga tama na ang kahibangan kong ito, dapat ko ng tigilan anuman ang nararamdaman ko. Nagpapaka tanga na lang ako sa kanya, umaasa na mapapansin nya gayung may roses na sa buhay nya. Ano ba naman ang laban ng gumamela sa roses?

Nasa Marawoy na pala ako, habang papasok ako sa gate na bakal, napansin ko ang pagsalubong sa akin ng matandang babae na kailan lamang ay palagi kong pinupuntahan upang makikain ng tanghalian lalu na't malapit lamang sa opisina ng tatay ko ang bahay nila.

"Mabuti't nakarating ka, akala nami'y hindi ka na aabot." Sabay akay nya sa akin papalapit sa kubol kung saan may pari na nagdadasal sa harap ng isang puting ataul.

Habang benibendisyunan ng pari, nilapitan ko ito at doon ay nabungaran ko ang payapang mukha ng taong hindi ko nakita may 10 taon na ang nakakaraan. Iyon parin ang mukha na palagi kong kasama noong college days namin, ang payapang mukha na pilit kong iniwasan ilang taon na ang nakakaraan.

"Eto nga pala, ipinabibigay nya." Sabay abot sa akin ng isang box na kasinlaki ng kahon ng sapatos. "Matagal na nya iyan inihabilin sa akin, subalit hindi ko naman alam kung paano ka makokontak, hindi naman nya alam kung kanino ka ipagtatanong dahil umalis na nga kayo dito sa Lipa."

Sa loob ng kahon ay nakita ko ang ilang mga pictures namin noong nag-aaral pa, may mga kuha kung saan ang dungis ng mukha namin pareho, kuha iyon sa kodak na gamit nya para sa kurso nya. At ang huli nga ay ang sulat nya:

"Sorry kung nasaktan kita, pero hindi ko binabawi ang sinabi ko na para sa akin, ikaw ay isang bulaklak ng gumamela. Gaya ng sinabi mo, halamang gubat ito, kahit saan makikita. Simple, pero maganda. Kahit hindi mo alagaan, pilit parin nabubuhay, namumulaklak. Parang ikaw, matagal man tayong hindi nagkita at nagkahiwalay, tuluyan ka pa rin yumabong. Naging makulay ang mundo mo. Anumang bagyo o unos ang dumating sa buhay mo, mamumulaklak ka pa rin.
Ang mga roses, kapag itinanim, kinakailangan pang alagaan. Kinakailangan pang diligin. Pag may dumating na bagyo at unos hindi sila nabubuhay, ang gumamela, pang habambuhay. Parang ikaw."

Palaging nagmamahal sa 'yo,
Dhino

Oct 17, 2008

dear tatay

dear tatay,

sana ay hindi na masakit ang arthritis mo habang binabasa ang sulat ko. hindi rin ako sigurado kung may oras ka pa ba para pansinin ang mensahe kong ito. Gaya ng dati, tumawag na naman ako sa inyo, pero si inay lang ang nakausap ko. kelan ka na ba naman nakipag usap sa akin, halos 15 taon na rin tayong hindi nagkakarinigan ng boses di ba?

naalala ko pa noong bata pa ako, ikaw ang idol ko. matapang ka kasi. Kahit babae ako, tinuruan mo akong kumilos na parang lalake, binibihisan mo pa nga ako ng shorts at pantalon. Minsan nagalit si inay ng pinagupitan mo ako ng gupit syete. nagmukha tuloy akong lalake. ang saya saya natin noon, palagi mo akong kasama sa trabaho lalo na kapag may overtime ka, naalala mo pa ba noong hanapin mo ako dahil akala mo nawawala ako, yun pala nasa punong aratiles ako at nanginginain ng bunga nito. hindi ko makalimutan kung paano ang itsura ng mukha mo, alalang alala ka.

nag elementarya ako, kahit nahihirapan akong magbasa ng english, basta't ikaw ang kaharap ko pinag ta tyagaan kong bumasa kahit mali-mali. para magsipag akong mag aral, pinangako mo na mag uuwi ka ng pasalubong gabi-gabi basta nakakabasa na ako.doon ko natutunan magsaulo ng babasahin,akala mo ang galing kong bumasa, hindi mo alam sinaulo ko na ang kwento sa libro bago ka pa dumating. malaki na ako pero sa tabi nyo ni inay parin ako natutulog, hindi kase ako makatulog kapag hindi kita naaamoy, kahit pagod ka, tatabihan mo ako para patulugin.

nag high school ako, doon na medyo naiba ang gimik nating 2. Naging busy ka na sa trabaho mo, si inay naman ay nagkaron na rin ng negosyo nya, sabi mo nga sa amin ni ate, para maibigay nyo ang the best sa aming 2 dapat ay magtrabaho kayong mabuti. Hindi ko na namalayan ang panahon,magko kolehiyo na pala ako. Hindi maipinta ang kasiyahan sa iyong mukha ng maka 99.98% ako sa NCEE. At ng matanggap ako sa Unibersidad bilang Iskolar ng Bayan, halos maiyak ka sa galak.

Nagsimula na akong kumarera sa napili kong akademya, sabi mo wag akong kukuha ng kursong hindi ko gusto o hindi ko kakayanin, ayaw mong matulad ako kay ate na nagpapalit palit na ng kurso at ngayon nga ay walang natapos dahil tinamad ng mag aral sa edad nya. Gusto ko talagang maging doktor, pero hindi kakayanin ng utak ko, kaya't minabuti kong kumuha ng Political Science, sabi mo magiging abogado ako. Nag trabaho ka ng husto upang pagdating ng panahon may maitustos ka sa pag aaral ko,pang 4th year ko na at graduating ngunit di pa nagtatagal ang huling semestre, pinauwi mo ako.

Nakita mo lang naman akong nagma martsa kasama ang mga kapwa ko estudyante sa harap ng Rotonda, imbes na pluma at papel, ang tangan ko ay bandila, winawagayway habang sumisigaw sa gitna ng kalsada. Sabi mo binigo kita, galit na galit ka. Ikinahihiya mo ako dahil sa dinami dami ng mga estudyanteng pwedeng makunan ng camera, bakit mukha ko pa ang nakuha. Halos bumaon ang kamao mo sa mukha ko sa galit na iyong pinakita. Pero hindi ako natakot, kinabukasan lumuwas uli ako ng maynila, alam kong hindi mo ako maiintindihan noong panahong iyon kung bakit ako sumasama sa kanila, sabi mo nagkaganun ako dahil sa kursong aking kinuha. Dahil sa kagustuhan kong mawala ang galit mo, nagpalit ako ng kurso, ayoko ng math, ikamamatay ko ang problem solving, pero dahil sa ipinakita mong galit sa akin, natuto akong gumamit ng calculator. Natutunan ko kung ano ang world wide web, nakilala ko si Windows 98, namukhaan ko kung sino si Bill Gates, nalaman ko rin kung bakit nagtutunggali sina Intel at AMD. Nasukat ko kung gaano kainit ang pumuputok na bulkan, kung bakit nagyeyelo sa north pole at kung bakit may gustong makarating sa buwan.Napakaraming teknolohiya na hindi ko na matandaan kung paano ko natutunan, akala ko sapat na ang laws at theory, yun pala mahalaga ang applied science lalo na sa mundong ating ginagalawan.

Simula ng umalis ako sa bahay ay hindi mo na ginustong marinig ang pangalan ko. Banned na nga daw pati mga tawag ko hindi na pwedeng makarating sa iyo, ni ayaw mong magku kwento tungkol sa akin.

Nagtapos ako na hindi ko man lang nasilayan ang iyong mukha,hindi mo kase matanggap na hanggang sa makatapos ako, patuloy parin akong sumasama sa lipon ng mga tinatawag mong aktibista. Naaalala ko pa noon ng huling tumawag ako bago mag graduation, sabi mo kay inay wag na akong dalawin sa maynila, malamang ay namundok na ako at bumaba lamang para humingi ng sustento. Nasaktan ako, graduating na nga at lahat, pinagbibintangan pa ng kung ano. Sa galit ko sa 'yo hindi ako umuwi sa atin. Nanatili akong nasa maynila, naghanap ako ng trabaho. Pero dahil sa hirap sa atin, wala akong nagawa kundi mag apply sa ibang bansa.

Naswertehan naman at natanggap ako, walang humpay ang iyak ni inay habang nagpapaalam ako sa NAIA, hindi ka man lang sumama sa paghahatid sa akin. Ilang taon na ba tayong hindi nagkikita noon?Halos 3 taon mo akong tinikis, hanggang sa huling sandali ko sa bayan natin hindi mo man lang ako sinilip. Palagi akong nakikibalita kay inay, kinukumusta kita. Pero ni minsan wala syang nasabi na kinukumusta mo ako, o kung naaalala mo man lang ako. Nakailang birthday na ako, wala man lang message ni Ha ni Ho mula sa iyo. Itinuring mo na nga akong iba. Hindi na rin kita makilala, alingawngaw na lamang ng iyong pagmumura noong kolehiyo pa ako ang naiwang alaala sa aking tenga kung anong boses meron ka.

Noong naoperahan ka sa puso, gusto ko sanang puntahan ka, uuwi sana ako pero dahil sa ayokong lumala ang sakit mo pag nakita mo ako, tiniis ko na lamang ang lahat.Buti na lamang iniipon ni inay ang perang aking pinapadala,wala tayong naging utang sa pagpapagamot mo. ayaw mo daw kase gastusin ang padala ko. Siguro nahihiya ka, o baka naman sadyang ganun na kalalim ang galit mo.

Kailan lamang ay tumawag si inay, inaatake ka na daw ng arthritis mo, sabi nya pinahihirapan ka nito ng husto. Gusto mong mamasyal, pero naka upuang de gulong ka na. Ayaw mo namang maging pabigat kay inay kaya nagmumukmok ka na lamang dyan sa upuan mo.

Alam kong hindi matatapos ang hidwaan nating 2 kundi ako kikilos at gagawa ng paraan. Gusto kong itanong sa 'yo kung ano ba ikinagagalit mo sa akin? Ikinahihiya mo ba dahil Tibak ako? Galit ka ba dahil binigo ko ang pangarap mong maging attorney ako?

Kaya't kagabi ay tinawagan kita, pinilit ko si inay na ibigay sa iyo ang telepono para makausap ka. Hindi ka makapagsalita kaya't ako na ang nauna:

"Tay, patawad sa lahat ng pagkakamali ko, tapusin na natin ang tampuhan na ito" Sabay noon ay sumagot ka

" Gusto ko ay makauwi ka, hindi mo kakayaning mabuhay sa prinsipyo mo"

Dahil sa sinabi mong iyon ay naunawaan ko ang lahat. Ayokong sabihan ka ng bobo dahil ikaw ay tatay ko, pero natatawa ako sa iyo. Inubos mo ang 15 taon na sana ay masaya tayo, dahil lamang sa maling akala mo. Dahil sa galit mo ay naging banned ang pangalan ko sa loob ng bahay natin, itinuring mo akong pumanaw na dala ang mga pangarap mo sa akin.

Kaya ngayong linggo, humanda ka Itay, uuwi ako. Makikita mo na ang iyong bunso, matapang parin gaya ng dati. Mabilis ng magbasa at nakakaunawa na sa nangyayari hindi lamang sa lipunan maging sa mundong ating ginagalawan.

Sya nga pala 'tay, kalakip nito ang litrato ko habang sakay ng space shuttle UARS Mission nag lunch ng atmospheric satellite sa kalawakan. Kalakip din nito ang picture namin ni Tom D. Rodriguez, sya ang judge sa new york.

Malapit ko ng malaman kung may buhay sa planetang Mars. At noong isang buwan 'Tay, naipanalo ko ang kaso ng isang pinay DH na pinagbintangang pinag nakawan ang amo. Sa katunayan ay nakauwi na sya dyan sa pinas noong kabilang linggo. Sa ngayon ay nag file na ako ng leave dito sa aking trabaho.

Isa na po akong Scientist ng NASA at habang nasa lupa, nagpa practice din po ako bilang isang Tagapagtanggol. Salamat sa galit na ipinakita mo sa akin 15 taon na ang nakakaraan, wala ako ngayon sa kinalalagyan ko kundi dahil sa 'yo.

Ikaw parin ang IDOL ko. Happy Father's Day Itay...!


Nagmamahal, Butchok

Oct 15, 2008

Sapat na

Pagkatapos ng mahigit 3 taon, nakausap din ulit kita
Ganun parin ang boses mo, walang ipinag-iba
Boses na nagpakilig noon sa aking mga buto
Habang kausap kita sa kabilang linya ng telepono
Parang kidlat na nagbalik sa akin lahat ang ating ala-ala

Sino nga ba naman ang makakalimot sa isang tulad mo
Opposite attracts sabi nga nila, parang ikaw at ako
Mabait ka, supladita naman ako
Tahimik ka, habang parang radyo naman ang dating ko
Mapagbigay ka at selfish ako.

Ngayon nga ay may bagong mundo ka na
Habang ako nama'y namumuhay na mag-isa
Wala na ngang mababanaag na pag-asa upang tayo muli'y maging isa
Hanggang doon na nga lamang siguro ang lahat, hindi ba?
D'yan ka, habang dito naman ako.

Hiling ko lang na sana nga maging magkaibigan parin tayo
Hindi man naging matagumpay ang ating nakaraan
Masasabi ko namang naging masaya ako sa piling mo noong tayo pang dalawa
Nagpapasalamat ako dahil nakausap na rin kita
Salamat...sana ito na ang maging simula ng aking pagkamulat.

Pagkatapos natin mag-usap, napagtanto ko
Dapat na talaga akong mag move-on, gaya ng ginawa mo
Masaya ka na, kaya't dapat maging masaya na rin ako
Sapat na sa akin ang nakausap kita at na kumusta at malaman na masaya ka na
Kalabisan na sa akin ang patuloy na mahalin ka pa...kaya't PAALAM na.

Oct 14, 2008

anino ng nakaraan

Nagbalikbayan ka na pala, musta naman ang buhay mo ngayon?
Sabi nila, payat ka daw, di naman siguro dahil sa kakaisip mo sa akin di ba.
Marami ka daw kwento, pero mukhang tinabangan na sila sabihin sa akin kung ano ang mga kinuwento mo sa kanila, o baka naman na boring na sila kaya di na nila maalala.

Matagal ka rin nawala, ilang taon nga ba, isa? dalawa? ahh...di ko na matandaan.

Nakalimutan na nga kita, o mas tamang sabihin na kinalimutan talaga kita.
Kung meron man akong pinagsisisihan sa buong buhay ko, iyon ay ang nang makilala KITA.
Sabihin mo ng ipokrita ako, pero yun naman talaga ang totoo, kung may babalikan din lang ako sa aking nakaraan, di ako mag aatubiling burahin ang parte kung saan nag krus ang ating landas.

Maihahalintulad sa isang aklat ang aking buhay, may mga masasalimuot na kwento at may nakaka-aliw din naman. May ilang kabanata ng pagdurusa,may mga pahina na napakasaya. Pero sa lahat ng ito, pinaka gusto kong parte ay yung kabanata kung saan kapupulutan ng aral ng magbabasa. Ang pahina kung saan natuto akong tumayo mula sa pagkadapa ng
iwan mong nagiisa.

Nakatayo na ako ngayon, matulin na akong lumakad, at sa bawat pag hakbang na aking ginagawa hindi ko kinakalimutan lingunin ang lahat ng aking dinaanan. Dahil sa nakaraan kaya't natuto akong harapin ang bukas. Natuto akong limutin ka.

At ngayon nga ay nagbalik ka.

Hiling ko lang sana wag na tayong magkita. Ayokong makaharap ang kahapon na nagtulak sa akin para tanawin ang bukas. Ayokong magkaron ng isang kabanata sa aklat ng aking buhay kung saan masusulat doon na hanggang ngayon
sa puso ko ay ikaw parin ang makikita.

friends?

Nakalimutan na kita, hindi ko na nga maalala middle name mo.
Tanging ilang pira pirasong alaala na lang ng mukha mo nananatili sa isip ko.
Dumadating sa akin ang oras na naiisip ko mga nakaraan ko, mga pinagdaanan ko, at syempre di ka mawawala sa mga yon.
Pero kanina, habang nagba browse ako sa friendster, ewan ko ba kung bakit sumagi sa ‘king utak na i type ang pangalan mo.
Tanging pangalan mo lang at apelyido ang alam ko.
Di nagtagal, nakita ko, may account ka nga.

Nung una excited ako, ikaw na ba naman yung makita ang isang nakaraan, ewan ko lang kung di ka mae excite.
Ini add pa nga kita, pero parang bula lang sa ‘yo ang lahat.
Di mo pinansin ang messages ko sa ‘yo di mo rin pinansin ang invitation ko sa ‘yo para maging friends tayo.

Ganun nga talaga siguro ang buhay, past is past.
Ayoko rin naman dugtungan, gusto ko lang ipaalam sa ‘yo na nagpapasalamat ako.

Nagpapasalamat ako at naging bahagi ka ng nakaraan ko, wala ako ngayon dito sa kinatatayuan ko kung hindi ka nakasama sa mga nakaraan na nagturo sa akin ng tamang landas.

Isa ka sa mga iniiodolo ko.

Inilagay na kita sa rurok ng pedestal kung saan kita pwedeng tingalain araw-araw kasama ng ibang mga nagturo sa akin kung paano mabuhay ng maayos sa mundo.


PS

Gaya ng lagi kong sinasabi sa ‘yo noon
"I’m not afraid to be your girlfriend…I’m afraid to be your EX…"

Oct 7, 2008

nakakapagod!!!

wala naman tayo pwedeng gawin dito kundi magtrabaho, kung pwede nga lang tumambay na lang sa bahay, why not?!

nakaka miss gumimik...

miss ko na ang the Library
ang ingay ng gimikan sa malate
ang onion at pier 10

hayyy.... musta na kaya ang mga starbucks sa tabi ng the fort?

saka ko na nga lang sila dadalawin, sa ngayon trabaho na lang muna. hanggang pangarap na lang muna ang gimik, kelangan kumayod muna para pag-uwi sa amin eh makakagimik!

Oct 6, 2008

wala lang

natapos na naman ang isang araw ko na pakiramdam ko ay walang silbi, hindi ko man lang naramdaman ang kasiyahan sa bagong landas na aking tinatahak. kelan na nga ba naging tama at husto ang lahat ng tinitimbang?

bukas magsisimula na naman ako sa isang kabanata ng panibago kong buhay, sana maging makahulugan na ang lahat. Ayoko ng balikan ang nakaraan, kailangan ko ng mabuhay sa kasalukuyan at tumanaw sa hinaharap. Tama na ang 2 taon kong pagtitiis sa isang kumpanya na natutunan kong mahalin at ituring na kapamilya. Nagsisisi ba ako? hindi ah.

Kung meron man akong maligayang araw na nangyari sa buhay ko dito, yun ay ang hindi ko na matandaan. Palagi naman kase akong masaya dati, walang puwang sa akin ang kalungkutan. Masaya ako habang nagta trabaho, masaya ako habang papauwi. Pero nagbago ang lahat, sabi nga nila walang permanente sa mundo kundi "pagbabago" buti pa si ka Ising na taga BALIBAGO, laging nababago, eh panu naman tayo? hayyy!

Tama na nga ito, bukas na lamang ulit.

Oct 5, 2008

Bakit nga ba ang hirap hanapin ng kapayapaan?!

Sabi ng aking ina noong ako ay bata pa, mag aral daw akong mabuti. Ito daw ang magdadala sa akin sa rurok ng tagumpay, iaahon daw ako nito sa lahat ng kahirapan at magiging maligaya daw ako forever and ever...kulang na lamang ay salitang amen para maging isang dalangin.

Malaki na ako ngayon, sa katunayan mabigat na nga ang aking naging timbang, maayos na rin naman ang buhay ko kahit papaano, nakapag aral din ako, pero kapag naiisip ko ang mga sinabi sa akin ng aking ina halos 25 taon na ang nakakaraan, noong sinabi nya na pag narating ko na daw ang rurok ng tagumpay ay magiging maligayang maligaya ako, napapailing na lamang ako.

Sa edad kong 30 taon, mas gugustuhin ko pang wag ng marating ang rurok ng tagumpay. Madami na rin akong nakilalang mga sikat at naging mayayaman, pero sa kanilang lahat isa lang napansin ko...narating nila ang rurok ng tagumpay ngunit nabigo naman silang maramdaman ang kaligayahan at kapayapaan.

kalimitan para lang nila maramdaman ito, pumupunta pa sila sa shrine ng EDSA, andun kase ang rebulto ng Our Lady of peace ika nga.

kaya ngayon, nabuo na sa isipan ko...di bale ng laging naghahapit sa trabaho para lang magka sweldo ng medyo malaki para maipadala sa pamilya, kesa naman sa tagumpay nga na mayaman, di naman masaya...

Translate

There was an error in this gadget

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;