Apr 24, 2013

existence


Naramdaman mo na ba yung parang hindi ka na nag e exist?
Yung feeling na ginagawa mo naman lahat para mapansin ka nya
Na kulang na lang mag make up ka para maging clown ang dating
Kakabanat ng mga jokes na kalimitan kahit ikaw eh naku-kornihan na rin.
 
Yan, ganyang ganyan ang feeling ko sa ngayon,
Na parang kahit magsasayaw ako sa harapan mo, hindi mo pa rin ako mapapansin.
Paano naman kase, nasa malayo palagi ang iyong tingin,
Animoy hinihipan ka ng hangin kapag napapadaan ka sa harapan ni EX.
 
Bakit nga ba may mga tao na mahal na mahal mo,
Pero ayaw naman sa ‘yo at iba ang ginigusto, yung meron ng commitment.
Andito naman ako, single, available, willing pa nga to mingle,
Di ko maintindihan, bakit sa kanya ka pa habol ng habol eh inayawan ka na nga di ba.
 
Sa math kapag may X, kelangan may kaukulan itong value,
Hindi pwedeng makapag move on kapag palaging naka carry over si   X.
Parang ikaw, hindi ka makaka recover kung palagi kang nakahabol sa kanya,
Tumingin ka naman sa paligid mo, malay mo ang substitution eh nasa harapan mo lang pala.
 
Napapagod din ang puso, naiinip rin sa kahihintay.
Baka kung kelan huminto na ang pag-inog sa ‘yo ng aking mundo,
Kung kelan ipinikit ko na ang aking mga mata na laan sana sa  ‘yo
saka mo naman ma realize ang existence ko.
 
 
Mahirap magmahal sa taong may mahal na iba,
Pero mas mahirap magmahal kapag binibigyan ka lang nya ng maling pag-asa…
 

Apr 9, 2013

tinik ng Rosas

Paano ba magpaalam sa isang kaibigan?

Nakatulog na pala ako sa byahe, naramdaman ko na lamang ang isang tapik sa aking balikat.
"Maligayang pagdating, mabuhay!" ani ng stewardess habang nagsisitayuan ang mga pasahero,
mahigit tatlong oras din pala akong nakatulog, 4:30am na ng madaling araw, 
tama lang na nakapag pahinga ang pagal ko ng katawan, pagod na kaluluwa 
at damdamin na nahihirapan.

"ate, hanggang kailan ka dito?" masayang bati ng aking pinsan
"hanggang sa makalawa lang, may pasok na rin kase ako sa lunes" malamyang sagot ko
"pasyal tayo ha, tamang tama sarap ngayon mag swimming sa laguna" madaldal nyang wika
Hindi ko na naiintindihan ang mga kwentuhan nila. Naglalakbay kase ang isip ko.
Wari'y naiwan sa Singapore ang aking diwa.

Bakit nga ba ako napauwi ng bigla?

Nagbalik muli sa aking alaala ang mga pangyayari, 15 oras pa lamang ang nakakaraan.

Mula sa aking pinapasukan na kumpanya, yayayain ko sana si Frida para mag dinner.
Maaga pa kase, alam ko naman na wala pa si Paulo sa bahay, mauuna parin ako sa kanya.
Naisipan kong bumaba ng cityhall mrt para pumunta sa Plaza Singapura, 
doon ko na lamang tatawagan si Frida para magtagpo kaming dalawa.

Ilang linggo na kase kaming hindi maayos ang samahan ni Paulo, palagi syang pagalit
kalimitan mainit ang ulo sa akin, pag tinatanong ko naman kung anong rason,
wala syang masabi. Nananahimik na lamang. Pag kinausap, daig pa ang babaeng leon na bagong panganak kung sumagot, pagalit.

Parang kulang na lang sabihin nya na maglaho ako.
Lam mo yung feeling na hindi ka nag e exist kahit anlaki-laki ng katawan mo.
Na kahit anong gawin mong pagpapapansin, dedma parin.
Kaya mas mabuti pa na manahimik na lang, mimic. Sign language para mas tahimik.

" obvious na babae may-ari nito pag isinuot ko?" kahit nakatalikod, kilala ko ang boses na narinig ko,
sabay sa paglingon ko sa may gilid na pinanggalingan ng boses ay ang pag guho ng aking mundo.
Si Paulo, may hawak na jersey shirt at kaakbay na babae.
Hindi ko alam kung saan ako humugot ng lakas ng loob, hinarap ko sila.

Parang napaka normal lamang sa kanya ng lahat, ipinakilala pa ko sa kanyang kaakbay.
"oi, si Rose nga pala, " ayun lang at tumalikod na silang dalawa.
Gusto ko syang sapakin, sigawan at kaladkarin, sabihin na pitong taon tayong nagsasama tapos "oi" lang sasabihin mo sa akin na pagpapakilala sa Rose na iyong kaakbay at kasama.

Nag message ako sa 'yo kung sino ba sya,di na ako nagimbal sa sagot na aking nakuha.
"GF ko, bakit ano ba kita?" 
OO nga pala, ano nga ba tayo? wala naman di ba. Magkaibigan lang.
Ako lang naman ang bobo na nagbigay kulay sa ating samahan.

Hindi ko na kinailangan pang magpaalam sa 'yo, kaya't  umuwi na muna ako sa Pilipinas.

"anak, hindi mo naman kawalan si Paulo, may trabaho ka. May mga anak ka, hayaan mo sya sa buhay na gusto nya. Hindi dahil naging magkasama kayo ng matagal ay kayo na. Maaring minahal ka nya, pero hindi nya tanggap kung anong meron ka. sabi nga eh, package deal kung ikaw ang magiging asawa nya dahil may mga anak ka"
totoo nga, mothers knows best.

Meron mang Rose sa buhay nya, isa naman akong Gumamela.
hagupitin man ng bagyo, mabubuhay at mabubuhay rin kinabukasan pag hupa ng ulan.
Bahain man at putulin, susuloy at susuloy parin, hindi kagaya ng Rosas,
 ilang ihip lamang ng unos, bumabagsak. Marupok, hindi tumatagal. 

Pero nakakasakit, animo'y panusok sa kalooban ang kanyang mga tinik.

Sa makalawa, babalik na akong muli ng Singapore.
Mas matatag, mas palaban. Isa lamang lalake si Paulo, at BABAE ako.
Isang makabagong Eba na kayang mabuhay sa mundo, dahil alam kong hindi ako nag-iisa
may mga taong nasa paligid ko na nagmamahal at handang umalalay sa akin hanggang sa huli.

At gaya ng mga nakaraang bagyo, muli akong tatayo at mabubuhay.

.
.
.

at AASA na maging maayos pa sana kaming dalawa...




Mar 5, 2013

halik

Lumalamig na ang simoy ng hangin, nagbabadya na naman na may paparating na ulan
ilang araw at gabi na bang ganito, halos di ko na matandaan kung kelan ko huling nasinagan ang liwanag ng buwan
hindi dahil sa pag-ulan, kundi sa rason na palagi akong nakamukmok nakaharap sa tila kawalan

nag hihintay...
nag aabang...

hindi naman tayo ganito,
walang lugar sa atin ang lungkot.palaging masaya
hindi natin pansin ang homesickness, dahil at home tayo sa isa't-isa
sabi mo nga, ako ang iyong best buddy, ang iyong best friend at kung anu-anong best pa
inshort, masaya tayo na magkasama.

Tinutukso nga tayo ng madami, bagay daw tayong dalawa,
ewan ko kung kilig ba ang tawag dun, kase parang kiliti sa puso ang sinabi nila
Pag tinatanong ko naman sa 'yo kung crush mo ako,
sasagutin mo ito ng walang humpay na halakhak at tawa
minsan tuloy naiisip ko, ano bang relasyon meron tayong dalawa.

One time namasyal tayo sa may tabing dagat,
alam mong hindi ako marunong lumangoy, pero dahil mapilit ka,lumublob ako ng sobra
nakita ko ang takot sa 'yong mga mata,ewan ko kung ninerbyos ka lang dahil napasisid ka
at iniahon ako sabay niyakap ng mahigpit at bonggang bongga.
Muntik ko pa nga sapakin yung lifeguard, nakisali kase sa eksena.

Natanong tuloy kita kung may balak ka pa bang mag-asawa,
ngiti lang isinagot mo sa kin sabay akbay mo pa.
Kulang na lang hilahin ko dila mo at pilitin kang tanungin ako ng
"pwede ka bang pakasalan now na?" pantasya na ilang taon ko ng inaasam-asam
sa halip sinabi mo na makikilala mo rin ang para sa 'yo, maybe malapit na.

Tao lang ako, naiinip rin maghintay
dala ng talanding pagkakataon, pinagdampi ko ang ating mga labi
isang saglit na kaligayahan, daig pa ang may sampung taon nating pinag samahan
sana hindi ko na lang iminulat ang aking mga mata.
parang napahiya kase ako sa aking nakita, walang reaksyon mula sa yo.
Manhid ka na ba talaga?

Unti-unti, nagbago sa atin ang lahat.
Naging malihim ka na.
Gumigimik ka ng mag-isa. Hindi mo na ako niyayaya at kalimitan iniiwan pa nga.
Para akong hangin na dinadaanan mo lang,
hindi mo nakikita, kahit pinararamdam ko sa 'yo ang aking presensya.

at tulad ng mga nakaraang gabi,
heto na naman ako, nakaupo sa harap ng nakapatay na pc
nakikiramdam kung papansinin mo ako, kakausapin...susulyapan.
panalangin na hindi diringin hanggang sa igupo muli ng antok
at parang routine lang, paulit-ulit na mangyayari pagdating ng kina-umagahan.

tanong na hindi ko mahanapan ng kasagutan,
why is it hard to lose yourself with your bestfriend?

Isang halik lang pala ang mag gugupo sa mahigit sampung taon nating pinagsamahan...

Jan 29, 2013

wish

Minsan nakakita ako ng bulalakaw na nahulog mula sa kalawakan,
taimtim na humiling ako, sabi ko sana makilala ko na ang lalake na sisira ng pangit kong future.
Sabay pikit ng aking mga mata, habang ini imagine ang itsura nina Dao Ming Su at San chai ng F4

Sabihin mo ng baduy, eh sa ganun ang naging porma ko anong magagawa mo.
After ng pangyayari na yun, nag abang na ako gabi-gabi ng meteor shower
ewan ko kung may katotohanan, pero may nagtutulak sa akin na gawin yun.
Para lang title sa pelikula,  Hindi pala natutulog ang Diyos, 

ipinakilala ka Nya sa akin....

Binago mo ang masalimuot kong mundo, binigyang direksyo ang magulo kong buhay.
Dati-rati'y wala akong pakialam sa ibang tao, basta kung anong gusto ko, yun ang masusunod
Pero kapag ikaw ang kasama ko, animo'y isang maamong anghel ang itsura at karakter ko
Ikaw na ba naman ang magka lab layp ewan ko lang kung maipaliwanag mo ang feeling noh.

Sa loob ng may pitong taon, uminog sa 'yo ang aking mundo.
Binago mo ang pangit kong future, nagkaroon ng liwanag ang aking bukas.
Pinamulat mo sa akin kung paano mabuhay ng maayos at walang kagalit,
na hindi lahat ng nang iintriga ay nasa showbiz, meron din sa totoong buhay na dapat iwasan.
Na hindi lahat ng nakasimangot ay dapat kong tarayan, 
naging mabuting tao ako dahil sa gabay mo.

sabi ko sa sarili ko, ikaw na ang lalake para sa akin.
Na tayong dalawa ang para sa isa't-isa.
na forever pwede tayong maging magkasama.

Akala ko lang pala yun.

Nagising na lang ako isang araw, wala ka na sa tabi ko.
Nagtatanong ang puso ko kung bakit nangyari ito, pilit kong pinagnilayan ang nakaraan.
Humarap ako sa salamin at kinausap ang aking sarili, 
kung may pagkakamali bang nagawa ako sa 'yo...
doon ko napagtanto, mali pala ako ng hiniling sa bulalakaw noon.


"wish ko lang naman eh lalake na sisira ng pangit kong future at hindi nga pala asawa noh!"



lesson learned:

next time na mag wish, ayusin ang grammar para di magkamali at malito !


***
para sa isang kaibigan...hanggang dito na lang.

Jan 5, 2013

parting time

There's a time to love and time to leave.

May mga bagay na dapat ipaglaban,may mga feelings na dapat iparamdam,
at may mga tao na kahit importante sa 'tin, wala tayong ibang magagawa kundi iwan.
Hindi naman kase tayo mabubuhay sa pagmamahal lamang, wala pang scientific explanation or any applied science ang makakapag sabi na nabuhay ang dalawang tao sa pagmamahalan lamang.

Kailangan din ng pagkain, tubig at nutrisyon di ba.

parang tayo, 
mahal natin ang isa't isa pero kelangan natin maghiwalay para sa ikabubuti ng lahat.
We have a perfect love in the most complicated time.
Jive tayo sa lahat ng bagay, magkasundo tayo halos sa lahat, 
pero di tayo pwedeng magsama.
Iba ang mundo mo sa mundo ko. 
Gustuhin man natin na maging iisa, hindi naman aayon ang mga nakapaligid sa atin.

Lam mo yung kwento ni Romeo at Juliet?   Well, Di tayo ganun.
Mas complicated pa kase doon. 
Dumating ka noong panahon na akala ko, napakalakas ko, na kaya kong dalhin lahat.
Nakalimutan ko, may mga tao nga pala na nakapaligid sa akin, umaasa, naghihintay na makamit ko yung mga pina plano nila.
Nalunod ako sa pagmamahal mo, sandali kong kinalimutan kung anong mundo ba ang dapat ay kinaroroonan ko. 
Ganun naman ata talaga kapag nai inlove, lahat nakakalimutan.
Buti nga may ID ako, atleast kahit papanu, natatandaan ko kung ano ba talaga ang pangalan ko, panu naman kase, sa inaraw-araw na tinatawag mo ako ng "mahal o Lab" nakakalimutan ko tuloy na may pangalan nga pala akong totoo.

Pag magkasama tayo love is like a fairytale, castle na lang ang kulang at ako na ang isa sa princess ng mga paborito kong Disney characters. 
Na ang lahat ay walang katapusan, that we will live happily ever after.
Pero gaya ng mga nauna kong naisulat, love is not a bed of roses, lalu na at pareho tayong may mga umaasang pamilya, kaibigan, at heto nga, magiging mga pamayanan pa kung sakali.

Ipokrita ako kapag sinabi ko sa 'yo na kalimutan na lang ako at dali-dali kang mag move on.
Dahil ako mismo, it took me years living in bitterness before i said i am moving on in my previous relationship, but in the end sinasabihan parin nila ako na i am not letting go. 
Ayokong maranasan mo ang dinanas kong sakit, kaya nga habang maaga pa, sinabi ko na sa 'yo na mas makakabuti kung magiging magkaibigan na lang tayo.

Alam ko mapapangiti ka ng mapakla, 
sino ba naman ex-lovers ang naging magkaibigan? 
Isa man sa atin ay hindi artista, kaya't wala tayo sa showbiz para mag plastikan di ba.
Pero kung kakayanin mo na mag pretend kahit nasasaktan ka, gawin mo.
In the long run, mapapansin mo na lang, nakalimutan mo na pala ang feelings na dati ay meron ka para sa isang tulad ko.

Ikaw at ako ay magkaiba ng destinasyon.
Para sa iyo, ang mabuhay ay magkaroon ng masayang pamilya.
Samantalang ako, pangarap kong maabot at marating  ang tagumpay na nag-iisa. 
Hindi ako ang babae na pwede mong ilagay sa bahay na parang tropeo na napanalunan,
di ko kayang mag-alaga ng mga anak habang hinihintay ang oras ng iyong uwian.
Isa akong makabagong Eba na ang hangad ay lumaban at maipakita sa mundo ang aking katatagan.

Katatagan na maaring matupok dahil sa pagmamahal na nararamdaman.

Hindi ito ang panahon para ka lumuha, 
Harapin mo ang mundo, masyado pang kakaunti ang iyong karanasan para sabihin na wala ng saysay ang buhay mo dahil lang sa wala na tayo.
Tandaan mo, hindi totoo lahat ng Feng Sui at hindi totoo na bawat isa ay may naka tadhana.
Minsan, tayo mismo ang gumagawa ng sarili nating kapalaran, hindi ibang tao.
Hindi ako ang nakatakda para sa 'yo, dahil ako mismo ang gumagawa ng tadhana para sa sarili ko.
Matuto kang gumawa ng sarili mong mundo, kung saan ikaw ang bida. 
Hindi isa ka lamang sa mga ekstra. Ikaw ang piloto, hindi ikaw ang pasahero.

lagi mong tandaan ang bilin ko sa 'yo, Learn from my Mistakes. 
Magiging tagumpay ka sa anuman larangan at malamang ako ay iyong pasalamatan.
Hindi natatapos ang inog ng mundo kapag iniwan ka ng mahal mo, 
dun pa lang magsisimula ang adventure kung paano ka tumayo at lumaban sa mundo.

PS
Matuto ka sa aking mga naging kamalian,Wag mo itong tutularan, 
dahil copyright infringement ang haharapin mo in the long run.



Dec 24, 2012

huling pasko, unang penitensya

3 na oras na lang at pasko na.
Anim na pasko rin tayong magkasama. at gaya ng sinabi mo kanina, 
this might be our last christmas together.
di mo na kelangan ulit-ulitin yan, dahil sa inaraw-araw na mumulat at pipikit
ang aking mga mata,hindi mawawala ang litanya mo na "malapit na akong lumipat, maiiwan na kita"

Dahil sa loob ng 6 na paskong dumaan, ikaw halos ang aking naging pamilya.
OA na kung OA, nagmumuni muni lang naman.
May mga kaibigan din naman tayo, pero iba ang bonding nating dalawa.
Ikaw ang guardian na kailanman ay hindi ako pinabayaan, kumbaga sa Rosary,
sinamahan mo ako sa bawat misteryo ng buhay na aking nilitanya.
Tuwing nadadapa ako, nariyan ka para tulungan akong bumangon at
muling ituloy ang paglakad.

Marami sa ating mga kakilala ang nagsasabi na bagay daw tayong dalawa,
di dahil sa maganda ako, pero dahil na rin siguro sa tagal natin na magkasama
kaya't nasanay na sila.
Noong una nahihiya ako, pero nang lumaon,
naisip ko na why not, since bagay naman tayo di ba.

Actually, dapat sa mga bagyo na lang ginagamit ang salitang PAG ASA,
dahil sa loob ng mahigit anim na taon kelanman ay hindi mo ako binigyang pansin.
Para sa 'yo ako ay isang close friend,karamay,kasangga at ang worst,
tingin mo sa akin ay isang kapatid.
Masakit,parang pinupunit bawat himaymay ng aking puso at kalooban,
Sino nga ba naman ako para umasa sa isang tulad mo.
ikaw na rin ang nagsabi na wala naman tayo.
Kahit para sa akin, merong Ikaw at Ako.
Isang kahibangan na kelanman ay hindi ko inakala na dapat palang magising.

Tama na nga lamang siguro na buksan ko ang pintuan upang makapasok ang ibang panauhin.
Nakipag kaibigan ako sa mundo na naghatid sa akin ng kakaibang kalayaan.
Alam mo yung feeling ng nakakahinga ka na walang inaalala na mamaya lamang baka may sumita dahil ang lakas ng boses mo habang nakikipag kwentuhan.
Yung nagagawa mo ang gusto mo na wala kang iniisip na malamang pagalitan ka nya kase pangit ang nabili mong medyas at di bagay sa rubber shoes na gusto mong ipamporma.
Mga mumunting bagay na inakala ko ay matatawag na kalayaan, manapa'y isa palang pagbabalatkayo
lamang dahil sa kabila ng mga ngiti at halakhak na aking ipinapakita, doon sa loob ng puso ko, may nilalang na humihikbing mag isa.

Nang tanungin mo ako kung masaya ba ako sa kanya, tumango ako sabay ngiti na animo'y may katotohanan, hindi mo tuloy napansin ang kamay ko sa likuran,
naka cross fingers at nagpapahiwatig na ang lahat ay kasinungalingan.

at ngayon nga, habang tayo ay magkaharap, muli mo akong sinabihan
"ingat ka ha, baka ito na ang huling pasko at noche buena na ating pagsasaluhan""
tulad ng mga nagdaan, muli, isinuot ko ang matamis na ngiti upang magsilbing maskara kahit sa mga mata ko ay parang may batis na gustong dumaloy ang tubig palabas.

napahid ko na ang mga luha bago pa man ito umagos sa aking mukha.
napitik ko na ang aking puso, para magmanhid sumandali sa sakit na aking nadarama.

huling pasko na tayo ay magsasama...
unang pasko na magiging simula ng aking panitensya.



***




Oct 7, 2012

karamay mo ay Ako

Musta ka naman? Pagod ba?
Bakit mukhang di maganda ang aura mo ngayon
Siguro di ka na naman nya nai text noh?
ikaw naman kase, ilang beses na ba kitang sinabihan
na iba ang Mahal kesa Gusto
Spelling pa lang anlayo na, meaning pa kaya.

Kahapon ang saya-saya mo lang
sabi mo, today is the day that the Lord has made
kala ko nga kumakanta ka lang eh,
yun pala nagsi celebrate ka, kase tinawag ka nyang MAHAL
sorry, naman nakalimutan ko, yun nga pala nickname mo.

o, ba't ganyan ka makatingin? parang babasagin mo mukha ko.

ayan, umiiyak ka na naman....
tsk , tsk... ilang beses na ba kitang pinag sabihan
na wag ka mag tiwala basta basta, na paglalaruan ka lang nila
ilan beses na ba yan nangyari sa 'yo? isa, dalawa? di ko na mabilang
dahil sa tuwing haharap ka sa akin, 2 anyo lang nakikita ko
ang maligaya ka at nakangiti o kaya naman ay ganyan, lumuluha.

ano nga ba ang una nilang magugustuhan sa 'yo?
maabilidad ,maganda ka, may marangal na trabaho,may pangalan.
pakunwari na lamang ang pagmamahal, kase para sa kanila isa kang trophy
na ang makuha ka at makasama eh para na rin silang nanalo sa lottery,
pero pagkatapos ka nilang pakinabangan, ayan etsapwera ka na lamang.

ayokong pagalitan ka, dahil sa araw-araw na lamang na haharap ka sa akin
bago ka lumabas ng bahay, hindi ko maiwasan na mapailing dahil nag aalala ako sa 'yo,
inaabangan ang pagbabalik mo, upang sa muling pag harap mo sa akin ay malaman ko
kung ano ang naging takbo ng maghapon mo.

at gaya ngayon, hindi na naman ako nagkamali,
luhaan ka na naman...bigo ka na naman
magsisi ka man ay huli na, dahil nagtiwala ka at nagmahal
mali na naman ang tao na pinag alayan mo nito
at tulad ng mga nakaraang araw at gabi,
magpupunas ka ng luha mo habang nasa harapan ko
kung pwede lang kitang batukan at sapakin para magising
sa pagkaka bangungot mo, malamang nagawa ko na.

Sabagay, ano nga ba naman ang magagawa ng isang tulad ko
kundi ang magmasid at ipakita sa 'yo ang itsura ng iyong pagkatao
hanggang dito na lamang naman ang silbi ko
ang maging piping saksi sa mga halakhak kapag ang saya-saya mo
at maging karamay sa mga sandali kapag umaagos ang luha sa mga mata mo.

Sige na, ayusin mo na ang itsura mo,
taas noo mong ipakita sa mundo, hindi ka apektado
na bukas masaya ka na naman lalabas ng kwartong ito
nakangiti, parang walang pinag dadaanan...
parang di nagpahid ng luha
parang di nasaktan...
lagi mong tatandaan, andito lamang ako,
tahimik man at walang nasasabi, pero nakikita ko naman at nararamdaman
ang laman ng iyong kalooban.

Ayan, ganyan nga,ngumiti ka.

Kung gaano kasakit ang masaktan, ganoon mo dapat gawin kaganda ang iyong mukha
upang maging kapani-paniwala na ang lahat ay balewala.
Anuman ang mangyari hindi kita ipagkakanulo,
sikreto mo ay sikreto ko na rin, walang makakaalam na iba

kapag nararamdaman mo na ikaw ay nag-iisa at kailangan mo ng karamay,
alam mo naman kung saan ako matatagpuan di ba?

humarap ka lamang sa SALAMIN, at dadamayan kita.

***

Sep 21, 2012

chat

time check: 8:49pm
ilang sandali na lang naka online ka na.
makakausap na naman kita sa skype, at kapag mabilis ang internet connection,
may chance pa na masulyapan kita sa webcam.

ilang buwan na ba tayong ganito?
Apat ba o lima? di ko na matandaan. basta ang alam ko, pinag tagpo tayo ng tadhana.
humiwalay ka sa kanya pansamantala para maiayos ang buhay mo.
ako naman, kakatapos lang maiayos ang buhay ko.
dalawang nilalang na nagbibigayan ng lakas ng loob sa isa't-isa.

tayo ang sumira sa sinabi ni Charles Dickens that Electric communication
will never be a substitute for the face of someone who, with her soul,
encourages another person to be brave and true,
dahil sa social networking, nakilala natin ang isa't-isa.
hindi pa man tayo personal na nagkikita, pero feeling natin,
matagal na tayong magkasama.
we are very much compatible, maging sa kalokohan man o serious.
minsan nga nasabi mo sa 'kin, siguro kung nasa Pinas lang ako,
ang saya -saya natin dalawa. na malamang, wala na tayong gagawin kundi mag kwentuhan, magtawanan at magyayabangan, naiimagine ko tuloy
 ang ating magiging itsura.

...is online

"hi, musta naman ang wholeday?" pambungad kong bati
"pagod, pero sulit" matipid mong sagot
...
mahabang patlang, walang tawag sa skype or type man lang sa chatbox mula sa iyo.
...
...

ilang sandali ang dumaan hindi na ko nakatiis at nag type ako sa chat box natin.
"oi, ok ka lang? " tanong ko sa 'yo

"bebz, baka di muna ako mag online ha, susunduin ko na kase bukas si Rina. Enough na siguro yung time na nagkahiwalay kami para makapag simula ulit kaming dalawa" animo'y sumabog na  bomba ang nabasa ko

Lam mo yung feeling ng binuhusan ka ng isang drum na may yelong  tubig,
yung kung pwede lang, lumusot ako sa screen ng monitor para makaharap ka agad
at maipaalala sa 'yo ang mga sakit na pinag daanan mo
noong nag hiwalay kayong dalawa,
baka sakali magbago pa ang desisyon mo.

Panu ko ba sasabihin sa 'yo na hayaan mo na lang sya at mag move on ka na lang,
gaya ng mga napapag usapan natin,na mag sisimula kang muli ng panibagong buhay,
Panu ko ba sasabihin sa 'yo, na hindi sya ang babae na para sa 'yo
at Panu ko ba sasabihin sa 'yo na wag mo na syang balikan, 
kase andito naman ako, handang umibig muli para lang sa 'yo ...

na handang masaktan kahit pauli-ulit,

"ganun ba? sabagay mas maganda nga kung mabubuo kayo na pamilya.
basta andito lang ako, laging naka online 24/7 para sa 'yo, in case na kailanganin 
mo ang tulong ko." gusto kong ilubog sa kumukulong mantika ang mga daliri ko,
hindi ko alam san nito hinugot ang mga salitang tinipa at nai send sa 'yo.

Minsan, kailangan mong maging ipokrita para pagtakpan ang sakit na nadarama.


Parang ako , kahit  alam na walang patutunguhan,
pikit mata ko pa rin isinisiksik ang ideya na maaring maging Tayo...
kahit alam ko na meron ng KAYO...




Sep 3, 2012

meant to be

"nyt nyt ! " pamamaalam niya.
"ok, next time ulit ha. Palagi ka sana mag online" sabay ngiti na wari'y ayaw matapos ang usapan.

Yung feeling na ayaw mo matapos ang inyong kwentuhan kahit alam mo na
maaga ka pang papasok kinabukasan.
Na para bang kapag nag offline sya sa chat, pakiramdam mo ay may kulang sa pagkatao mo.
Yan, ganyang ganyan ang pakiramdam ko sa tuwing maririnig ko ang pamamaalam mo.
Parang gusto kong gawing bestfriend si Darna at hiramin ang magic bato nya
para lang makalipad kung saang ibayong dagat ka man naglalayag.

Bagay tayong dalawa.
Nasa moving on process ka,
while nasa letting go stage naman ako.
Binatang ama ka, may 2 anak naman ako.
One big happy family sana if ever na maging tayo.
yun nga lang, hindi pa siguro ngayon.
At hindi ko rin alam kung kailan.

Bakit ba minsan si Kupido kung mag match ng partners sablay
Nung panahon na pwede naman maging tayo, pinaghiwalay nya ang ating landas
Tapos ngayon na pareho na tayong nabigo at nagsisimulang buuin ang panibagong bukas
saka naman tayo muling pinag krus ang landas.

"o pano, logout na talaga ako ha? Ingat ka palagi God Bless !" pahabol pa nyang message
"ikaw rin, ingatz, sana sabay tayo makapag bakasyon sa Pinas" paghahandaan ko talaga mag apply ng leave yun kung sakali.

"oo nga, sana dyan ako sa Singapore bumaba pauwi sa Pinas. O paano, ingat alang ha. wag ka na maghanap ng BF

is typing


malamang sasabihin mo na ikaw na lang hintayin ko
or baka sasabihin mong, sa tagal ng panahon na nagkahiwalay tayo na realize mo na ako pala ay mahal mo

...is typing

antagal nakaka excite,
ang bagal ba ng connection mo at ba't ganyan katagal ng message lumabas sa screen ko.
Nauhaw akong bigla dahil sa excitement, parang gusto kong kiligin na ewan.
Sasabihin mo na bang "hintayin kita" or manliligaw ka na ba. Ang tagal naman.

"hindi mo na kelangan yun, intindihin mo na lang pagpapalaki sa mga anak mo. Baka masaktan ka lang ulit, tama na yung minsan nadapa ka at nakabangon kesa muli ka na naman magmamahal tapos failure na naman ang mangyayari. O sya, paano, gud nyt na, umaga na at may pasok ka pa, ako naman eh may duty na rin mamaya. Musta na lang sa ibang tropa pag naka chat mo sila "  sabay offline mo na.



Minsan talaga ang tadhana kung magpa-asa wagas !

Translate

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;