Apr 14, 2010

regalo

Paano nga ba natin mapapasaya ang ating magulang?

June 14, 2009

6:42PM

"hello anak, ang daddy kakausapin ka daw at may sasabihin " mommy ko ang nasa kabilang linya habang ipinapasa ang telepono sa aking ama.

"chok, fiesta ngayon dito sa atin, madaming bisita, andito mga kumare at pare mo. Naulit ko sa kanila na maganda dyan sa Singapore, ipinakikita ko ngayon ang mga picture na iyong pinadala" mahaba nyang bungad sa akin.

Isang retirado ang aking ama, sa edad na 64 hindi pa nya naranasan lumabas ng bansa. Ginugol nya ang kanyang mga taon sa pagtatrabaho.
Ayaw pa nga nyang mag retired, napilitan lamang dahil sumasakit na ang kanyang mga buto dahil sa arthritis. 3 beses ng naoperahan sa puso ang aking ama, at lahat iyon ay matapang nyang hinarap.

Isang ordinaryong empleyado sa gobyerno ang aking ama, hindi kami mayaman at hindi ko rin naman masasabing kami ay mahirap. Kumbaga tama lang. Nasa middle class. Isang teacher ang aking ina. Sa aming probinsya sa Laguna ako nag aral mula elementarya hanggang sa makatapos ng kolehiyo. At pagka graduate nga ay pinalad na makarating dito sa Singapore.

Sa 5 taon na pagta trabaho ko dito, ni minsan ay hindi pa ako umuwi sa Pilipinas. Kalimitan ay si mommy ang dumadalaw sa akin. gustuhin man ni daddy na sumama, hindi naman nya kakayanin ang byahe. Naka wheelchair na si daddy, iginupo ng sakit na arthitis ang kanyang kalusugan. Siguro ay dahil na rin sa sobrang inom ng beer noong kabataan nya kaya tumaas ng tumaas ang uric acid sa kanyang katawan.

August 30, 2009

Malapit na ang birthday ni daddy, siguro naman ay sapat na ang aking naipon para ipambili ng isang espesyal na regalo para sa kanya. Ipapadala ko na lamang
sa fedex para mabilis.

"hello mommy, musta kayo dyan?" bungad ko sa aking ina
"eto, laging puyat, di magpatulog ang daddy mo laging masakit ang paa" reklamo nya
"ipa check up mo kase para malaman kung ano gagawin"
"regular naman ang check up eh, tag ulan kaya ganito. laging malamig at naulan" paliwanag nya

Hindi ko na tuloy nabanggit ang tungkol sa regalo ko na ipapadala kay daddy.

September 27, 2009

11:40am

"hello chok, anak ang daddy ay nahihirapan ng huminga, ilang araw ng hindi makakain ng ayos laging masakit ang katawan nahihirapan ng bumangon" umiiyak na tawag sa akin ni mommy.

"dalhin nyo na sa ospital para mai confined, mahirap yang ganyan" utos ko sa kanya
"ayaw na ni dr Ho na dadalhin sa ospital, ganun at ganun din daw naman ang gagawin, anak nahihirapan na ang daddy..." walang humpay nyang iyak
kasunod noon ay ipinasa nya kay daddy ang telepono

"elo chok .." ramdam ko ang hirap nya sa paghinga, nahihirapan syang magsalita
"hello daddy, anong nararamdaman mo? " pinalalakas ko lang ang aking loob sa pakikipag usap sa kanya
"hirap na akong huminga..."
"gusto mo uuwi ako para magkita tayo?" pigil ko ang aking luha
"wag na, baka mawalan ka ng trabaho dahil uuwi ka. mahirap makahanap ngayon ng trabaho..." sabay ubo nya ng mahina na parang nahihirapan na.

Hindi ko na kinayanan, ibinaba ko na ang telepono at umiyak. Gusto kong umuwi, pero ayaw ni daddy dahil sa natatakot syang mawalan ako ng trabaho. kahit kailan workaholic ang daddy ko. Di bale ng maysakit basta nakakapasok, katwiran nya, mahirap mawalan ng ipapakain sa pamilya.

9:20PM

"anak, nasa hospital na kami. andito mga kumare at kumpare mo nagbabantay at nadalaw sa daddy" masayang tawag ni mommy
"o, di ayos atleast may kasama ka jan, dala mo ang laptop para makapag chat tayo at magkita sa webcam"
"bukas na lamang at gabi na" sabay tapos nya sa aming pag uusap.


September 28, 2009

9:01am

"hello chok, mayamaya ay bubuksan ko ang laptop at tayo eh mag internet" mommy ko ulit
"ok, mag aayos lang ako at para bago pumasok eh nakahanda na ako" sabay pasok ko sa banyo para maligo.

Makalipas ang may 30 minutes muling tumawag si mommy

"anak..." habang humahagulhol ng iyak " ang daddy ipinasok na ulit sa ICU, nag 70/40 ang blood pressure" walang tigil sya sa paghagulhol
"hindi na ba pwede makita kahit sa webcam ang daddy?" iyon na lamang ang aking naging sagot
"tatawagan kita maya maya titingnan ko muna ang daddy" sabay putol nya sa aming pag uusap.

9:45am habang papatawid ako sa MRT area

"chok...ang daddy...pina pump na. iiwan na tayo ng daddy mo.." iyon na lamang ang huli kong naintindihan, tila gumuho sa akin ang lahat.

Hindi ko namalayan, nakaliban na pala ako ng MRT habang umaagos ang luha sa aking mga mata. Ang ama na hindi ko man lang nakita ng may 5 taon, hayun at kami'y iiwan na.

September 29, 2009

Laguna.

Kapapasok ko pa lamang sa bahay ay sinalubong na ako ng may ilang kamag-anak, umiiyak sila. Hindi ko na naintindihan ang kanilang mga sinasabi.
Lumapit ako sa kinahihimlayan ni daddy, payapa at mukhang nakangiti sya sa kanyang pagkaka himlay. Marahil ay talagang gusto na nyang mamahinga.

"dad, sorry ha, matigas ang ulo ko. Eto umuwi parin ako." sabay dukot ko sa aking bulsa.
"dad, eto nga pala ang gift ko sa birthday mo..." at binuksan ko ang ilang piraso ng mga papel sa harapan nya.
"pinag ipunan ko ito, alam kong gustong gusto mong makapasyal sa mga lugar na nakita mo sa mga pictures ko."

hindi ko na napigilan ang pag agos ng luha sa aking mga mata.

Sayang hindi na nya nakita ang plane ticket na binili ko para sa kanya, pinag ipunan kong maibili sila ni mommy ng business class sa Singapore Airlines upang maging kumportable ang kanyang byahe....

isang regalo na kailanman ay hindi na nya nakita.



*****

1 comment:

Please leave a comment:

Translate

There was an error in this gadget

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;