Feb 13, 2018

Juling Paalam

Si Inay po ang matriarch ng aming pamilya.


Ako po bilang isa sa mga unang apo ay nagpapasalamat kay inay, maging sa tatay po na sumakabilang buhay na rin.
Kundi po sa kanila, malamang ay naging boring ang childhood ko.


Wala po dito ngayon ang pinsan ko na si Dennis, kaya't isasama ko na rin sya sa aking throwback na kwento.

Saksi po ang mga taga Barangay Laurel ng Sta Maria Laguna kung gaano kami nag enjoy ng pinsan ko na si Dennis tuwing bakasyon at isinasama kami sa Sta Maria. Naaalala ko pa noon ang tawag sa amin, heredero at heredera, dahil sabi ng tatay, kung hanggang saan daw ang naaabot ng aming mata ay hanggang doon ang lupa namin.
Actually po, ung nakikita namin ay bundok, walang lupa.

Ang mamanahin ko daw ay yung parte ng bato sa may ilog, yung tinatalunan namin.
Kay dennis naman ay yung sa may kunapat.
Mga arrangement na nauuwi sa asaran dahil gusto namin pareho ay ilog, hindi bato.


Nabanggit ko na rin lang po ang aking kabataan sa piling ng Inay sa bundok,
hindi ko malilimutan na alaala na hanggang ngayon ay andito parin sa akin isipan,
ay noong nagkasakit ako sa sta maria.
Halos ilang araw akong nilalagnat, dahil walang doktor,
si Ka Igme, ewan kung may nakakaalala pa s inyo sa kanya, ay siyang palaging tinatawag ni Inay para tapalan ako ng tuba.
Tuwing papainumin ako ng gamot ay may nakahanda ang inay na biniyak na saging, iaabot sa tatay at doon ipapasok sa gitna ng saging ang kaputol ng chloromycetin.
500mg po kase yun, since bata pa daw ako kaya hinahati. 250mg nga naman.
Actually lately ko na lang po nalaman na ang chloromycetin ay ipinaiinom pala sa panabong na manok kapag may sakit,
madami pong texas si Manong sa bundok.
Sa awa naman po ng Diyos, dinala na rin nila ako sa ospital, siguro na realize nilang hindi pala ako manok.


Masaya ang bakasyon namin ni Dennis, lalu na nung dumating si Jeffrey.
Feeling namin ay nawala sa amin ang atensyon ng Inay at ng Tatay, lagi na lang si Jeff.
Pag may tumbong, sa kanya palagi yung mas maliliit at masarap.
Kapag may kamote na nilaga, si Jeff palagi ang ipinagbabalat,
malalaki na daw kami at kaya na namin.
Pero kapag may iuutos, kami ang unang tinatawag, si Jeff ay excuse,
in short may favoritism ang inay.

Bata pa lang wise na si Jeff, para lang isali namin sa laro, sinusuhulan nya kami.
Yung padala ni manong at ni tita rizza na chichirya at mga cookies na para sa kanya ay isi share sa amin ni Dennis, ipaglaro lang sya.


Actually kung uso na noon ang batas about sa child labor, malamang sasabit ang inay.
Kasama ako sa silangan tuwing mangangahoy, pag naulutan pa ay sa kanluran naman pupunta at magbibisita sa kapihan at lansonesan.
Yung kanluran po ay malapit sa bahay ni Aga Mulach, just imagine kung gaano katarik lumusong at umahon.
Ok lang naman na sumama, pero ung may bitbit na 2 niyog kada braso kapag pauwi na,
doon ako suko talaga.


Magaling din po si inay sa kasabihan.
Ang batang masipag, may lugaw sa hapag.

Yun nga lang, bago ako makakain ng lugaw, kailangan munang sumama pa dulong ilaya
mangunguha ng kakaw, sisipsipin ang mga buto, ibibilad ng ilang araw at saka isasangag.
Di pa po dun natatapos ang kalbaryo, ako na nga ang nanguha sa puno,
ako pa rin ang gigiling para maging tsokolate.
Lahat na po ata ng alibi ay nasasabi ko na sa inay kapag nag gigiling kami.
Natatae, naiihi, sinisinok, naiihi ulit at hanggang sa nagtatae ng paulit ulit.
Yung mga pinsan ko na millenials, malamang hindi na inabutan ang pag gigiling sa antic na gilingan ng inay.
Pero worth it naman, may champurado kinaumagahan.


Trademark din ni Inay ang suman at Tamalis.

Tuwing may okasyon, kasa-kasama nya ako sa silangan para mangarit ng dahon ng saging.
Pag minamalasmalas, may sunong pang isang sakong tistis.
Ang reward - matabang suman at Extra large size tamalis.


Lumipas ang mga taon, nadagdagan kaming mga apo.
Nagdalaga at nagbinata kami nina ate weng, dennis at jeff.
Naka graduate na ako sa pangangahoy, pagpunta sa bundok, sa kanluran at sa silangan.
Dumating sa pamilya namin sina Kevin at Rhea, si Karen at si Rina saka si Khim at Renz,
si Nicole, Stacey at Denise.
Si inay naman ay naging Bantay Bata.
Yung mga millenials namin na mga pinsan ang kanyang nakasama naman sa Fairview.


Nag asawa ako, si ate weng at si Dennis.
Ang mga naging anak namin, Inay na rin ang itinawag sa kanya.


Noon pong naging anak ko na sina Renart at Raisa, nalaman ko na may pagka racist din pala ang inay.
Ayaw nya payagan ung anak ng kasambahay namin na makipaglaro sa 2 bata.
Baka daw galisin.
Sensitive si Inay pagdating sa mga apo.


Si Inay din po ang nagpatunay sa akin na totoo pala ang kasabihan na Magdildil ka sa asin.
Yung 2 anak ko po ay asin at tubig lang ang isinasabaw ni inay sa kanin.
Hanggang 6 months po na ganun ang kanilang kinakain, para daw wag maging pihikan.
Di ka nga ba pihikan Renart?


Late bloomer po ang inay, natuto syang mag wacky during her 80's
Natutong humawak ng gadgets at nakikipag agawan sa mga apo.
Last May po na umuwi ako ay kalaban nya pa sa GTA si rain.
Binilhan namin sya ng wheelchair dahil di na daw sya makagala,
Actually mas gusto po talaga nya ay nakahiga at may aircon tapos tatawag ng "Tita, asan ka ga?"
Tama ba khim?


Sya po ang coolest inay namin na kapag sinabi mong Pose ay magtatanong ng
 " Ganari ga?" sabay posing.

Masaya po ang iniwan na alaala ng inay sa akin, sa aming magpipinsan,
maging sa aking mga pamangkin at mga anak.


Salamat inay at nagkita tayo noong new year, nung magpaalam ako sa 'yo ay sinabi ko pa na babalik ako sa marso.
Na dadalhan kita ng bagong alampay mo,puro ka lang tango at sabi ng salamat.
Yun na pala ang last time na maririnig ko ang boses mo.


I know you are at peace now, kasama ka na ng tatay, Nina Grannygoose, Tita Cel, kuya Ruben at ng Daddy.

Salamat sa pagmamahal at pag aaruga mo sa akin, sa amin ng aking mga anak at mga pinsan ko.

You will be in our hearts forever.












Translate

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;