Nov 9, 2008

mahal kita kaya't paalam na...

Isang ordinaryong araw na naman para sa akin, sa araw-araw na lang ginawa ng Diyos, eto sasakay na naman ako ng mrt, mula harbourfront kung saan ako nagta trabaho, babagtasin ko ang purple line papuntang tampines. Nakakapagod, pero wala naman akong choice. Andito ako para kumita, para maiba naman ang buhay ng aking naiwang pamilya. Hayyy, eto na nga ata ang tinatawag nilang Life.

"Miss, your bag is open" puna sa akin ng nasa likod ko habang nag aabang ako ng paparating na mrt. kung bakit nga ba naman nakaligtaan kong isara ang bag ko, "thanks" sabay ngiti ko sa kanya."ok lang miss, kabayan ka naman eh" Pinoy pala sya, akala ko malaysian. Sabagay halos nahahawig naman ang mukha natin sa mga malaysian eh.

"I'm Roger, and you are?" "Allaysa, short for Allysabeth" pagpapakilala namin sa isa't-isa.

Mabiro si Roger, may sense of humor ika nga.Imbes na dumerecho sya ng Serangoon, sinabayan nya na ako ng pagbaba sa Outram at hinatid nya ako hanggang Tampines. Sa madaling salita, nagkapalagayang loob kami. Bago maghiwalay, nagkapalitan na kami ng number ng celphone.

Walang araw na hindi sya tumatawag bukod pa sa text, kapag off ko pinipilit nyang madalaw ako sa bahay or magkita man lang kami after work nya, since weekdays lang ang pwede kong maging off at weekends naman sya.

Tumagal ng may ilang linggo rin ang pagiging magkaibigan namin. Hanggang isang araw, natagpuan na lamang namin ang isa't-isa na magkahawak kamay. Walang anumang pag-aalinlangan akong nagmahal sa kanya, at ganun din naman sya.

"Alyssa, mas mabuti siguro kung mag rent na lang tayo ng 1 kwarto. Mas makakatipid na, palagi pa tayo magkasama." Napaisip ako dito, hindi pa nga nya ako inaalok ng kasal tapos live-in naman. "Sige, para hindi na rin malayo sa work ko" Napagkasunduan namin na mag rent ng kwarto sa bandang outram park, malapit sa work ko at ganun din naman sa kanya.

Naging maayos naman ang samahan namin, hanggang isang araw, ay ipinagtapat nya sa akin ang katotohanan. "Honey, wag ka sana magagalit kung ngayon ko lang sasabihin sa 'yo na may pamilya na ako sa pinas. 2 ang anak ko at nakatira sila sa mga byenan ko sa probinsya. Medyo magulo kase ang pagsasama naming mag-asawa. Nagger ang mrs ko, sunod-sunod sa utos ng magulang nya. Kaya nga hanggang ngayon di kami makabukod kase ayaw sya payagan ng magulang nya na bumukod kami, malalayo daw sa kanila.Hanggang sa nagkahiwalay na nga kami. Yan ang rason kung bakit andito ako sa singapore at hindi umuuwi sa Pinas. Sa tingin ko kase wala ng saysay pa na umuwi ako sa kanila.Sa totoo lang,naikumpara kita sa kanya at higit na nakalalamang ka. Mas mahal talaga kita kesa sa kanya." sabay yakap nya sa akin.

Ano ba naman ang magagawa ng isang tulad kong nagmamahal, ipinikit ko na lang ang aking mga mata at nilunok ang katotohanan. Tutal hindi naman sya nagkukulang ng pagpapadama sa akin kung gaano nya ako kamahal, walang away na nangyayari, kumbaga perfect na talaga ang relasyon namin.

Halos 2 taon na rin kaming nagsasama, pakilala nya sa mga kaibigan at kaopisina nya ay GF nya ako, dito naman sa singapore eh uso ang live-in sa mag syota kaya walang tanong na rin ang mga kaibigan namin. Kalimitan nga ay tinutukso ako ng mga kakilala ko, kelan daw ba kami pakakasal. Tanging ngiti na lang at pagsasabi na nag iipon pa kami ang naisasagot ko sa ganitong diskusyon.

Buwan ng Oktubre iyon, umuwi sya na parang balisa at laptop na agad ang hinarap nya. Ayoko naman ma spoiled ang mood nya kaya't hinayaan ko syang makipag chat sa kausap nya. Hindi ko na rin inalam kung sino ito. Kinaumagahan, siguro sa pagmamadali na rin nya ay nakalimutan nya mag log-out sa YM nya. 10am pa ang pasok ko kaya't may oras pa ako para makapag check ng emails. Ganun na lang ang gulat ko ng mag buzz ang isang nasa friendslist nya. Cielo ang nick na nakalagay dito.

"Daddy bakasyon ko na bukas,bakit di ka na tumatawag? Nakalimutan mo na ba kami ni jopet?"

"BUZZ!"
at isa pang "BUZZ!"

Di ko alam ang isasagot ko, anak nya pala ang nagba buzz sa pag aakalang daddy nya ang nakaharap sa computer dahil online ang YM nito. Isa pang message ang biglang nag flash

"Daddy,pinababayaan na nga kami ni mommy, pati ba naman ikaw pababayaan na rin kami? Umuwi ka na daddy. Miss ka na namin ni jopet"

"we love you daddy" sabay sign-out ni Cielo.

Nanlamig ako at hindi makakibo. May kung anong bumalot sa puso ko. Hindi ako palasimbang tao, sa katunayan mabibilang mo sa daliri kung ilang beses ako nakapag simba dito sa singapore sa halos 5 taon kong paninirahan dito.
Pero ng araw na iyon, nag sms ako sa boss ko at nagdahilan na MC ako dahil masama ang pakiramdam. Dinala ako ng aking mga paa sa loob ng Novena church. Natagpuan ko na lamang ang aking sarili na lumuluha. Hindi masama ang magmahal,nakilala ko si Roger sa panahon na hiwalay na sya sa kanyang pamilya.

Hindi ko alam kung may ilang oras ba akong nakaluhod at umiiyak, hanggang sa namalayan ko na lamang na umuulan na pala sa labas. Nagulat pa si Roger ng pag-uwi nya ay maabutan nya ako sa bahay. Halos 8pm pa lang kase, kalimitan 9:30pm na ako nakakarating sa bahay. Alalang alala sya ng sinabi kong nag MC ako dahil masama ang pakiramdam ko.

" Ano ka ba naman Honey, masama na nga pakiramdam mo, nagluto ka pa. Dyan ka na lang at ako na bahalang mag hain para sa atin."

Super sweet sya, sino ba naman hindi kikiligin sa taong ito. Malalahanin, lahat na lang ng magagandang ugali ng isang lalake ay nakikita ko sa kanya. He's a perfect husband nga kung tutuusin. A perfect family man. Aray! anu ba iyong nasabi ko, perfect family man? parang nasundot ata ang konsensya ko dahil sa naalala kong message ng anak nyang si Cielo.

"Hon, what if time has come wherein mawala na lang ako sa 'yo. Anong gagawin mo?" pasinaya ko sa kanya habang nakahiga kami.

" At san ka naman pupunta? Iiwan mo ko? ok lang sa kin basta ba iiwan mo address na pupuntahan para susundan kita agad". Pabirong sagot nya.

"What if maisipan ko munang umuwi sa amin, panu na tayo?"

"Nu ka ba naman honey, 3 years ka pa lang PR dito at 2 yrs naman ako. Kung uuwi ka na agad sa atin di mo makukuha ng buo CPF mo"

"Sira, di naman yun iniisip ko eh. What if..."

"Lam mo honey, what if matulog natayo. Ayoko nyang sinasabi mo. Bata pa natin para mag retiro."

Sabay talukbong nya ng kumot sa akin.

Lumipas ang may ilang araw na pagmumuni-muni hanggang sa humantong sa isang pagde desisyon na hindi ko alam kung tama ba o hindi.

dear roger,

i love you that is why i am letting you go. Mas gugustuhin ko pang masaktan ako kesa lumaki ang mga anak mo na may galit sa 'yo. I know how good you are. Ipinakita at ipinadama mo sa akin ang pagmamahal na alam kong walang sinuman ang makakapantay. Pero sa likod ng pagmamahalan natin ay may mga musmos na nasasaktan. Ayokong dumating ang araw na kamuhian ka ng iyong anak dahil sa relasyon natin.

Balikan mo ang mga anak mo, mahal na mahal ka nila.Ayusin mo ang problema nyong mag-asawa para na rin sa mga bata. mahal na mahal kita at handa akong isakripisyo ang kaligayahan ko para sa 'yo.

nagmamahal,

Alyssa.


Kung ako rin lang ang magiging dahilan para mawasak ang isang tahanan, mas gugustuhin ko pang lumayo na lamang.

At eto nga habang bitbit ang aking maleta, taas noo kong haharapin ang bukas ng walang alinlangan. Madami pang lalake sa labas, kundi man katulad ni Roger magmahal, malamang ay mas higit pa sa kanya ang itinalaga ng tadhana para sa akin.

No comments:

Post a Comment

Please leave a comment:

Translate

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;