Dec 11, 2008

sa aking kapwa OFW

May hihigit pa nga ba sa pagmamahal ng isang ina?
Ayokong mahiwalay sa mga anak ko, lahat tinitiis ko, nanditong magkasakit ako. Mura-murahin ng boss ko, kahit sumala sa oras ang pagkain ko, na kalimitan pa nga'y hindi na ako nakakakain, basta ang mahalaga, pagdating ng katapusan may maipadala ako sa mga anak ko.

Ilang taon na nga ba ako dito sa Singapore? 11, 12...hindi, halos 14 na pala.
Panahon ni Flor Contemplacion nung una kong marinig ang bansang Singapura. Akala ko noong una nasa states ito, or nasa parte ng arabia. Yun pala dito rin lamang sa Asya. Walang pera sina itay at inay, kinamulatan ko sa aming lugar na ang babae tama na ang makatapos ng high school, swerte mo na kung makapag kolehiyo ka. malamang nangatulong ka sa mga kamag-anak mo sa maynila kaya nakapag aral ka.

Sa edad na 24, may 2 na akong anak, at sa awa ng Diyos hiwalay na sa aking asawa. Ewan ko kung bakit nga ba ang buhay ay ganun, sa kagustuhan kong maging maayos ang aking pamilya, lalo lamang itong naging magulo. Mas minabuti ko pang humiwalay sa asawa ko kesa maging bulag, pipi at bingi sa kanyang kalokohan. Tama ang sabi ng mga pilosopo sa tanjong pagar, kaya daw ang ulo inilagay sa mas mataas sa puso, para makapag isip ka. Wag padadala sa emosyon, hindi nga naman maipapakain sa mga anak ko ang emosyon.

undergraduate ako, wala naman akong alam na ibang trabaho kundi gawaing bahay, pero madiskarte ako. Nag apply ako bilang turista sa malaysia, puro peke ang suot kong alahas magmukha lang akong Donya, nakalusot ako ng malaysia. makatapos ang 1 linggo, lumiban na ako ng singapura. Asensado ang bansang ito, kabi-kabila ang tanggapan ng trabaho. Napapasok ako bilang tindera ng mga souvenir sa chinatown,sa sweldong $450 kinagat ko na ito. Kung uuwi ako sa Pinas hindi ko kikitain ang Pp12,000 sa pagbabantay lamang ng paninda.

Masunurin ako sa aking amo, ok lang kahit mura-murahin ako, nag mukha akong clown sa harapan ng mga customer, pag mainit ang ulo ng amo ko pinasasaya ko ito. Naroong kantahan ko sya kahit sintunado, kapag maganda naman ang benta inaaribahan ko sya ng jokes, pampagana lalo kumbaga. Hanggang maka 1 taon ako sa kanya, sabi ng aking Madam, "why you never get lonely, everyday smiling, not worry" sabay tatawanan ko na lang sya, pagtalikod ko sa kanya saka lalabas ang mga luha sa aking mga mata.

Mahal na mahal ko ang mga anak ko, iniwan ko sila sa aking mga magulang na matatanda na pareho. Halos 5 taon bago kami nagkita kita, iilang araw lang inilagi nila dito noon, hindi ako makauwi sa pinas dahil wala rin naman ako mapapala. dito may trabaho ako, doon utang lang mapapala ko. Nagdalaga at nagbinata ang mga anak ko na hindi ko nasubaybayan.

At eto nga, lola na ako ngayon. Parehong nasira ang buhay nila dahil sa walang gumabay na magulang, sisisihin ko ba ang sarili ko?
sisisihin ko ba ang magulang ko?
sisisihin ko ba ang dating asawa ko?
wala akong dapat sisihin...ito ang itinanim ko sa isip ko. Ginawa ko ang lahat para mabuhay sila ng maayos, kung ano sila ngayon, iyon ay dahil sa ginusto nila. wag nilang sasabihin na walang gumabay sa kanila, swerte pa nga sila kung tutuusin dahil walang paltos buwanan may sustento sila. Pero sapat na nga ba ang pera para sa mahal natin na naiwan?

Tumatanda na ako, nakakaramdam na ako ng kakaiba sa aking kalusugan. Malaki-laki na rin ang CPF ko, sa awa na rin ng Diyos, si Madam ay ginawa akong manager at napalago namin ang kanyang negosyo. Ang dating $450 na sahod ko, tumataginting na $3200 na ngayon. 6 na ang pwesto namin sa malalaking mall dito sa singapore. Dati nakikisiksik lamang ako sa kwarto ng katulong ni Madam, ngayon may sariling kwarto na akong inuupahan. Sinusustentuhan ko parin ang mga anak at apo ko, pero lagi kong itinatanong sa sarili ko, MASAYA ba ako?

Hindi, hindi at hindi lagi ang isinasagot ko. Mas gusto kong balikan ang 14 na taon kong nakaraan. kapiling ng aking 2 anak, kapiling ng aking mga magulang. Kung may gusto man akong baguhin sa buhay ko, iyon ay ang panahon kung saan pwede kong makuha ang 2 anak ko na hindi ko ginawa dahil nasilaw ako sa karangyaan na ibinibigay ng bansang ito. Akala ko hindi ako tatanda, na walang magiging epekto sa mga naiwan ko ang panahon na matagal kaming magkakawalay walay.

Kaya lagi kong ipinapayo sa mga katulad kong OFW, kung may mahal kayong naiwan sa Pinas, gumawa kayo ng paraan para magkasama-sama kayo. wag mabulag sa kaginhawaang dala ng bansang ito. Mas masaya ang buhay kung kayo ang sama-sama. Wag nyo akong gayahin, eto, nabubuhay na mag-isa.


Sincerely,
Tiya Delia

Translate

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;