Dec 24, 2012

huling pasko, unang penitensya

3 na oras na lang at pasko na.
Anim na pasko rin tayong magkasama. at gaya ng sinabi mo kanina, 
this might be our last christmas together.
di mo na kelangan ulit-ulitin yan, dahil sa inaraw-araw na mumulat at pipikit
ang aking mga mata,hindi mawawala ang litanya mo na "malapit na akong lumipat, maiiwan na kita"

Dahil sa loob ng 6 na paskong dumaan, ikaw halos ang aking naging pamilya.
OA na kung OA, nagmumuni muni lang naman.
May mga kaibigan din naman tayo, pero iba ang bonding nating dalawa.
Ikaw ang guardian na kailanman ay hindi ako pinabayaan, kumbaga sa Rosary,
sinamahan mo ako sa bawat misteryo ng buhay na aking nilitanya.
Tuwing nadadapa ako, nariyan ka para tulungan akong bumangon at
muling ituloy ang paglakad.

Marami sa ating mga kakilala ang nagsasabi na bagay daw tayong dalawa,
di dahil sa maganda ako, pero dahil na rin siguro sa tagal natin na magkasama
kaya't nasanay na sila.
Noong una nahihiya ako, pero nang lumaon,
naisip ko na why not, since bagay naman tayo di ba.

Actually, dapat sa mga bagyo na lang ginagamit ang salitang PAG ASA,
dahil sa loob ng mahigit anim na taon kelanman ay hindi mo ako binigyang pansin.
Para sa 'yo ako ay isang close friend,karamay,kasangga at ang worst,
tingin mo sa akin ay isang kapatid.
Masakit,parang pinupunit bawat himaymay ng aking puso at kalooban,
Sino nga ba naman ako para umasa sa isang tulad mo.
ikaw na rin ang nagsabi na wala naman tayo.
Kahit para sa akin, merong Ikaw at Ako.
Isang kahibangan na kelanman ay hindi ko inakala na dapat palang magising.

Tama na nga lamang siguro na buksan ko ang pintuan upang makapasok ang ibang panauhin.
Nakipag kaibigan ako sa mundo na naghatid sa akin ng kakaibang kalayaan.
Alam mo yung feeling ng nakakahinga ka na walang inaalala na mamaya lamang baka may sumita dahil ang lakas ng boses mo habang nakikipag kwentuhan.
Yung nagagawa mo ang gusto mo na wala kang iniisip na malamang pagalitan ka nya kase pangit ang nabili mong medyas at di bagay sa rubber shoes na gusto mong ipamporma.
Mga mumunting bagay na inakala ko ay matatawag na kalayaan, manapa'y isa palang pagbabalatkayo
lamang dahil sa kabila ng mga ngiti at halakhak na aking ipinapakita, doon sa loob ng puso ko, may nilalang na humihikbing mag isa.

Nang tanungin mo ako kung masaya ba ako sa kanya, tumango ako sabay ngiti na animo'y may katotohanan, hindi mo tuloy napansin ang kamay ko sa likuran,
naka cross fingers at nagpapahiwatig na ang lahat ay kasinungalingan.

at ngayon nga, habang tayo ay magkaharap, muli mo akong sinabihan
"ingat ka ha, baka ito na ang huling pasko at noche buena na ating pagsasaluhan""
tulad ng mga nagdaan, muli, isinuot ko ang matamis na ngiti upang magsilbing maskara kahit sa mga mata ko ay parang may batis na gustong dumaloy ang tubig palabas.

napahid ko na ang mga luha bago pa man ito umagos sa aking mukha.
napitik ko na ang aking puso, para magmanhid sumandali sa sakit na aking nadarama.

huling pasko na tayo ay magsasama...
unang pasko na magiging simula ng aking panitensya.



***




Translate

There was an error in this gadget

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;