May 31, 2012

Mansanas

"miss, ok na ba? pwede na po ba tayong lumakad hihingi pa po tayo ng clearance sa airport"  mungkahi ng driver. Isang tango lamang ang aking naging sagot.


Lumulan na ako sa ambulansya, kasama ang aking asawa at 1 tyahin, nadaanan pa namin ang mga tao na nag-uusisa, or mas marapat na sabihin, nag uusyoso.


Habang tumatakbo ang ambulansya, muling nagbalik sa aking ala-ala ang aking kabataan.


21 taon.


Hindi na malinaw sa aking isipan kung ano ang kanyang itsura. Huling natatandaan ko lamang, umiiyak si Ina habang inaayos ang bagahe na dadalhin ni Ama. Pa abroad daw ito, hindi ko na matandaan kung ilang beses nya akong sinabihan na magbabait, aalagaan ang mga kapatid ko at huwag mag alala, sa pasko daw ay makakatikim ako ng mansanas na ipapadala nya.


Huling sulyap nya sa akin ay nasa may tarangkahan ako ng bahay.
Bitbit ni Ina si bunso habang si Lilibeth naman ay nakahawak sa kanyang saya.
Hinatid nila si Ama hanggang sa may pag ahon papunta sa nayon. Taga tabing dagat kami noon, ahon at lusong sina inay para mag tinda ng isda habang ako naman at si Lilibeth ay papasok sa eskwelahan sa nayon.


Mula ng umalis si itay, naging mas mahirap ang aming buhay. Ang mga kapatid ni Ina, dinadalaw kami. Mahirap na daw na kaming mag-iina na lamang ang nasa tabing dagat, ayaw naman ni Ina na lumipat kami at pumisan kina Lola, may pamilya na daw kase si tya Soledad, kapatid na bunso ni ama at kalabisan na kaming mag iina kung pipisan kami sa kanila.


Tanda ko pa noong unang pasko na wala si Ama, nag hihintay ako ng maglulusong na ibang tao, kartero man ito o tagadala ng package. Malamang kako may padala si Ama, gaya ng kanyang pangako.


Ang iniluwa ng tarangkahan namin ay ang pawisang mukha ni Ina, naglako ito ng isda. 
Tinanong nya ako kung may sinaing na, kumain na daw ba ang mga kapatid ko.
Sunod sunod na tango ang aking naging kasagutan. 


Alas otso na ng gabi, papatayin na daw ni Ina ang simbo, ilawang de gaas lamang ang aming gamit, wala kaming pampakabit ng kuryente.
Ayaw ko pang umalis sa may pinto, umaasa ako na dadating ang mansanas na padala ni Ama, isinarado ni Ina ang pintuan at pilit akong pinapunta sa papag, wag na daw akong mag hintay, dahil walang ipapadalang mansanas si Ama.


Kauna-unahang pagkakataon na nakatanggap kami ng sulat mula kay Ama matapos ang may 18 buwan nya na nasa abroad, Nawalan daw sya ng trabaho at may mga pagkakautang sa mga kasamahan nya. Kung uuwi daw naman sya ay lalo lamang mahihirapan kami dahil magbabayad sya sa agency na nagpasok sa kanya. Tangi na lamang daw nyang magagawa ay magtrabaho ng patago, kahit mababa ang sweldo, basta mabuhay lamang daw at pag may naipon ay magpapadala na sa amin.


Noon ko lamang nakitang umiyak na humahagulhol si Ina, maging si Lilibeth ay nakisabay na rin at ganun din si Laila, ang bunso kong kapatid na nasa may papag. Hindi ko sila naiintindihan, magpapadala naman daw si Ama, pero bakit umiiyak pa rin si Ina.


Makalipas ang ilang buwan, magpapasukan noon, buwan ng hunyo. Grade 5 na ako, nag iimpake si Ina, akala ko ay kung saan lamang kami pupunta. Ang ilang sako ay nakalatag sa sahig at katulong ang aming tiya Flora, madali nilang isinasako ang aming mga gamit.


"Ina, saan nyo dadalhin ang mga gamit natin? bakit kayo nag iimpake?" tanong ko sa kanila


"Tumulong ka na lamang dine at maya-maya ay dadating na ang banka at sa manggahan tayo dadaan paahon. Ikaw ay magmadali at tatanghaliin tayo maiinitan ang bata ay may sinat pa si Laila" mahabang litanya ni Ina.


Nang makaahon kami sa nayon, nalaman ko na kina tya Gloria pala muna kami maninirahan. Ipinagbenta ni Ina ang aming bahay sa tabing dagat. Malaki naman kahit papaano ang bahay nina tya Gloria, may itaas ito. 
Doon nya ipinalagak ang aming mga gamit. May 1 kwarto na ipinagamit sa amin, doon na daw kami manunuluyan.


Grade 6 ako at graduating noon ng magpaalam si ina, mag a abroad daw sya. Ako naman ngayon ang humahagulhol ng iyak habang nag aayos ng mga gamit na dadalhin nya. Ilang taon na mula ng umalis si Ama at simula noon ay wala na kaming nabalitaan mula sa kanya. Ni sulat ay wala kaming natanggap. Nakailang pasko na, wala parin ang mansanas na ipinangako nya.


Nag high school ako na walang ama at wala ring ina na umatend sa graduation. Nasa fourth year high school ako ng magbalikbayan si Ina. Ibang iba ang kanyang itsura, mas naging mukhang bata. Hiyang sya sa Hongkong, bilang kasambahay, wala daw syang ginagawa kundi maglinis ng bahay at mag alaga ng bata. Apat na taon, parang kailan lamang ay inaayos ko pa ang bagahe ni Ina, ngayon heto at kasama na namin siya.


Dala ng pangangailangan, muling tumulak pa Hongkong si Ina, 1st year college ako, kumukuha ng kursong Komersyo sa bayan, si Lilibeth naman ay 3rd year high school at graduating ng elementary naman si laila. Sunod sunod na gastos ang kinakaharap namin kaya't napilitan si Ina na muling mamasukan sa Hongkong.


Walang ama, walang ina. Tanging mga tyahin lamang ang aming kasama. Hindi kami makakilos ng gusto namin, mahigpit si tya Gloria. Madaming bawal. Matipid sya maging sa pagkain naming magkakapatid, katwiran nya, hindi basta ang paghihirap ni Ina sa hongkong kaya't kailangan namin magtipid. Para makauwi na daw si Ina.


Isang araw, may nagbalikbayan mula sa Saudi na taga aming barangay, sabi nya nakita daw nya si Ama. Nag mamaneho daw ito sa isang mayamang Arabo. Kwento pa nya, mahilig daw magsugal at tumaya sa mga karera si ama. Malaki  daw itong kumita.
Hindi ko na pinakinggan pa ang ibang sinasabi nya, si tya Gloria ay kung anu ano na kaagad ang namutawi sa bibig, pabaya daw si Ama, walang iniintindi kundi sarili nya. malamang daw ay may pamilya na itong iba na binubuhay dahil kami ay kinalimutan na nya. Mga salitang sumusugat sa aking dibdib. Ama ko pa rin sya, nasasaktan parin ako sa mga sinasabi nila.


Nasa fourth year high school si Lilibeth ng hindi ito umuwi isang gabi ng buwan ng Oktubre. 
Nag alala sina Tya Gloria, ako  naman ay alas sais ng hapon nasa bahay na. Ipinagtanong namin sa kanyang mga kaklase kung nakita nila si Lilibeth, ayon sa mga ito, hindi daw sumabay sa kanila nung mag-uwian sila.


Kinabukasan, hindi ako pumasok, kailangan kong malaman kung saan nagpunta si Lilibeth, bandang alas nuebe ng umaga, may tinatahulan ang mga aso sa may pultahan namin. 
May mga tao na natawag sa pangalan ni tya Gloria. 
At mula sa bintana sa ikalawang palapag ng bahay, natanaw ko si Lilibeth nakahawak kamay kay Angelo, ang manliligaw na sa pagkaka alam ko ay nag aalaga ng pastulan sa kabilang bayan.


Nagtanan si Lilibeth. 
Dahil mga bata pa, sa Barangay lamang nagpirmahan sina Tya Gloria at magulang ni Angelo. Hindi na tinapos ni Lilibeth ang kanyang pag aaral at naiwan sa pangangalaga ni tya Flora kaming dalawa ni Laila.


Makalipas ang 3 buwan, umuwi si Ina, buntis na noon si Lilibeth, hindi na rin sya napigil ni ina at hinayaan na lamang makisama kay Angelo, sa pastulan sila nanirahan, tagapag bantay sa Farm ng isang mayamang pamilya.


Hindi na nag abroad si Ina, may naipon daw naman sya at nagpatayo na lamang ng isang maliit na bahay sa tabi ni Tya Gloria. Tutal naman daw ay may parte sya sa lupa ng kanilang ina kaya't kami ay nagkaroon ng sariling bahay.
Namuhay kaming mag-iina ng tahimik, si Ama? wala na kaming nabalitaan mula sa kanya. 
Hindi na rin namin inalam sa mga balikbayan mula sa Saudi kung nakita ba sya o kung nakikilala pa ba siya.


Nakapagtapos ako, nagka trabaho at ngayon nga ay may sarili ng pamilya. Ang dating maliit na bahay namin, ngayon ay may 3 kwarto na. Si ina ay tagapag alam ko na lamang sa aking 2 anak. Maayos naman ang buhay namin.
Si Laila naman ay may sarili na rin pamilya, nag a abroad narin, kamakailan lamang ay kababalik nya lang mula sa Dubai kasama ang kanyang asawa. Masasabi kong maayos na rin ang katatayuan nya sa buhay. Tanging si Lilibeth lamang ang hindi nakatapos sa amin, may 4 siyang anak, at ngayon nga ay inaabutan namin paminsan minsan kapag nadalaw sa aming bahay para makita si Ina.


Nito lamang nakaraang buwan, nakatanggap kami ng sulat mula sa Saudi.
Ayon sa sulat, may sakit daw si Ama at kasalukuyang nasa pangangalaga ng embahada. 
Nais na daw nitong umuwi ngunit dahil na rin sa wala na itong dokumento, hindi sya basta maaring makalabas ng Saudi na hindi nagbabayad ng mga multa. 
Walang wala daw pera si Ama, kahit pambili man lamang daw ng pagkain ay wala at umaasa na lamang sa donasyon ng mga kababayan na naaawa sa kanya.


Parang pinupunit ang aking puso.
Si ama na may 21 taon naming hindi nakasama, heto at humihingi ng tulong sa amin na kanyang pamilya.


Sinabi ko kay Ina ang laman ng sulat. 
Tahimik lamang sya, walang reaksyon na rumehistro sa kanyang mukha.
Kung galit sya, hindi ko alam. 
Hindi ko alam kung paano babasahin ang ibig ipahiwatig ng kanyang mukha.


Tumalikod ako at dumukot sa aking wallet ng pera. May dalawang libong piso pa ako. Ipambibili ko sana ito ng sapatos ni Nica, nagre reklamo na kase ang bata na masakit na ang dulo ng kanyang paa. Sikip na ang sapatos na pamasok nya.


"Ina, papunta muna ho ako sa bayan, may aasikasuhin lamang" pamamaalam ko kay Ina.


at sa Cebuana Lhuillier ako tumuloy, hindi ko natiis ang aking nabasa sa sulat kaya't nagpadala ako ng kaunting halaga para kay Ama, pambili man lamang nya ng gamot o pagkain.


At heto nga, matapos ang mahigit 48 araw, makakauwi na rin sya. 
21 taon ...kay tagal na panahon. Hindi ko alam kung makikilala ko pa ba sya. 
Huling litrato na natanggap namin ay ang panawagan nya, humihingi ng tulong sa mga kababayan na maiuwi sya dito sa Pilipinas.


Ninoy Aquino International Airport.


Lulan ng eroplanong galing sa Saudi Arabia, iniluwa ng arrival area ang may katandaan ng matanda. Wala na ang tikas ng kanyang katawan. Malago ang puting buhok na animoy hindi man lamang nadaanan ng suklay ng may ilang araw. Payat, maitim at may ilang ngipin ng nalagas.


Sya na pala si Ama. 


Hindi ko alam kung maluluha ba ako sa aking nakita, hindi rin nya ako nakikilala. Nilampasan lamang ako ni Ama at habang ginagabayan sya ng ilang kawani ng Embahada, hinanap nila ang anak daw ni Ama.


Lumapit ako sa mga kawani ng embahada at nagpakilala. Iniharap nila ako kay Ama.
Tanging 1 plastic na maliit lamang ang kanyang tangan sa kanang kamay. Inabot ko ang kanyang butuhan ng kamay at nagmano. 


Pinagmasdan ako ni Ama at saka nya ako niyakap ng mahigpit.


Ah...kay tagal na panahon ko ring hindi naramdaman ang yakap ni Ama. May 21 taon kong hindi man lamang naramdaman ang init ng bisig na sa akin noon ay palaging kumakarga lalu na't palusong kami at madulas ang kalsada.


Matapos nya akong yakapin ay may dinukot sya sa kanyang bitbit na plastic.


"anak, eto ang matagal ko ng pangako sa yo na pasalubong...pasensya ka na, ngayon lamang ito maiaabot sa iyo ni Ama..." at mula sa plastic ay iniabot ng kanyang butuhan ng mga kamay ang isang piraso ng Mansanas.


Sabay sa pag abot ko sa prutas ay ang pagdaloy ng mga luha sa aking mga mata. Kailanman pala ay hindi kinalimutan ni ama ang pangako nya..
ang mansanas na may 21 taon kong hinintay.


Iniuwi namin si ama sa bahay, noong una ang akala ko ay hindi sya papansinin ni Ina, nagulat na lamang kaming magkakapatid ng mula sa kung saan ay may inilabas si Ina na mga damit pampalit ni Ama. 


Binihisan nya at nilinisan si Ama, nagpatawag pa ng barbero para naman daw maging kaaya-aya ang itsura.


Mula sa aking bulsa, kinapa ko ang mansanas na kanina lamang ay iniabot sa akin ni Ama...ramdam ko, simula sa araw na ito, mabubuo na muli ang aming pamilya.


***
at gaya nga ng kasabihan, sa hinaba haba man daw ng prusisyon, sa simbahan parin ang tuloy. 


Nawala man ng matagal si Ama at pinabayaan nya kami na kanyang pamilya, sa bandang huli, heto at kami pa rin ang inuwian nya. 


Hindi na mahalaga ang nakaraan, importante ngayon ay maging masaya kaming lahat habang kumpleto pa. Sa edad ni Ama, alam namin na iilang sandali na lamang namin syang makakasama. 
Ang mahalaga ay narito na sya, at heto nga, tinupad nya parin ang pangako nya. 


Ang mansanas na inabot ng 21 taon bago ko nakuha...
**
-this is a true story-

No comments:

Post a Comment

Please leave a comment:

Translate

There was an error in this gadget

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;